Babala sa magulang: Huwag hayaang maglaro ng baterya ang inyong anak

Alamin kung paano maiiwasan at kung ano ang first aid na dapat gawin kung sakaling ang iyong anak ay aksidenteng nakalunok ng battery.

Alam niyo ba na ang mga maliliit na battery na madalas matagpuan sa mga laruan, remote control, at iba pang gadgets ay mapanganib sa mga bata o baby? Ito ay dahil kapag nakalunok ng battery ang bata, posible itong magdulot ng matinding pinsala.

Dahil dito, naglabas ng babala ang Healthcare Safety Investigation Branch (HSIB) sa UK, dahil kamakailan lang ay mayroong batang namatay dahil nakalunok ng battery.

Hindi din kasi maiiwasan sa mga bata ang isubo ang lahat ng mga bagay na madadampot nila. Kaya naman dobleng pagbabantay dapat ang kailangang gawin ng mga magulang para maiwasan ang panganib na ito.

Ngunit ano nga ba ang epekto nito sa katawan? Bakit napakamapanganib nito? Ating alamin.

Nakalunok ng plastic o battery si baby | Image from Dreamstime

Ano ang mangyayari kapag nakalunok ng battery ang bata?

Sa unang tingin, hindi mo aakalain na mapanganib ang mga maliliit na battery na coin cell o button cell. Pero kapag ito ay nalunok ng isang bata, posible itong maging sanhi ng matinding pinsala.

Ito ay dahil kapag nadikit ang battery sa bibig, ilong o sa lalamunan ng bata, nagkakaroon ito ng chemical reaction. Kapag nagsimula na ang reaction na ito, ilalabas ng battery ang lahat ng “kuryente” sa loob nito.

Kapag napabayaan, posibleng masunog ng tuluyan ang lalamunan o bituka ng bata. May mga pagkakataon na kinakailangan pang bigyan ng feeding tubes ang bata dahil sa tindi ng pinsalang natamo nila mula sa battery.

Ang mas nakakatakot pa ay hindi madaling malaman kung nakalunok ba ng battery ang bata. Ito ay dahil madali itong malunok, at may mga pagkakataon na hindi talaga nalalaman ng mga magulang na nakalunok ng battery ang anak nila.

Mga safety tips na dapat tandaan

Upang masigurado ang kaligtasan ng iyong anak, mahalagang tandaan ang mga sumusunod na tips:

Nakalunok ng plastic o battery si baby | Image from Unsplash

  • Ilayo sa iyong anak ang mga battery. Ilagay ang mga ito sa lugar na hindi nila maaabot.
  • Itapon ng maayos ang mga lumang battery at huwag itong hayaang nakakalat sa kung saan-saan.
  • Siguraduhing hindi mabubuksan ng iyong anak ang mga gadgets na mayroong maliliit na battery.
  • Kung maaari, huwag bigyan ng mga laruang gumagamit ng battery ang iyong anak.

Paano ang first aid kapag nakalunok ng battery ang bata?

Kung sa tingin mo ay nakalunok ng battery ang iyong anak, huwag mag-panic. Heto ang ilang first aid tips na dapat mong tandaan:

1. Kapag napansin na mayroong nakabara na bagay sa lalamunan ng iyong anak, tumawag agad sa ospital o sa emergency hotline. Mahalaga ang bawat minuto, kaya’t dapat agad mong madala ang iyong anak sa ospital. Huwag nang maghintay ng mga sintomas nito.

2. Kung nasa bibig lang ng bata ang battery, piliting kunin ito. Ngunit mag-ingat dahil baka malunok ito ng iyong anak habang kinukuha mo sa bibig niya.

Nakalunok ng plastic o battery si baby | Image from Dreamstime

3. Huwag painumin ng kahit ano ang iyong anak hangga’t hindi ka sigurado na nakalagpas na ito sa lalamunan ng iyong anak. Ito ay dahil posible pa itong makuha sa lalamunan ng bata kapag wala pa sa kaniyang bituka. Ang pag-inom ng tubig o gatas ay posibleng madala ang battery sa bituka ng iyong anak.

4. Kung nasa tenga o sa ilong ang battery, subukan itong tanggalin upang hindi lalong pumasok sa katawan ng iyong anak.

5. Mahalagang maalis ang battery sa loob ng 2 oras dahil kapag tumagal pa ay posibleng magkaroon ng permanenteng pinsala ang iyong anak.

 

Sources:

Daily MailPoison.org

BASAHIN:

Beware of the battery: A swallowed lithium battery almost cost this toddler her life

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

Sinulat ni

Jan Alwyn Batara