Saluduhan din natin ang katapangan ng mga nagta-trabaho sa supermarket sa gitna ng COVID-19 outbreak!
COVID-19 outbreak in Philippines
Naitala ang unang kaso ng COVID-19 sa probinsya ng China sa Wuhan noong November, nakaraang taon. Pagkatapos nito, mabilis ang naging pagkalat ng virus sa buong China. At hindi nagtagal, kumalat na rin ito sa iba’t ibang bansa kasama na ang ating bansa.
Dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng mga nagpositibo sa COVID-19 dito sa Pilipinas, nagdesisyon si Pangulong Duterte na magsagawa ng Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon habang ang buong Pilipinas naman ay nasa ilalim ng State of Calamity.
Hindi na maaaring makalabas o makapasok ng bansa sa pamamagitan ng land, local air travel at local sea travel. Ito ay nagsimula noong March. Ang lockdown na ito ay nakataas hanggang April 14.
Mahigpit na ipinatutupad ito dahil sa patuloy na pagtaas ng mga nagpositibo sa COVID-19 sa bansa. Hindi maaaring makalabas ng lungsod ang mga tao. Utos ng pangulo, sa kani-kanilang bahay na lang muna sila manatili hanggang matapos ang Enhanced Community Quarantine.
Ipinatigil na rin muna ang operasyon ng lahat ng mass transportation sa buong Luzon. Katulad ng mga byahe ng jeep, bus, tricycle at iba pang uri ng public transportation. Sinisita rin ang mga nakikitang naglalakad sa labas at ang mga private cars na patuloy na bumabyahe.
Dahil sa lockdown na ito, sabay na ring nagkansela ng pasok ang mga private companies. Base na rin sa pagsunod sa protocol.
Frontliners in COVID-19 outbreak in Philippines
Kahit na marami na ang nagsarado na mga mall at ibang establishments, nananatili pa ring nakabukas ang mga bank, convenience store, pharmacy at mga supermarket.
Sa panahong nagkakaroon ng krisis ang isang bansa, dito talaga mas nakikilala ang mga modern heroes ng ating bansa.
Alam natin na delikado talaga ang lumabas muna at makisalamuha sa maraming tao dahil sa mabilis na pagkalat ng virus. Ngunit para sa ating mga frontliners, patuloy pa rin silang maglilingkod at magbibigay ng serbisyo sa bayan.
Siguro nagtataka ka dahil kahit na may lockdown, nananatili pa ring nakabukas ang mga supermarket. Ito ay dahil kailangan pa ring manatiling nakabukas ng mga supermarkets para ma-supplyan ang pangagailangan natin.
Nitong March 24, naglabas din ng pasasalamat si Pangulong Duterte para sa ating mga frontliners na patuloy na nakikipaglaban sa virus na kinakaharap ng bansa.
Kung wala ang mga frontliners, hindi rin mapupunan ang ating mga pangangailangan. Kaya sa oras na ito, bakit hindi natin sila sabay-sabay na pasalamatan para sa kanilang sakrispisyo para sa bayan?
Bukod sa mga doktor, nurse at iba pang medical professionals na kasalukuyang humaharap at gumagamot sa mga pasyenteng positibo sa COVID-19, frontliner ding maituturing ang mga grocery workers na patuloy pa ring nagtatrabaho sa kabila ng banta ng virus.
Isa na rito si Lorna Juson. Isang 38 years old na nagtatrabaho bilang grocery worker sa San Jose del Monte Bulacan. Araw-araw, matiyaga siyang pumapasok sa kanyang trabaho at naglalakad mula Fairview, Quezon City. Kung minsan naman daw na suwertehin ay nakakasakay siya ng habal-habal.
Ayon kay Lorna, kailangan niyang magdoble-kayod sa trabaho dahil kasalukuyang walang trabaho ang isa niyang kapatid dahil sa lockdown na nangyayari.
“Hindi na po kasi nakakapasok sa trabaho ang kapatid ko sa Ortigas dahil sa lockdown kasi ahente po iyon ng mga property,”
Kagaya ni Lorna na isang grocery worker, isa rin si Jayson Sales sa mga maituturing na modern hero. Ayon naman sa kanya, hindi na niya kailangang maglakad ng malayo papunta sa trabaho dahil sa bike na pinahiram sa kanya ng kanyang kaibigan.
Kailangan din niya ng trabaho ngayon dahil wala silang mapagkukunan ng pagkakagastusan.
“Kailangan po kasi pumasok [sa trabaho eh]. Iyong isa ko po kasing pinsan, hindi na nakakapasok kasi sa Maynila po siya nagtatrabaho. Eh wala pong mass transport. Kung hindi po, paano na kami?”
Kung tayo ay pupunta sa ospital, grocery stores o iba pang mga establisyemento na may mga taong handang maghatid ng pangangilangan sa atin, ‘wag tayong magdalawang-isip na magpasalamat sa kanila. Ang simpleng ‘thank you’ ay malaking bagay na rin para sa kanila.
SOURCE: GMA News Online
BASAHIN: Doctors who died because of COVID-19; Salamat, you are our heroes!