Dalawang batang may sakit namatay nang tanggihan ng hospital. Magulang ng mga biktima humihiling na sana huwag ng mangyari sa iba ang nangyari sa mga anak nila.
2 batang namatay nang tanggihan ng hospital
Kamatayan ang kinahinatnan ng dalawang batang may sakit nang tanggihan ng hospital na pinagdalhan sa kanila.
Ang unang bata ay isang taong gulang na batang lalaki na isinilang na may butas sa kaniyang puso. Nito lamang April 9 ay nagdiwang siya ng kaniyang unang kaarawan. Ngunit ilang araw lang ang lumipas ay nagkaroon ito ng ubo at nakaranas ng hirap sa paghinga. Kaya naman agad itong dinala sa ospital.
Kuwento ng ina ng bata na si Maricel, sa Ospital ng Tondo sa Maynila nila unang dinala ang kaniyang anak. Pero tinanggihan sila ng ospital sa kadahilanang wala raw pediatrician at cardiologist ng araw na dinala nila roon ang kaniyang anak. Nakiusap rin sila sa mga ito na kung puwede makahiram sila ng ambulansya at oxygen para makahanap ng ibang ospital, ngunit sila ay tinanggihang muli at hindi pinagbigyan.
Sunod na pinuntahan nila ay ang Jose R. Reyes Memorial Medical Center (JRRMMC) sa Maynila. Sa naturang ospital ay kinunan lang umano ng temperature ang kaniyang anak at binigyan ng oxygen. Ngunit sinabihan rin sila ng isang doktor roon na hindi nila ito matatanggap dahil sa puno na sila ng pasyente. Kaya naman nakiusap nalang si Perrarin na bigyan ng first aid ang kaniyang anak, ngunit ang pakiusap niya daw na ito ay hindi pinansin. Kinalaunan ay namatay ang kaniyang anak at napabilang sa suspected case ng COVID-19.
Hindi rin daw binigyan ng pangunang lunas ang mga ito
“Kung binigyan lang po sana talaga siya ng paunang lunas talaga ng Jose Reyes siguro buhay pa siya. Pero ang tigas nila, kahit nakiusap na po kami, ‘Kahit gamot lang po muna, kahit wag po muna kaming ipasok doon sa loob, kahit doon lang po kami sa triage,’ ayaw po nila.”
Ito ang pag-alala ng Maricel sa mga huling oras ng kaniyang anak sa ospital.
Tulad ng nangyari sa anak ni Maricel ay ganito rin ang pinagdaan ng apat na taong gulang na batang si Janjan sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center.
Kuwento ng ina ni Janjan na si Evelyn, April 19 ng dalhin nila ito sa ospital. Ngunit pagdating doon ay agad tinanggihan at hindi inaasikaso ang kaniyang anak. Ito ay dahil daw sa puro matatanda o adults lang muna ang ginagamot nila. At baka daw mas mahawa pa sa virus ang kanilang anak kung tatanggapin nila ito sa ospital.
Nakiusap din daw si Evelyn na bigyan ng pangunang lunas ang kaniyang anak. Ngunit hindi raw pinansin ng staff ng ospital ang kahilingan niya.
Sa kagustuhang magamot ang kaniyang anak ay inilipat niya ito ng ibang ospital. Ngunit habang nasa daan ay sumuko na ang katawan nito at binawian ng buhay.
Pakiusap ng magulang ng mga bata sa mga ospital
Dahil sa kanilang karanasan ay may pakiusap ang dalawang ina sa ospital na pinagdalhan sa kanilang mga anak. Sana ay hindi na ito gawin pa sa iba upang hindi magaya ang ibang bata sa kinahantungan ng anak nila.
“Gusto ko lang pong masabi sa Jose Reyes na sana po wala na pong ibang bata na magagaya sa anak namin kasi ang hirap po para sa isang magulang na mawalan ng anak.”
Ito ang pakiusap ni Maricel.
“Sana hindi na nila gawin ‘yung gano’n kasi paano naman po ‘yung ibang bata na dadalhin pa doon kung hindi nila tatanggapin. Wala nang mapupuntahan na ospital,”
Ito naman ang pakiusap ni Evelyn.
Iba pang namatay nang tanggihan ng ospital sa gitna ng COVID-19 outbreak
Maliban sa dalawang bata ay may iba pang naiulat na nasawi matapos tanggihang gamutin ng ilang ospital ngayon sa gitna ng COVID-19 outbreak.
Tulad nalang ng 28-anyos na buntis na si Kathy Bulatao na taga-Caloocan na nasawi kamakailan lang. Kuwento ng asawa ni Kathy na si Jan Christian nakaranas ng komplikasyon sa panganganak ang kaniyang asawa at kailangan sanang maoperahan. Pero hindi na nagawang ma-operahan si Kathy matapos masawi dahil sa 6 na oras na paghahanap ng ospital na tatanggap sa kaniya. Sa loob umano ng 6 na oras na iyon ay anim na ospital rin ang napuntahan nila ng pare-parehong silang tinanggihan.
Ganito rin ang nangyari sa isang 65-anyos na senior citizen mula sa Cabanatuan, Nueva Ecija. Siya ay kinilalang si Ladislao Cabling. Ayon sa anak ng biktima na si Girlie Cabling-Cagaoan ang kaniyang ama ay ipapagamot sana nila sa ospital dahil sa nahihirapan itong huminga dulot ng kaniyang asthma. Ngunit tinanggihan ito ng anim na ospital na napuntahan nila dahil daw sila ay puno na. Dagdag pa niya isa sa mga ospital na napuntahan nila sinabing may COVID-19 daw ang kaniyang ama. Bagamat ito naman ay hindi dumaan sa kahit anumang pagsusuri pa.
Pahayag ng mga awtoridad
Samantala, nauna ng sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na sila ay naglabas ng direktiba sa mga ospital at iba pang healthcare facilities na patuloy na mabigay serbisyo sa publiko sa kabila ng COVID-19 pandemic.
Habang ayon naman kay Department of Justice Secretary Menardo Guevarra maaring maharap sa legal na reklamo ang mga ospital na tumangging gamutin si Kathy at Ladislao. Dahil ayon sa batas, ito daw ay ipinagbabawal. Lalo na sa oras ng emergency at nasa bingit ng alanganin ang buhay ng pasyente.
“If [allegations are] shown to be true, the hospital personnel involved may be charged with violation of Republic Act 8344, An Act Penalizing the Refusal of Hospitals to Administer Initial Medical Treatment in Emergency Cases, as Strengthened by Republic Act 10932.”
Ito ang pahayag ni Secretary Guevarra.
Source:
Basahin:
Buntis hindi tinanggap sa 6 na hospital, namatay dahil sa childbirth complications