Nakakahawa ba ang asymptomatic COVID patient? Ang sagot ng mga pag-aaral at eksperto ay oo. Patunay rito ang isang maliit na kasal na naging daan upang maging positibo sa sakit ang 134 na katao.
Nakakahawa ba ang asymptomatic COVID patient?
Isang maliit na kasal sa Maine, USA ang ginagamit ngayong halimbawa ng mga health expert sa kung paano mabilis na kumakalat ang sakit na COVID-19. Dahil ayon sa kanila, sa naganap na kasalan na dinaluhan ng 62 na katao ay nakapag-travel ang sakit ng daan-daang milya at nakapag-infect ng iba pa.
Base sa report, naganap ang kasalan sa Millinocket, Maine nito lamang nakaraang Agosto 7. Ang mga guest na nagpunta rito ay kinunan naman umano ng kanilang body temperature. May mga paalala rin sa wedding venue na panatilihin ang pagsusuot ng mask at i-praktis ang social distancing. Ngunit iilan lamang sa mga wedding guest ang sumunod rito.
Matapos ang dalawang linggo may 132 na kaso ng COVID-19 ang lumabas na may kaugnayan sa isinagawang kasal.
Base sa ginawang contact tracing, ang virus na na-contact sa kasal ay nakapagbiyahe pa ng Maplecrest Rehab at Living Center sa Madison na daan-daang milya ang layo sa ginawang wedding event.
Ang sagot ay oo, base sa mga na-report na kaso ng sakit
Paliwanag ng mga contact tracer, isa sa mga guest na nagpunta sa kasal ang COVID-19 asymptomatic patient. Hinawaan nito ang iba pang guest sa kasal na na-infect naman ang ilang miyembro ng kanilang pamilya.
Partikular na ang isang guest na nahawaan ng sakit ang kanyang mga magulang. Ang kanyang mga magulang nahawaan din ang kanyang kapatid na naihawa naman ang virus sa 5 pang ka-trabaho nito.
May isang mag-asawang senior citizen din ang nakatira sa kanilang secluded na bahay sa Cedar Lake ang nahawaan ng sakit. Ayon sa mga contact tracer, nagkaroon sila ng contact sa isa sa mga guest na dumalo sa nabanggit na kasal. Isa sa mga mag-asawang senior citizen ang pumanaw na dahil sa sakit.
Ayon pa rin kay Dr. Shah, halimbawa ito kung gaano ka-agresibo ang sakit at kung gaano ito kabilis makahawa.
“This demonstrates how aggressive and how opportunistic this virus is and how quickly it can move from one community to another, even if those communities are miles apart, separated by multiple counties in between.”
Ito ang dagdag pang pahayag ni Dr. Shah.
Patunay umano rin ito na nakakahawa ang isang COVID-19 patient na asymptomatic at kung gaano kahalaga ang pagsunod sa mga alintutunin laban sa COVID-19 upang maiwasan ang pagkalat pa ng sakit.
Ano ang ibig sabihin ng asymptomatic?
Ayon sa World Health Organization, itinuturing na COVID-19 asymptomatic ang isang tao kapag siya ay na-infect ng sakit ngunit hindi nagpapakita ng sintomas nito.
Base mga pag-aaral may 18-80% ng mga tao ang maaring maging COVID-19 asymptomatic. Ngunit tulad ng mga nagpapakita ng sintomas ng sakit ay pareho lang silang may kakayahang maikalat o maihawa pa ito sa iba.
Napatunayan ito ng isang pag-aaral sa Ningbo, China na kung saan na-kumpara ang transmission rate ng symptomatic at asymptomatic patients. Ayon sa resulta ng pag-aaral, walang pinagkaiba ang transmission rate ng dalawa.
“Through a more in-depth and comprehensive statistical analysis of the Ningbo data, we concluded that there is no difference in the transmission rates of coronavirus between symptomatic and asymptomatic patients.”
Ito ang naging konklusyon ng ginawang pag-aaral.
Ayon nga sa CDC, itinuturing ang mga COVID-19 asymptomatic patients na pangunahing nagkakapagkalat ng sakit. Ito ay dahil hindi agad natutukoy na sila ay infected ng sakit at malayang nakikipagsalimuha sa iba dahil sa hindi sila agad nai-isolate.
Paano maiiwasang mahawa sa COVID-19 asymptomatic transmission?
Ngunit paano ba natin maiiwasan na mahawa mula sa COVID-19 asymptomatic patient? O kung tayo ay asymptomatic paano natin maiiwasang maihawa ang virus sa iba pa.
Narito ang mga hakbang na maaaring gawin.
I-praktis sa lahat ng oras ang social distancing.
Ang unang paraan para maiwasan ang pagkahawa mula sa isang asymptomatic carrier ng COVID-19 ay ang pag-papraktis ng social distancing sa lahat ng oras.
Dito sa Pilipinas, inirerekomenda ang pagkakaroon ng 1-meter physical distancing sa bawat isa.
Ayon naman sa advisory ng CDC, mas mainam ang 6-feet social distancing o 2-arm’s length distance. Ito ay dapat isagawa kapag nasa labas ng bahay o kaya naman ay may kausap na hindi mula sa parehong household na iyong tinitirhan. Pati na sa tuwing gumagawa ng mga activity o habang nanatiling active tulad ng naglalakad, tumatakbo o nagba-bike. Pero ito ay dapat sabay na gawin sa iba pang COVID-19 precautionary measures upang maging epektibo tulad ng sumusunod pang mga hakbang.
Pagsusuot ng mask sa lahat ng oras.
Ipinapayo na dapat ay panatilihin o laging i-praktis ang pagsusuot ng mask sa lahat ng oras. Lalo na kung makikihalubilo sa iba na hindi kasama sa bahay o kaya naman ay nasa isang event na ginaganap sa indoor o lugar na walang proper ventilation.
Dahil ayon sa isang pag-aaral, kung nasa loob ka ng isang kwarto na poor ventilated ay mas matagal magpapaikot-ikot dito ang virus. Mas mataas ang tiyansang malanghap mo ito na mas malayo ang nararating kapag naglalabas ng pwersa ng hangin o kapag sumisigaw at kumakanta ang isang tao. At ang mask na nagtatakip sa iyong bibig at ilong ang magiging proteksyon mo laban dito.
Ugaliin ang paghuhugas ng kamay.
Tulad ng pagsusuot ng mask kailangan ding ugaliin ang paghuhugas ng kamay. Lalo na bago humawak sa mukha. Dahil maaaring taglay ng mga kamay mo ang virus na hindi mo namamalayan. Ito ay maaaring pumasok sa iyong katawan sa pamamagitan ng iyong mata, ilong at bibig.
Tandaan din na dapat ang paghuhugas ng kamay ay gagawin gamit ang sabon at tubig sa loob ng hindi baba sa 20 segundo.
Panatilihing malusog ang katawan.
Higit sa lahat panatiling malusog ang katawan, Kumain ng masusustansyang pagkain. Matulog ng sapat at umiwas sa mga bisyong makakasama sa iyong kalusugan.
SOURCE:
WHO, Healthline
BASAHIN:
STUDY: Face shield at valve mask, hindi epektibong pangontra laban sa COVID-19
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!