Nakakabaog ba ang beke? Ito ang karaniwang tanong ng mga nagkaroon na ng sakit na ito. Alamin ang sagot ng eksperto tungkol dito.
Ang beke o mumps ay isang viral infection na nakaaapekto sa tinatawag na parotid glands, ang pares ng salivary glands na nasa may harap ng bawat tainga, sa bandang panga.
Karaniwang dulot ng beke sa mga bata ay ang pamamaga ng panga (at bahagi ng mukha) at mataas na lagnat—hindi naman delikado, di ba? Basta’t ikaw ay wala pa sa puberty age, ligtas naman daw ito, sabi ng mga doktor, at walang malubhang komplikasyon.
Bakit nga ba kinukonekta ng tao ang beke sa pagkabaog?
May ilang komplikasyon ang maaaring maging dulot ng beke, lalo na kung nasa edad ng pre-adolescence o puberty. Hindi naman lahat ay may dalang panganib, lalo na kung maibsan kaagad ang impeksiyon.
Ang impeksiyon kasi ay maaaring may dulot na mas malalang problema. Nariyan ang posibilidad ng encephalitis o pamamaga ng utak, pati ang pamamaga ng spinal cord o di kaya ay ng pancreas. Nariyan din ang posibilidad ng pagbaba ng sperm count, at sa bihirang kaso, ang pagkabaog.
Ang epekto sa testicles ng lalaki
Ang orchitis o pamamaga ng testicles o bayag ay nakakaapekto sa 1 sa bawat 4 na lalaking nagkaron ng beke pagkatapos ng puberty period nila, paliwanag ni Dr. Arsenio Meru, MD.
Karaniwang isang testicle lamang ang naapektuhan, pero may mga kaso din na parehong bayag ang apektado. Mapapansin ang pamamaga sa pagitan ng 4 at 8 araw pagkatapos magkaro’n ng beke, at tumatagal ito ng hanggang 6 na linggo.
Ang ilang nakaranas ng orchitis sanhi ng beke ay nakaranas ng pagliit ng testicle na naapektuhan, na karaniwan ay nagkakaro’n din ng pagbaba ng sperm count. Sa madaling salita, ang orchitis ay nakakapekto sa produksiyon ng sperm ng isang lalaki.
Nakakabaog ba ang beke? Dahilan ba ang mababang sperm count ng pagkabaog?
Ang dapat lang tandaan, ayon sa mga doktor ng Mayo Clinic, hindi rin ito sapat para maging sanhi ng pagkabaog.
Narito ang mga “fast facts” tungkol dito:
- Ineestimang nasa 30% ng kalalakihang nagkabeke ang nagkakaron din ng orchitis.
- Karaniwang naiibsan ng pag-inom ng paracetamol o ibuprofen ang anumang pananakit ng namamagang testicles. Pero kapag hindi na karaniwan ang pananakit at hindi na matanggal ng mga pain killers, mabuting magpatingin kaagad sa doktor.
- Nagkakaron ng posibilidad ng pagkabaog kapag ang parehong testicles ay naapektuhan ng orchitis.
- Kung nagkaron ng beke bago ang puberty, hindi karaniwang naaapektuhan ang testicles ng batang lalaki.
- Pagdidiin ni Dr. Meru, ang pagkakaron ng beke, pero wala namang orchitis, ay walang panganib na maging baog o infertile.
Beke sa mga babae
Isa sa bawat 20 kababaihan ang nakakaranas naman ng oophoritis o pamamaga ng obaryo, kapag nagkaro’n ng beke pagkatapos ng puberty. Dala nito ang pananakit ng lower abdomen at mataas na lagnat. Gayunpaman, wala itong epekto sa fertility ng babae.
May mga nag-aalala na magkaro’n ng pagkalaglag kapag nagkaron ng beke habang buntis. Pero ayon sa mga medical experts ng Mayo Clinic, walang sapat na ebidensiya tungkol dito. Pero bilang pag-iingat, dapat na umiwas ang mga nagbubuntis sa mga may beke.
Alamin ang nararapat na bakuna laban sa mumps at iba pang nakahahawang sakit, para maging ligtas sa pagkakaron nito.
SOURCES: Dr. Arsenio Meru, MD; MayoClinic; IrishHealth
Basahin: Nakakabaog ba ang luslos?