Sinong mag-aakala na magiging mahalagang parte ng buhay natin ang face masks? Dati, ang mga taong may-sakit at nagtatrabaho lang sa ospital ang nagsusuot nito. Pero dahil sa pandemic, lahat ng mga tao sa labas maging mga bata ay nagsusuot na rin ng face masks. Pero kailangan ba talaga ang face mask para sa bata?
Bagama’t bahagi ito ng tinatawag na “new normal,” mayroon pa ring ilang mga palatuntunin na dapat sundin lalo na kung mga bata ang magsusuot nito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ang pahayag ng WHO sa pagsusuot ng face mask para sa mga bata.
- Anong magiging epekto ng puro naka-face mask ang mga tao sa paligid ng isang bata?
- Mga dapat tandaan sa pagsusuot ng face mask para sa bata.
Kailangan ba ang face mask para sa bata?
Ayon sa World Health Organization (WHO) at UNICEF, ang mga batang may edad na 5 ay hindi kailangang magsuot ng face masks, dahil wala pa silang kakayahan na suotin ito ng maayos.
Para naman sa mga batang may edad na 6 hanggang 11, kailangan munang alamin kung dapat silang magsuot ng face mask. Base sa dami ng mga taong nagkakasakit sa kanilang lugar. Ang pagkakaroon ng nakatatandang gagabay sa kanila at kakayahan ng bata na sumunod sa tamang paraan ng pagsusuot nito.
Habang ang mga batang 12 taong gulang pataas naman ay dapat nang magsuot ng face masks gaya ng matatanda.
Ang mga batang may malubhang sakit o medical condition tulad ng cystic fibrosis o cancer ay dapat magsuot ng medical o surgical face mask. Kung pupunta ito ng ospital para makaiwas na makakuha ng virus o makahawa rin sa iba.
Pero ayon sa pinakahuling alituntunin ng Inter-agency Task Force (IATF) ang mga taong may edad na 18 pababa ay dapat lang manatili sa loob ng kanilang bahay pwera lang kung may importante itong gagawin katulad ng pagpunta sa ospital.
Face mask para sa bata – pwede na ba sa edad na 2 pababa?
Larawan mula sa Pexels
Ayon sa US Centre for Disease Control (CDC), hindi dapat magsuot ng face mask ang mga batang 2 taong gulang pababa.
Ang mask ay maaaring maging choking hazard na makakasagabal sa paghinga. Hindi rin dapat suotin ng sino mang walang kakayahan na tanggalin ito.
Bukod dito, hindi rin kayang magsabi ng maliliit na bata kung hindi sila nakakahinga ng maayos, kaya napakadelikado nito lalo na kapag napabayaan.
Isang maaaring paraan para maprotektahan ang mga batang ito ay ang paggamit ng face shield, lalo na para sa mga batang may claustrophobia. Subalit dapat tandaan na ang pagsusuot ng face shield lamang ay hindi sapat na proteksyon laban sa mga nalalanghap na contaminants.
Mayroon bang epekto sa bata kung puro naka-face mask ang mga tao sa paligid niya?
Mahalaga ang facial expressions sa paglaki at social development cycle ng isang bata. Kaya naman interesado kaming malaman kung ano ang magiging epekto ng pagsusuot ng face mask sa kakayahan niyang matuto at makaintindi.
Bagama’t hindi naman ito magiging problema sa mga batang kasama ang mga magulang at iba pang matatanda sa bahay. Maaari itong makaapekto sa mga bata na napapaligiran ng mga babysitter o caregiver na kailangang magsuot ng face mask buong araw.
Ayon kay Dr. Anusha Lachman mula sa Psychiatry Department ng Stellenbosch University. Ang mga maagang karanasan ng isang bata ay maaaring maghubog ng kanyang kaisipan at makaapekto sa kaniyang long-term growth o paglaki.
Masyado pa namang maaga para malaman kung may epekto ba talaga kung puro nakasuot ng face mask ang mga tao sa paligid ng iyong anak.
Pero pwede na itong makasagabal para maturuan siya ng facial cues (paano siya matuturuan ng mga ekspresyon tulad ng masaya, galit, takot o malungkot?) o makilala kung ang tao sa paligid niya ay kanyang pamilya, kaibigan o hindi niya kilala.
Bilang magulang, kailangan nating tandaan na maging extra-communicative sa ating mga anak kapag tayo ay nakasuot ng face mask. Iparating ang ating nararamdaman sa pamamagitan ng ating mga salita at tono ng ating boses.
Pero ayon pa rin kay Dr. Lachman, walang makakapalit sa tawanan o ngitian ng anak at magulang. Makakatulong ito para maging malapit sila sa mga unang buwan.
Larawan mula sa Pexels
BASAHIN:
Fact Check: Safe ba magsuot ng face masks ang bata?
Ang tamang paghugas ng kamay at paggamit ng face mask ayon sa doktor
DOH at DILG hinihikayat ang publiko na magsuot ng face mask kahit nasa loob ng bahay
Dapat bang magsuot ng face mask ang bata sa mga pampublikong lugar?
Ang mas ligtas na paraan para maproteksyunan ang maliliit na bata ay magsuot ng face shield dahil hindi sila mahihirapang huminga rito.
Pero nirerekomenda pa rin na manatili na lang sa loob ng bahay ang mga bata. Sa ganitong panahon kung wala naman silang importanteng pupuntahan.
Gayundin, pwede ring gumamit ng car seat o stroller na may cover o kaya ibaba ang shade sa stroller para sa karagdagang proteksyon kung inilalabas sa pampublikong lugar ang iyong anak.
Anong klaseng face mask ang dapat suotin at anong mga dapat tandaan?
Larawan mula sa iStock
Nirerekomenda ng CDC na sa mga batang 2 taong gulang ang face mask na kaysa sa kanila. Dagdag pa riyan dapat sukat na sukat din ito sa kanila. Lalo na sa gilid ng kaniyang mukha. Hindi dapat masyadong maluwag at hindi rin naman masyadong masikip.
Nirerekomend din ng WHO ang paggamit ng face mask na gawa sa tela. Kung kaya na ng bata ang surgical face mask mas mainam ito na isuot nila. Dapat tama ang sukat ng face mask at natatakpan nang mabuti ang kanilang ilong, bibig at baba.
Gamitin din ang tali o ear loops para mailapat ng maayos ang face mask. Pumili rin ng face mask na mayroong dalawa o higit pang layers.
Pero siguruhin na na makakahinga ng maayos ang bata kapag suot niya ito. Siguruhin rin na malinis ang face mask bago ito ipagamit sa iyong anak.
Maganda rin kung pwede itong labhan para magamit uli at hindi madaling masira.
Translated with permission from theAsianparent Singapore
Translated in Filipino by Camille Eusebio
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!