Nakalunok ng bagay ang bata? Paano mo ba ito malalaman at anu-ano ang palatandaan?
Batang sumusuka ng dugo
Isang 9-buwang gulang na batang babae ang nakaranas ng lagnat, pagsusuka ng dugo at hirap sa paghinga sa hindi malamang dahilan.
Una, ayon sa report ay isinugod ang bata sa ospital dahil sa serious choking episode na kung saan nagsusuka ito ng may dugo.
Pero walang makitang kahit anong mali ang mga doktor na tumingin sa kaniya kaya naman siya ay muling pinauwi. Inakala nilang maaring nabulunan lang ng sarili niyang laway ang bata.
Makalipas ang dalawang araw, muling ibinalik sa ospital ang bata. Dahil ito ay nagkaroon ng lagnat, ubo at hirap na sa paghinga.
Sa puntong ito ay na-diagnosed naman siya na may sakit na bronchiolitis at na-confine sa ospital upang gamutin.
Makalipas ang tatlong araw ay pinauwi na ang bata. Ngunit muli itong ibinalik sa ospital pagkatapos ng anim na araw. Dahil ito daw ay nakakaranas parin ng parehong sintomas. Dito na napagdesisyunan ng mga doktor na isailalim sa scan ang leeg ng bata.
Doon nila natuklasan ang pamamaga at nana sa kaniyang airways na dulot ng isang bagay na hugis bituin. Ito umano ang dahilan ng mga sintomas at sakit na nararanasan ng bata.
Nakalunok na plastic confetti star
Ang nasabing bagay na nakatusok sa lalamunan ng bata ay isa umanong plastic confetti star. Ito ay ginamit na pang-dekorasyon sa kanilang bahay na hindi namalayan ng kaniyang mga magulang na isinubo at nalunok pala nito.
Kaya naman upang gumaling ang bata ay kailangang maalis ang nakabarang confetti star na ito sa kaniyang lalamunan. Ito ay sa pamamagitan ng surgery.
At matapos ma-operahan at maialis ang confetti star sa lalamunan niya, ito ay tuluyan ng gumaling at bumalik na sa malusog niyang sarili.
Paalala ng mga eksperto
Dahil sa nangyari ay gumawa ng medical journal ang mga doktor na tumingin sa bata mula sa Gold Coast University Hospital sa Australia. At kalakip ng kanilang journal ay isang sulat na may paalala na: “A Christmas message: be careful of the confetti stars.”
Dagdag pa ng kanilang report, bagamat mukhang malambot o flexible ang mga confetti stars ay delikado parin daw ito at maaring bumara sa lalamunan lalo na sa mga bata.
“Despite their flexible nature, the sharp points of confetti stars appear to increase the risk of lodgement in the upper aerodigestive tract, and their reflective surfaces attract the interests of young children with a propensity to place things in their mouths.”
Kaya naman kanilang paalaala sa mga magulang, bantayang maigi ang inyong mga anak. At higit sa lahat bigyang pansin at alamin ang mga palatandaan na siya ay maaring nakalunok ng isang bagay. Dahil kung ito ay mapabayaan ito ay maaring magdulot ng komplikasyon na maari niyang ikamatay.
Mga palatandaan na nakalunok ng bagay ang bata
Ngunit ano nga ba ang mga palatandaan na nakalunok ng bagay ang bata? Ito ay ang mga sumusunod:
- Labis na paglalaway
- Hirap o sakit kapag lumulunok
- Pagsusuka
- Pananakit ng leeg o dibdib
Kung ang bagay naman na nalunok ng bata ay na-trap sa kaniyang bituka, ito ang mga mararanasan niya:
- Pagsusuka
- Pananakit ng tiyan
- Abnormal bowel sounds
- Maitim na dumi na minsan ay may kasamang dugo
Sa oras na mapansin ang mga palatandann na nakalunok ng bagay ang bata ay agad siyang dalhin sa doktor. Ito ay upang agad siyang matingnan at mabigyan ng lunas.
Huwag subukang alisin ang nakabara sa lalamunan ng bata kung ito ay hindi mo nakikita. Dahil baka lalo lang ito matulak papaloob at mas mahirapang makuha. O kaya naman ay magdulot lang ng injury na mas magpapalala ng sitwasyon.
Huwag din siya piliting sumuka at huwag mag-panic.
Hindi naman sa lahat ng oras ay tanging surgery lang ang makakaalis sa bagay na nalunok ng isang bata. Maari ring itong kusang maalis o mawala sa pagkakabara. Higit sa lahat ang mga eksperto tulad ng doktor lang ang may pinakamahusay na kaalaman na makakaalis nito na magiging ligtas parin sa buhay ng isang tao.
Source: DailyMail UK, Drugs.com
Basahin: 2-anyos patay matapos makalunok at mabulunan ng lollipop
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!