Isang sulat mula sa isang ina na namatayan ng anak
Mula sa orihinal na likha ni Tracy Umezu
“Iniisip ko noon na tumaya sa lotto dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari sa buhay ko, pero walang nasusolosyunan ang pera at lalong hindi ang aming problema”.
Ang pangalawang taon ng paghihinagpis ay mahirap. Hindi ako makapagsulat, hindi dahil ayoko o wala akong masabi. Ito ay dahil masyadong mabigat ang pakiramdam ko sa tuwing naalala ko ang pagkawala ni Charlotte.
Ang pangalawang taon na wala siya ay mas mahirap. Ito ang mga panahong naniwala ako na hindi talaga ako manhid. Noong una, hinarap ko ang buhay na may ngiti na parang walang nangyari at parang hindi ako nasasaktan. Halos wala nga akong maalala sa mga nangyari nung unang taon na nawala siya. Ilang maliliit na bagay at piraso lang sa malungkot na oras na pagkawala niya.
Sa pangalawang taon na wala siya doon ko naisip ang mga regalo na bibilhin ko dapat sa kaniya tuwing Pasko. Yung mga pagbabago at development niya na kasama ako. Dito ko din nakita ang pagkalungkot ng mga importanteng taong dumating sa buhay naming dahil sa kaniya. Ang mga theraphis, nurses, doktor lahat sila naghihinagpis din sa pagkawala niya.
Ang pangalawang taon na wala siya ay nagparamdam sakin na parang napakalayo na niya. Hindi tulad noong una na nararamdaman ko siya. Naamoy ko siya na parang nasa tabi ko lang siya. Kahit yung lambot ng balat niya, ang maliliit na kulot sa dulo ng buhok niya. Lahat ng iyon nararamdaman ko kahit ang mga ingay na ginagawa niya sa tuwing may kailangan siya. Kahit ang mga tao sa paligid ko siya ang laging bukambibig. Lahat ng magagandang alaala nila sa kaniya, palaging pangalan niya ang nasasabi nila. Lahat ng ito mas nagpahirap saking magsulat. Masyado akong naging busy sa pag-alala kung gaano siya kaganda, kung gaano siya kahalaga na parang nawala na ko sa sarili ko at nabuhay na akong parang hindi normal na.
Pagtapos pa lang ng anim na buwan noong nawala siya ay sinubukan na namin ng asawa kong si Junji na magkaroon ulit ng bagong baby. Matagal na namin itong pinaguusapan bago pa man mawala si Charlotte. Ngunit alam ko noon na hindi ko kakayanin ang pagbubuntis lalo pa’t iniisip ko na kokonti nalang ang oras na makakasama ko si Charlotte at ayokong sayangin ang mga natitirang oras na iyon. Mahirap ang magdesisyon dahil gusto maibalik nalang sana sa buhay namin si Charlotte at nag-aalala ako na baka sabihin ng iba na sinusubukan naming palitan siya. Pero sabi nga ng papa ko, “huwag ko daw intindihin ang mga iniisip at sasabihin ng iba”.
Gustong-gusto ko ang pagiging ina higit sa ano pa mang bagay dito sa mundo. At nagbigay ng mga sensyales ang Diyos na maaring subukan na naming muli. Saka hindi na ako bumabata, tumatakbo ang oras kaya napagdesisyunan naming magpatuloy at subukan na ulit. Nagdasal kami ng nagdasal para sa isang baby na maari namang pagbuhusan ng aming pagmamahal.
Hindi katulad ng kay Sophie at Charlotte, naging mahirap saking magbuntis ng mga panahong iyon. Isang taon din ang lumipas ng nalaman naming sa wakas ay may nabubuo ng blessing sa aking sinapupunan. Hindi nga lang isa kundi dalawa bagamat nawala agad ang isa matapos lamang ng ika-walong linggo niya.
Ayoko pa noong ipaalam ang balita dahil kinakabahan ako. Lumipas pa ang mga araw at linggo, matapos ang dalawampung linggo at healthy parin ang baby sa sinapupunan ko, ipinaalam ko na sa mga taong malalapit sa amin ang magandang balita, pero kinakabahan parin ako.
Noong una ay naging maayos naman ang pagbubuntis ko kahit na ba inaatake ako ng morning sickness buong araw. Para sa akin noon lahat ay perpekto dahil sa pinagbubuntis ko. Hanggang dumating ang ika-28 weeks ng pagbubuntis ko, tumataas na ng pakonti-konti ang blood pressure ko at nakitaan na ng protein ang ihi ko. Mga senyales ng high blood pressure sa buntis kaya kinailangan kong dumaan sa modified bed rest. Ito ay kung saan maari naman akong tumayo ngunit mas kailangang magpahinga na dapat laging nakataas ang paa. Sa pagdaan ng mga araw ay naging healthy naman ang baby sa loob ng tiyan ko kahit na ba may liver autoimmune disease akong iniinda.
Napaka-active ng baby sa loob ng tiyan ko. Gigisingin niya ako sa gabi sa mga paggalaw niya. Sa mga ultrasounds hindi namin nakikita ang mukha niya, hindi pa din naming alam noon kung babae ba siya o lalaki. Pinili naming malaman ito kapag siya ay naisilang na. Nagsimula na ako noong mamili ng mga gamit ng baby parehong pang-lalaki at pang-babae. Nilinis at inayos narin namin ang dating kwarto ni Charlotte para maging nursery. Lahat ng kailangan ng isang baby tukad ng diapers, kumot at mga damit. Naiisip ko pa lang na manganganak ulit ako ng isang baby at maririnig ang unang iyak niya ay naguumapaw na agad ang pagmamahal ko para sa kaniya. Lalo pa at naiisip ko na magiging masaya rin si Sophie kapag nakita siya.
Hinayaan kong maging excited ang sarili ko habang hinihintay ang paglabas niya.
Pero isang araw habang nanonood ako ng balita sa TV, nakaramdam ako ng kakaiba sa mga braso ko at sa paningin ko. At dahil doon parang may nag-udyok sa aking tumakbo agad sa CR at doon nakita ko may dugo, hindi marami pero may kokonting dugo. Dinugo din ako noon kay Sophie kaya sabi ko ayos lang siguro ito. Hanggang, lalo pang naging kakaiba ang pakiramdam ko at tila babagsak na ako kaya tinawag ko na si Junji. Sumisigaw ako sa kaniya ng tulong at may dugo kaya naman tumawag agad siya ng ambulansiya. Pakiramdam ko noon parang ang tagal dumating ng emergency services pero sabi ni Junji napakabilis lang daw. Dadalhin dapat nila ako sa pinakamalapit na ospital sa amin pero nabago agad dahil sa 70/30 na resulta ng blood pressure ko. Iyon ay dahil hindi kakayanin ng naturang ospital ang sitwasyon ko. Matapos noon ang naalala ko nalang ay noong binuhat nila ako sa stretcher at unti-unti ng nawala ang malay ko.
Noong mga oras na wala akong malay, naalala ko ang nakikita ko ay puro magagandang bulaklak lang sa paligid ko. Sabi noon ni Junji sinasabi ko daw noon na may mga nakikita rin daw ako na tao pero ang mga bulaklak lang ang naalala ko. Paulit-ulit akong nawawalan ng malay at paulit-ulit rin akong ginigising ng emergency team. Sinisigaw nilang ang pangalan ko para lang ako ay magising. Sa tuwing mararamdaman ko na mawawalan ako ng malay at nawawala ang mga magagandang bulaklak sa paligid ko, hinahanap ko ang papa ko dahil alam ko siya lang ang kukuha at hahawak sakin para hindi na ako matakot. Alam ko noon na parang mamatay na ako. Natakot ako. Ayoko pang mamatay. Ayokong iwan si Sophie kaya sa isip ko gusto kong isigaw nasa cardiogenic shock ako. Kailangan niyo akong lagyan ng IV, ng oxygen, kailangan kong mabuhay pero hindi ako makapagsalita.
Dumating kami sa ospital na maraming tao sa paligid habang ako ay nakatshirt lang, nakatuwalya at hindi pa nakakapag-shave ng legs ng isang buwan na. Mga nakakatuwang bagay na naiisip mo kapag ikaw ay nasa delikadong sitwasyon.
Nagsimula ng gupitin ang damit ko, lagyan ako ng IV at kung ano-ano pa. Dahil isa akong nurse lahat ng mga sinasabi ng mga nurses sa paligid ko ay naiintindihan ko at alam ko na ang sitwasyon ko ay masama na ngunit kailangan parin nilang hintayin ang doktor. Nang dumating ang doktor dala ang ultrasound result sinabi niya agad sakin na wala na ang baby ko at nawalan na ako ng maraming dugo. Naging manhid ako ng mga oras na iyon at tila tumigil ang lahat dahil sa narinig ko.
Ayokong pumayag pero kailangan nila akong iligtas. Nagdudurugo parin ako at tatlong litrong dugo na ang nawala sakin. Dumaan agad ako sa c-section at ramdam ko ang sakit. Kahit masakit ang pagkawala ng baby ko, maswerte at nagpapasalamat parin ako na buhay ako.
Mas lalong tumindi ang sakit sa puso noong naipanganak ko na ang baby sa sinapupunan ko at noong sinabi ng doktor na isa daw siyang magandang sanggol na babae. Hindi ko napigilang umiyak. Gusto kong ibalik ang oras at tumakbo mula sa nangyayari. Dahil narito na naman ako, maglilibing ng isa ko pang anak at dadaang muli sa nakakapanlumong paghihinagpis.
Pinangalanan namin siyang Maggie Grace. Napakaganda niya tulad ng mga kapatid niya. Gusto ko siyang gisingin. Maari pa sana siyang makaligtas kahit 33 weeks pa lang pero sabi ng mga doktor ilang minuto matapos ng mahiwalay ang placenta sa uterus ko sa bahay pa lang ay wala na si Maggie Grace. Isa itong kakaiba at unpredictable na kumplikasyon sa pagbubuntis. Marami ang nakakaranas rin nito pero nakakaligtas. Ang blood pressure ko ay normal naman. Madalas ang nakakaranas nito ay ang may mga 180/100 na blood pressure kaya hindi ito ang naging dahilan. Isa na naman itong hindi inaasahang ngunit nakakalungkot na pangyayari sa buhay ko tulad ng nangyari jay Charlotte.
Ang hirap tanggapin na nawalan ako ng dalawang magagandang anak sa loob ng dalawang taon. Alam ko hindi lang ako ang nakakaranas ng ganitong hirap at sakit pero hindi ko ito maintindihan. Siya nalang ang pag-asa ko. Ang inaakala kong magbabalik ng saya sa buhay namin, sa buhay ko. Ngunit siguro may dahilan ang Diyos. Mahirap lang na parang sinaksak ang puso mo ng dalawang beses dahil sa pagkawala nila. Ang dadalhin ang abo nila at dadalhin sila sa huling hantungan nila. Mahirap sa isang ina ang namatayan ng anak. Mahirap intindihin kung bakit pero siguro ito ang nakatadhana sa akin. Nalulungkot ako na gusto ko magtalukbong ng kumot at magtago. Dahil hindi ko maintindihan, hindi ko kayang tanggapin ang bilis at yung sakit ng pagkawala nila.
Para sa minamahal kong Maggie,
Gusto kong sabihin sayo ng mahal na mahal kita higit sa buhay ko. Kung nakagawa lang ako ng paraan na maligtas ka at kailangan kong ibigay ang buhay ko ay gagawin ko. Sana habang nasa sinapupunan kita ay naramdaman mo ang pagmamahal ko. Mahirap gamitin sa salita ang pagmamahal ng isang ina. Habang sinusulat ko ito ay nararamdam ko ang tila isang apoy sa aking kaluluwa na nagsimulang masindihan noong nagsimula kang mabuhay sa loob ng katawan ko anak. Alam ko naglalaro kayo ni Charlotte dyan sa langit at nagtatawanan. Hinihiling ko ng buong puso ko na sana hindi mo pa naging oras, na sana karga pa kita at naranasan mong mabuhay sa mundo. Ngunit ang pagmamahal ko ay hindi kayang sukatin ng langit at lupa, sana iyan ay nararamdaman mo. Mahal na mahal kita Maggie, higit sa kahit ano pang kahulugan ng salita. Pinapangako ko na magiging masaya kami para sayo at para kay Charlotte at patuloy na magpapasalamat sa lahat pang darating na pagpapala.
Nagmamahal,
Mama
Source: Today
Basahin: Ano ang placental abruption at gaano ito kapanganib sa iyong pagbubuntis?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!