Maraming uri ng luslos o hernia ang nakakaapekto sa kababaihan at kalalakihan. Narito ang gabay para maintindihan ang kondisyong ito, at ang epekto nito sa kalusugan. May katotohanan bang nagiging baog pagkatapos ng operasyon sa luslos?
May mga surgical procedures na maaaring makaapekto sa fertility ng isang tao, babae man o lalaki. Ayon sa medical article ni Robert J. Fitzgibbons, Jr, MD, ang operasyon ng inguinal hernia ay isa sa mga surgeries na maaaring maging sanhi ng pagkabaog.
Image from Freepik
Ang hernia ay nangyayari kapag ang isang organ ay tumutulak palabas sa bukana ng muscle o malambot na tissue na bumabalot sa laman-loob ng ating katawan, (karaniwan ay sa abdomen), at ang inguinal area o ibabang bahagi ng katawan ay nabubutas o nasisira. Mayron ding hernia na nangyayari sa pusod, itaas ng balakang, at sa mga singit o groin areas.
Sa mga lalaki, ang luslos ay sanhi ng pagbubuhat ng mabibigat na bagay. Sa mga babae, ito ay karaniwang dala ng matinding pag-iri kapag nanganganak. Nangyayari ang luslos sa babae at lalaki, bagamat mas karaniwan sa mga lalaki kaysa sa mga babae .
Nagiging baog ba pagkatapos ng operasyon sa luslos?
Ang inguinal hernia ang pinakakaraniwang uri ng hernia, lalo sa mga kalalakihan. Ito rin ang mas partikular na tinatawag na luslos ng mga Pilipino. Ito ang uri ng hernia kung saan ang bahagi ng bituka ay tumutulak sa mahina at delikadong bahagi ng lower abdominal wall, at pumapasok sa inguinal canal sa singit. Nagkakaron ng pagbukol sa ilalim ng balat.
May mga taong mayrong luslos, pero hindi nila kaagad nararamdaman o nalalaman, hangga’t mapwersa nang maigi, tulad ng kapag nagbuhat nga ng mabigat, umubo, o sa mga babae, umiri kapag nanganganak.
Image from Freepik
At kapag hindi nalalaman agad, hindi ito nabibigyan ng nararapat na paggamot o solusyon, kaya’t nagkakaron ng komplikasyon.
Hindi ang pagkakaron ng luslos ang direktang nakakaapekto sa pagkabaog, kundi ang mga komplikasyon nito. Minsan din, ang surgical procedures na isinagawa para malunasan ang luslos, ang may dalang panganib.
Sa mga kalalakihan
Isang dahilan kung bakit naiuugnay ang luslos sa pagkabaog ay ang epekto nito sa produksiyon ng semilya. Kapag may mga lamang tiyan na (abdominal materials) na napunta sa loob ng scrotum dahil sa hernia, ang init ng temperatura ng tiyan ay napupunta sa bayag o testicles.
Ang testicles ay may mas mababang temperatura kung ikukumpara sa ibang bahagi ng katawan, at ang mababang temperatura na ito ang nakakapagpanatili ng malulusog na semilya ng lalaki.
Sa oras na nag-iba ang temperatura, at uminit ang bayag, maaapektuhan ang proseso ng produksiyon ng semilya ng isang lalaki (spermatogenesis), at paglaon ay makasisira sa semilya.
Pero pagdidiin ng mga doktor, mangyayari lamang ito kung matagal na ang luslos, at hindi napapansin o hindi ginagamot.
Paliwanag nina Keith A. Hansen, M.D. at Kathleen M. Eyster, Ph.D., may akda ng medical article na Infertility: An unusual complication of inguinal herniorrhaphy (2006), ang pagkakaron ng luslos sa reproductive organs ng mga kababaihan at kalalakihan ay maaaring makasira at maging sanhi ng pagkabaog.
Pero may panganib lamang kung hindi kaagad mabibigyan ng tamang atensiyon o paggamot ang luslos, at mapabayaan itong lumaki at masakal ang reproductive organs.
Pwede ring makaapekto ng malaki ang anumang surgery o procedure pantanggal sa luslos, dahil sa komplikasyon na hindi na naagapan. Dapat na maingat ang pag-opera ng luslos para masiguro na walang damage sa mga delikadong organs.
Sa mga kababaihan
Image from Freepik
Bihira ang inguinal hernia na nasa reproductive organ ng babae tulad ng fallopian tube o obaryo, at kung mangyari man, maaapektuhan nito ang fertility ng isang babae.
Kung nagpaplanong magbuntis, at mayrong hernia, kailangang kumunsulta kaagad sa doktor o isang hernia surgeon. Mainam na maoperahan ang luslos bago pa magbuntis, dahil mas delikado ang pagbubuntis na may luslos pa.
Ang luslos ay may kaakibat na mga komplikasyon, kaya naman nakasalalay sa maagap na pagpapatingin o pag-konsulta sa doktor ang kaligtasan.
Makakatulong na hindi maapektuhan ang reproductive organs, at magkaroon ng komplikasyon tulad ng pagkabaog, kung maooperahan kaagad ang luslos.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!