Malapit talaga tayong mga Pilipino sa mga bata. Kaya nga kapag may nakikita tayong sanggol, hindi natin matiis na halikan at kurutin ang mga pisngi nito. Ngunit alam niyo ba na posibleng makakuha ng nakakahawang virus ang mga sanggol dahil dito?
Yan ang babala ng isang ina matapos magkaroon ng malalang sakit ang kaniyang anak.
Nakakahawang virus, nakuha sa maduming kamay
Ayon sa inang si Katzi Song, hindi raw dapat hayaan ng mga magulang na hawakan ng kung sino-sino ang kanilang sanggol, lalong-lalo na kung hindi malinis ang kanilang kamay.
Isinugod daw nilang mag-asawa ang kanilang anak na si Hojin dahil nahihirapang huminga. Nalaman na lang nila na mayroong nakakahawang virus na nakuha ang bata, at napunta na ito sa kaniyang respiratory tract.
Noong una daw ay akala nilang simpleng ubo at sipon lang ang sakit ng anak, ngunit malalang virus na pala ito. Dagdag pa ni Katzi na posible raw nakuha ang virus mula sa mga nakilalang tao ng kanilang anak.
“Mas ok nang mag-inarte kesa maospital pa si baby”
Dahil dito, nanawagan si Katzi na “Wag na kayong mahiyang magsabing mag-sanitize muna sila ng kamay. Lalo na yung mga namimeet mo kung saan tapos biglang hawak sa bata. Mas ok nang mag-inarte kesa maospital pa si baby.”
Sabi rin niya na palaging linisin at magdisinfect ng mga gamit ni baby. Ito ay upang makaiwas sa sakit ang sanggol.
Lubos na mahina pa ang immune system ng mga sanggol, kaya’t madali silang mahawa ng mga sakit. Mahalagang mag-ingat ang mga magulang at dapat siguraduhin nilang malinis ang paligid at malinis ang kamay ng mga humahawak sa kanilang baby.
Basahin ang kaniyang post:
Mahalagang maghugas palagi ng kamay
Ang paghuhugas ng kamay ay mahalaga hindi lang para sa kaligatasan ng mga sanggol. Kahit ang mga mas malalaking bata at mga matatanda ay makikinabang sa palaging paghuhugas ng kamay.
Kailangang gumamit ng malinis na tubig at sabon upang masiguradong patay lahat ng mikrobyo na posibleng nasa kamay. Mahalaga itong gawin bago kumain, kapag may hinawakang madumi, o kaya kapag naglaro o nagtrabaho sa labas.
Ito ay bahagi ng proper hygiene, at mahalagang ituro ito sa mga bata ng maaga upang masanay silang gawin ito.
At siyempre, mahalaga rin na hindi basta-basta hawakan ng mga nakatatanda ang mga sanggol. Dapat mag disinfect ng kamay, o kaya maghugas bago humawak ng sanggol upang hindi mahawa ng sakit ang sanggol. Kung maaari, huwag ring halikan ang sanggol dahil posible itong maging sanhi ng sakit tulad ng herpes.
Tandaan, mahalaga ang kalusugan ng ating mga anak. At kailangang gawin ng mga magulang ang kanilang makakaya upang maagapan ang pagkakaroon ng sakit.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!