Nanette Medved at Angel Locsin na parehong hinangaan sa role nila bilang Darna, pinatuyang superheroes sila sa totoong buhay.
Nanette Medved at Angel Locsin bilang real life Darna
Hindi nga lang sa pinilakang tabing mga superheroes ang mga aktres na sina Nanette Medved at Angel Locsin na nakilala bilang Darna.
Dahil sa totoong buhay ay tumutulong rin sila sa mga nangangailangan at kapus-palad nating kababayan lalo na sa mga bata.
Sa pinaka-latest na Instagram post ni Angel Locsin ay nagpahayag siya ng pasasalamat sa kaniyang IG followers na umabot na sa 5.5M at 11M naman sa Twitter.
Ibinahagi niya rin ang naging selebrasyon niya sa milestone na ito sa kaniyang buhay sa social media. Ito ay sa pamamagitan ng scholarships sa 31 na batang mag-aaral. Dahil ayon kay Angel, ang edukasyon ang pinakamagandang regalo na maibabahagi at maibibigay niya para masiguro ang maliwanag na kinabukasan nila.
Maliban sa pinakabagong acts of kindness na ito na ginawa ni Angel ay matatandaang very active din siya sa pagtulong noon sa mga typhoon victims at sa mga naapektuhan ng giyera sa Marawi.
Nanette Medved sa pagtulong sa iba
Hindi rin naman matatawaran ang busilak na puso ng isa pang Darna star na si Nanette Medved na nakilala noong 1990’s.
Sa isa ring Instagram post ay ibinahagi niya kung paano siya naging real life superhero sa buhay ng iba.
Ito ay sa pamamagitan ng pagpapatayo at pagtuturn-over ng walong classrooms para sa mga mag-aaral sa Marawi nito lamang Miyerkules.
Nanette Medved’s Hope Foundation
Naisakatuparan ni Nanette Medved ang proyekto niyang ito sa pamamagitan ng kaniyang HOPE Foundation. Ito ay isang social enterprise na nagbebenta ng mga bottled water sa mga food outlets. At 100% ng kita nito ay napupunta sa pagpapatayo ng mga classrooms sa buong bansa.
Dahil sa kaniyang malinis na hangarin at pagtulong ay nakabilang si Nanette Medved sa listahan ng “Heroes of Philanthropy” ng Forbes Magazine noong 2017.
Sa isang interview ay ibinahagi ni Nanette Medved na ang pagiging Darna niya ay nakatulong para maisakatuparan ang calling niyang tumulong sa iba.
“I always wanted to be useful in some way and I think my previous career has given me a little bit of an audience to leverage to do something good. I’ve always thought that people shouldn’t be a waste of space”, pahayag ni Nanette Medved.
Paalala niya rin sa iba ay hindi kailangang maging sikat o maging artista tulad niya para tumulong sa iba. Dahil ang pagtulong at paggawa ng mabuti ay isang desisyon na maari mong gawin sa araw-araw ng iyong buhay.
Source: ABS-CBN News, ABS-CBN Entertainment
Photos: Angel Locsin and Nanette Medved Instagram
Basahin: Anak ng magsasaka nakapasok sa Harvard University sa Boston