Naulila dahil sa COVID ang limang bata kabilang ang isang sanggol na bagong panganak. Mga magulang nila nasawi dahil sa sakit.
Mababasa sa artikulong ito:
- Kuwento ng limang bata na naulila dahil sa COVID.
- Paano makakaiwas sa COVID-19.
Limang bata naulila dahil sa COVID
Limang bata kabilang ang isang bagong silang na sanggol ang naulila dahil sa sakit na COVID-19. Ang mga magulang nila magkasunod na nasawi dahil sa sakit. Ito ay sa kabila ng pag-iingat nila na hindi mahawaan ng kumakalat na virus.
Ayon sa mga report naunang nagpositibo sa sakit na COVID-19 ang nurse na si Davy Macias, 37-anyos. Siya noon ay pitong buwang buntis sa kanilang pang-limang anak ng mister na si Daniel Macias, 38-anyos. Ang mister niyang si Daniel ay sumunod ring nagpositibo sa sakit. Sila ay parehong hindi pa bakunado laban sa COVID-19.
Para mailigtas ang ipinagbubuntis na sanggol ay tinulungan si Davy ng mga doktor para maipanganak ito sa pamamagitan ng cesarean section delivery. Si Davy noon ay na-intubate na at agad na nasawi ng hindi nakikita ang anak niya,
Tulad niya ay naging malala rin ang kondisyon ng kaniyang asawa na si Daniel dahil sa sakit. Pero hindi tulad ni Davy ay nakita naman ni Daniel ang bagong silang nilang sanggol.
Ito ay sa pamamagitan ng mga larawan na ipinakita sa kaniya ng mga nurse ng ospital na kung saan na-confine rin ang kaniyang asawa. Pero sa kasamaang palad matapos ang halos dalawang linggo nasawi rin si Daniel.
Ang kanilang limang anak naulila dahil sa COVID. At ang kanilang newborn baby girl ay hindi man lang nila nakita ng personal o napangalanan bago sila tuluyang masawi.
Photo by Vidal Balielo Jr. from Pexels
Mga bata nasa pangangalaga ngayon ng kanilang lola
Sa ngayon, ang limang anak nila Davy at Daniel na kung saan ang panganay ay 8 taong gulang palang ay nasa pangangalaga ng ina ni Daniel.
Ayon sa lola ng mga bata na si Terry Macias ay nasabi niya na sa 8 at 5 taong gulang niyang mga apo ang mga nangyari sa magulang nila.
Pero hindi niya sigurado kung naiintindihan ng mga ito na hindi na sila babalik pa. Naiyak naman umano ang 3 taong gulang na anak na babae nila Davy at Daniel ng marinig nito ang balita.
Lalo pa’t bago masawi ang mga ito ay napanaginipan pa umano ng bata na uuwi ang papa niya mula sa ospital. Samantala, ang pang-apat at pang-limang anak ng mag-asawa ay masyado pang bata para masabihan tungkol sa nangyari.
Kuwento ng lola ng mga bata na si Terry, nagbabalak naman umano na magpabakuna ang mag-asawa. Ngunit, na-delay lang ito dahil sa pagnanais nilang makasigurado muna sa kaligtasan ng bakuna.
Dagdag pa ni Terry, malaki ang posibilidad na nakuha ng mag-asawa ang sakit sa trip ng kanilang pamilya sa isang indoor waterpark. Ito ay kanilang ginawa bago ang pagbabalik eskwela ng mga bata.
Image from CNN
BASAHIN:
Buntis Guide: 6 important things to know about the COVID vaccine and pregnancy
Gabay para sa mga magulang sa panahon ng COVID-19
Tumataas na naman ang kaso ng COVID, dapat ka bang bumili ng face mask para sa bata?
Paano makakaiwas sa sakit na COVID-19?
Photo by FRANK MERIÑO from Pexels
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagdami ng kaso ng sakit na COVID-19. Base sa statistics ay umabot na sa higit 220 milyon ang nagpositibo sa sakit sa buong mundo.
Dito sa Pilipinas ay naitalang higit na sa 2 milyong Pilipino ang nahawaan ng COVID-19 virus. Habang nasa higit 35,500 na ang kumpirmadong nasawi dahil rito.
Para makaiwas sa sakit, nangungunang paraan na isinusulong ng mga eksperto ay ang pagbabakuna. Ito ay libreng ipinamimigay sa ngayon bilang proteksyonan na makaranas ng severe COVID-19 ang sinumang miyembro ng populasyon.
Lalo na sa mga senior citizens, may comorbidities, frontliners at iba pang mataas ang tiyansa na mahawaan ng kumakalat na virus.
Pero maliban sa pagpapabakuna, mas nagkakaroon ng dagdag na proteksyon ang isang tao mula sa kumakalat na sakit sa pamamagitan ng mga sumusunod na hakbang.
Mga hakbang na maaring gawin upang ma-proteksyonan ang sarili mula sa COVID-19 virus
Hand photo created by freepik – www.freepik.com
- Ugaliin ang maayos at madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig. O kaya naman ay sa pamamagitan ng 70% alcohol-based sanitizer.
- Lumayo ng hindi bababa sa 3 metro sa isang taong umuubo o umaatsing.
- Iwasang hawakan ang iyong mukha ng hindi pa naghuhugas ng kamay. Ito’y upang maiwasang pumasok sa iyong mata, ilong at bibig ang virus.
- Ugaliing mag-disinfect ng mga bagay at surfaces sa iyong paligid.
- Kung galing sa labas ay agad na magpalit ng damit. Huwag ng gamiting muli ang mga jeans at jackets. Dahil maaaring kumapit sa mga ito ang virus.
- Magtakip ng tisyu o panyo sa tuwing uubo o babahing. O kaya naman ay itakip ang iyong braso o manggas ng damit sa tuwing uubo.
- Manatili lang sa bahay kung masama ang makiramdam.
- Agad ng magpakonsulta sa doktor kung makaranas ng sintomas ng coronavirus na ubo, lagnat, hirap sa paghinga, at kawalan ng panlasa.
- Makinig sa balita at umiwas sa mga lugar na may nailulat na kaso ng coronavirus.
- Kung hindi makakaiwas na magpunta sa matataong lugar ay mag-suot ng mask. Mag-baon ng alcohol na madaling mailalagay sa kamay sa oras na hahawak sa mga bagay o surfaces.
Source:
CDC, CNN, WHO, World Meters
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!