Nananakit na bata ba ang anak mo? Narito ang dahilan kung bakit niya ginagawa ito. At ang mga paraan na maari mong gawin para matigil at maitama ang mali niyang behavior na ito.
Dahilan kung bakit may nananakit na bata
Ayon kay Dr. Barton D Schmitt, isang pediatrician at professor sa University of Colorado School of Medicine, ang madalas na dahilan kung bakit nananakit ang isang bata ay dahil galit ito o may hindi siya nagustuhang ginawa ng kapwa niya bata. Ang pagpapakita rin niya ng aggressive behavior na ito ay maaring dahil ito ang nararanasan niya o nakikita niyang ginagawa sa mga tao na nasa paligid niya. O maaring ito ay ang napapanood niya sa telebisyon at iba pang uri ng media.
Para naman kay Patty Wipfler, isang parenting expert at founder ng non-profit organization na Hand in Hand Parenting, may nananakit na bata dahil may kinatatakutan siya. Ito ay maaring isang karanasan na napagdaanan niya noon na imbis na iiyak ay inilalabas niya sa pamamagitan ng pananakit ng ibang bata.
Pero may mga paraan naman na maaring gawin upang maitama ang aggressive behavior na ito ng isang bata. At hindi kabilang dito ang pagpaparusa sa nananakit na bata. Dahil imbis na maitigil niya ang maling gawing ito ay lalo lang itong lalala.
Ayon sa parenting coach na si Laura Markham, ang mga paraan para maitama ang aggressive behavior na ito ng isang bata ay ang sumusunod:
Mga dapat gawin para maitama ang maling gawi ng nananakit na bata
1. Iwasan o pigilan na makapanakit siya.
Bilang isang magulang at adult malaki ang gagampanan mong papel para maitama ang gawi ng isang nananakit na bata lalo na kung ito ay iyong anak. At ang unang paraan na maari mong gawin ay ang pagbibigay ng oras na makasama siya. Ito ay upang matukoy mo ang mga cues o palatandaan na siya ay mananakit na. Sa ganitong paraan ay maiiwasan o mapipigilan mo na ito ay kaniyang magawa.
2. Kung nanakit ang iyong anak ay manatiling kalmado.
Tulad ng sinabi ni Patty Wipfler, may nananakit na bata dahil may kinatatakutan siya. Kaya imbis na pagalitan siya ay maging kalmado at mahinahon. Ito ay upang madamayan ang iyong anak sa matinding emosyon na kaniyang nadarama. At maiparamdam sa kaniya na siya ay ligtas sa tuwing kasama ka. Sa ganitong paraan ay makakausap mo ng maayos ang iyong anak at malalaman mo ang tunay na dahilan kung bakit niya ito nagawa.
3. Maging role model sa iyong anak.
Sa oras na nanakit ng kapwa niya bata ang iyong anak at walang ibang adult na mag-papamper sa nasaktang bata ay lapitan at i-comfort ito. Magandang paraan rin ito para pakalmahin muna ang iyong sarili bago harapin ang iyong anak. Kapag kalmado na ang nasaktang bata pati ang iyong sarili, puntahan na ang iyong anak. At saka samahan siyang humingi ng tawad sa batang nasaktan niya.
4. Iwasang sisihin ang iyong anak sa mali na kaniyang nagawa.
Ang pagdidiin sa isang nananakit na bata na mali ang kaniyang ginawa ay mas nagpapagalit o maglalagay lang sa kaniya sa defensive mood. Ang resulta ay maari lang na maulit niya ang pananakit sa ibang pagkakataon. Sa halip ay turuan ang iyong anak sa pagkakaroon ng empathy sa nasaktan niyang bata. Ito ay sa pamamagitan ng pagpapakita sa kaniya ng epekto ng kaniyang ginawa sa paraang maiintindihan niya ng kusa na ito ay mali pala. Magagawa ito tulad ng paggamit sa sumusunod na salita:
“Ouch, nasaktan si Aliyah. Masakit ang mapalo. Sorry Aliyah, hindi ka sinasadyang saktan ni David.”
5. Subukang ilagay ang iyong sarili sa sitwasyon ng iyong anak.
Isipin mo na kung ikaw ang nasa kalagayan niya, ano ang iyong gagawin. At ano ba ang paraan para maiwasan mong makapanakit ng iyong kapwa. Sa ganitong paraan ay makakaisip ka ng iba pang paraan para dahan-dahang itama at itigil ang maling gawi niya.
6. Kung nanakit ang iyong anak ay alisin muna siya sa lugar na pinangyarihan nito.
Dahil sa maaring may kinatatakutan ang isang nananakit na bata, makakatulong kung iaalis o ilalayo mo muna siya sa batang nasaktan niya. Ito ay para humupa rin ang negatibo niyang nararamdaman at maramdaman niyang ligtas na siya. Hayaan siyang umiyak kung kinakailangan. Pagkatapos ay patawanin siya at pakalmahin muna saka ninyo puntahan ng magkasama ang batang sinaktan niya at humingi ng tawad.
7. Turuan ang iyong anak sa pagtatama ng kaniyang pagkakamali ngunit iwasang iparamdam na pinagsasabihan mo siya.
Para hindi niya na muling ulitin ang kaniyang ginawa ay turuan siya kung paano i-handle nag kaniyang nararamdaman. Ngunit kailangan mong iwasan na ito ay magtutunog na pinagsasabihan mo siya. Gawin ito sa paraan na mai-enjoy o magaan sa pakiramdam niya. Maaring sa pamamagitan ng isang maikling kwento, o nakakatuwang halimbawa.
8. Panatilihin ang closeness ninyo ng iyong anak.
Ang pagiging close sa iyong anak ay hindi lang makakatulong na ma-monitor ang mood niya. Magandang paraan rin ito para mas maging connected siya sayo. At masabi niya ang kaniyang nararamdaman imbis na ilabas niya ito sa ibang paraan tulad ng pananakit ng iba. Makakatulong din ito dahil sa pamamagitan ng presence mo ay mararamdaman niyang lagi siyang ligtas. At higit sa lahat ay alam niya na lagi siyang may kasama at laging may handang magback-up sa kaniya sa oras ng problema.
Source: Psychology Today, Standfords Children, HandinHand Parenting Org
Basahin: 3 paraan ng pagdidisiplina na nagreresulta sa mas pasaway na bata