Nakakahawa ba ang pulmonya sa mga bata? Basahin ang masalimuot na kwento ng isang batang namatay dahil sa bacterial pneumonia.
Mababasa sa artikulong ito:
- Kwento ng batang namatay matapos magka-ubo at trangkaso
- Ano ang pulmonya at nakakahawa ba ito?
- Mga pwedeng gawin para makaiwas sa pneumonia
Kapag nagkakaroon ng lagnat o trangkaso ang ating mga anak, kadalasan ay pinapainom natin sila ng gamot, at pinagpapahinga. Madalas ay sapat na ito para gumaling sa kanilang sakit. Ngunit minsan, nagkakaroon ng mga komplikasyon na hindi inaasahan ng mga magulang.
Ito ang nangyari sa batang si Leon Sidari na namatay 2 araw lang matapos niyang magka-ubo at trangkaso.
Ubo at trangkaso, sintomas na pala ng mas malalang sakit!
Inakala ng inang si Laura Sidari na simpleng lagnat lang ang sakit ng kaniyang anak na si Leon. Binigyan pa nga niya ito ng sopas at hinayaang magpahinga, habang nanonood ng cartoons sa TV.
Subalit paggising ni Leon nang sumunod na araw, nagkaroon siya ng malalang ubo at nahirapan siyang huminga. Dahil rito, sinugod ni Laura ang anak sa emergency room, at kalaunan ay na confine ang bata sa pediatric ICU.
Dito nalaman na mayroon na palang bacterial pneumonia at flu si Leon, at palala ng palala ang kaniyang kondisyon.
Kalaunan ay humina na ng humina ang katawan ni Leon, at matapos ang 2 araw, siya ay binawian ng buhay. Nagkasakit siya ng Disyembre 23, 2018 at namatay siya ng umaga ng Disyembre 25, 2018 Araw ng Pasko.
Naagapan sana ang kaniyang pagkamatay
Hindi lubos akalain ni Laura na mamamatay ang kaniyang anak, dahil wala naman itong history ng malubhang sakit, at malakas pa siya bago nagkaroon ng ubo.
Dahil rito, iginigiit ni Laura na pabakunahan ng mga magulang ang kanilang mga anak laban sa flu. Kung mas maaga nilang mapapabakuna ang kanilang anak, ay mas masisiguradong makakaiwas sila sa flu at sa mga komplikasyong dala nito.
Dagdag pa ni Laura na bibigyan na sana ng flu vaccine si Leon ng mismong linggo na iyon. Kung nakuha lang sana niya ng mas maaga ang flu vaccine ay posibleng naagapan ang sakit na kaniyang ikinamatay.
Pero sino ba naman ang makakaalam na ang simpleng lagnat at ubo ay bacterial pneumonia na pala? Kaya’t mahalaga para sa mga magulang na alamin ang sanhi at sintomas ng ganitong mga sakit upang maagapan agad ng mga magulang.
Nakakahawa ba ang pulmonya?
Ang pneumonia o pulmonya ay isang uri ng impeksyon sa baga ng isang tao na nagmumula sa viral, bacterial, o kaya sa fungal na infection.
Ayon kay Dr. Romina Gerolaga, isang pediatrician at eksperto sa pediatric pulmonology sa Makati Medical Center, nailalarawan ang pulmonya bilang isang impeksyon sa baga kung saan namamaga ang mga lung tissues.
Paliwanag niya, kapag mayroong mikrobyo na nalanghap ang isang tao, nilalabanan ng katawan ito sa pamamagitan ng paglabas ng mga inflammatory cells o pamamaga. Ito ang dahilan kung bakit nagbabara o sumisikip ang daluyan ng hangin o airways.
“Ang lung tissue ay may laman na air sac. Kapag may mikrobyo, lalabanan ng katawan kaya namamaga. Dahil doon, puwedeng magkaroon ng bara at pamamaga (ang baga).” aniya.
Dagdag niya, ang pamamaga o pagliit ng daluyan ng hangin ang dahilan kung bakit nahihirapan huminga ang taong may pulmonya. “Liliit ito, hindi makakapasok ng maayos ‘yong hangin kaya ‘yong ibang may pulmonya, nahihirapang huminga.”
Maaaring magsimula na mild lang ang mga sintomas ng pneumonia sa isang bata, at maaaring mapagkalamalan pa ito bilang simpleng ubo at sipon lang. Subalit kung hindi maaagapan ito, maaari itong magdulot ng mga komplikasyon.
Sanhi ng pneumonia sa mga bata
Isa marahil sa pinakamadalas na tanungin ng mga magulang tungkol sa pneumonia ay, “Nakakahawa ba ang pulmonya?”
May 3 dahilan kung bakit nagkakaroon ng pneumonia ang isang tao – viral infection tulad ng influenza, bacterial infection tulad ng nangyari kay Leon, at fungal infection.
Sa mga bacteria, ang organismong nagiging sanhi ng pulmonya ay ang streptococcus at mycoplasma (isang magaang na klase ng pulmonya na tinatawag ding “walking pneumonia”).
Sa mga virus naman, ang influenza at respiratory syncytial virus (RSV) naman ang sanhi.
Para sa mga sanggol na may mahinang immune system, maaaring maging sanhi ng pulmonya ang mga organismong tulad ng pneumocystis jiroveci.
Ang viral at bacterial na uri ng pneumonia o pulmonya ay lubhang nakakahawa, dahil madaling kumalat ang virus at bacteria na sanhi nito. Maaari itong mapasa sa pamamagitan ng droplets mula sa taong may pneumonia na kumakalat sa hangin (kapag umubo o bumahing) o kaya naman sa pamamagitan ng skin-to-skin contact.
Ang pneumonia o pulmonya mula sa fungal infection ay hindi naman nakakahawa.
Mas mataas ang posibilidad na mahawa o magkaroon ng pneumonia ang isang bata kapag siya ay may:
- mahinang immune system
- karamdaman gaya ng asthma o cystic fibrosis
- problema sa kanilang baga o airways.
Gayundin, ang mga batang wala pang 1-taong gulang ay mayroong mas malaking posibilidad na magkaroon ng pneumonia kapag lagi silang nakakalanghap ng usok ng sigarilyo o kaya kung naninigarilyo ang kanilang ina.
Larawan mula sa Freepik
Sintomas ng pneumonia sa bata
Ayon kay Dr. Gerolaga, ang tatlong pangunahing sintomas ng ng pneumonia sa mga bata ay ang lagnat, ubo at hingal o hirap sa paghinga.
Aniya, mayroong mga pulmonya kung saan ang sintomas lang na lalabas ay ubo, o kaya naman ay hingal lang. Kaya naman mahalagang bantayan ang iyong anak kapag napansin na ang tatlong sintomas na nabanggit.
“Importante talaga is tingnan kung hingal o hirap sa paghinga, at may lagnat at ubong hindi nawawala.” aniya.
Ayon sa Healthline, narito naman ang mga karaniwang sintomas ng bacterial pneumonia:
- ubo na may malagkit na plema
- pananakit ng dibdib kapag umuubo
- panginginig
- mataas na lagnat 38.8 pataas
Narito pa ang ilang sintomas na maari mong bantayan.
- pananakit ng ulo at katawan
- hirap sa paghinga
- matinding pagkapagod
- maputla ang balat
- walang ganang kumain
- parang balisa
- matinding pagpapawis
Sa mga bata lalo na sa mga sanggol, maaaring malarawan ang hirap sa paghinga kapag lumalaki ang butas ng kanilang ilong o tumataas ang kanilang dibdib kapag humihinga.
Maaari ring maging bluish ang kanilang mga labi at kuko, na senyales na hindi sila nakakakuha ng sapat na oxygen. Puwede ring manigas ang kanilang mga leeg at joints. Kapag napansin mo ang mga ganitong senyales sa iyong anak, dalhin na agad siya sa ospital.
Bantayan rin ang temperatura ng iyong anak. Kapag ang lagnat ay umakyat ng higit pa sa 38.9 C (sa mga sanggol na edad 6 na buwan pataas at mga bata) o 38 C (sa mga sanggol edad 5 buwan pababa), o nakikita na hirap siyang huminga at ayaw niyang uminom ng maraming tubig, tumawag na agad sa doktor.
BASAHIN:
Mga sintomas ng pulmonya sa baby na dapat bantayan
Maaari bang magkaroon ng pulmonya si baby kapag natutulog ng nakatapat ang electric fan?
DOH, inirerekumenda ang pneumonia vaccine para malabanan ang COVID-19 complications
Pneumonia sa bata – posibleng komplikasyon at lunas
Paalala ni Dr. Gerolaga, mas mabuting agapan na agad ang pneumonia kapag nagsimula ito para hindi na umabot sa mga komplikasyon na maaring maging delikado sa kalusugan ng iyong anak.
“Dapat tandaan na ang pulmonya, may komplikasyon ‘yan. Kung napabayaan, puwedeng magkaroon ng tubig sa baga. Kaya kung matagal ang ubo at hindi gumagaling sa karaniwang gamot na rekomendasyon ng doktor, pinapa-x-ray.” aniya.
Dahil sa impeksyon na ito, nagkakaroon ng tubig o nana ang baga, na nagiging sanhi ng ubo, hirap sa paghinga, at kung hindi maagapan, pagkamatay.
Kapag kumonsulta sa pediatrician ng iyong anak, maaari siyang magbigay ng lunas depende sa kung gaano katindi ang mga sintomas ng bata.
Maaaring magreseta siya ng antibiotics at payuhang magpahinga lang sa bahay, o kaya naman ay dapat siyang manatili sa ospital para mas maobserbahan, mabantayan at mabigyan ng mas matinding lunas, lalo na kung nahihirapan ang batang huminga.
Mga puwedeng gawin para makaiwas sa pneumonia
Gaya ng nabanggit sa masalimuot na kwento sa itaas, maaring naagapan ang sakit ni Leo kung nabigyan siya ng bakuna laban sa flu. Nirerekomenda rin ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) na mabigyan ng pneumonia vaccine ang mga sanggol, mga bata at matatandang may edad na 65 pataas.
Mahalaga sa mga magulang na ilayo ang kanilang mga anak sa panganib ng pneumonia. Kaya narito ang ilan pang tips para makaiwas sa sakit ang inyong anak:
- Ugaliing maghugas ng kamay, at turuan din ang iyong mga anak na maghugas lagi ng kamay gamit ang tubig at sabon.
- Kumain ng tama, uminom ng maraming tubig at mag-ehersisyo upang tumibay ang resistensya.
- Huwag ilapit ang iyong mga anak sa mga taong may sakit upang hindi sila mahawa.
- Kapag ikaw naman ang nagkasakit, iwasang lumapit muna sa iyong mga anak upang hindi sila mahawa. Kung kailangan mo silang lapitan, magsuot ng face mask.
- Huwag magdalawang-isip na dalhin ang iyong anak sa ospital kung malala ang kanilang sakit, o kaya kapag hindi gumagaling ang kanilang lagnat.
Source: Health, Healthline, Cedars-Sinai
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!