#AskDok: Ano ang dapat gawin kapag nauntog ang ulo ng bata?

Madalas mauntog o mabangga ang mga bata, lalo na kapag nagsisimula pa lamang silang maglakad. Pero ano ang pagkakaiba ng simple at delikadong pagkauntog? Alamin dito.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Nauntog ang ulo ng iyong anak? Narito ang mga dapat gawin ayon sa expert!

Habang lumalaki ang iyong anak, mas dumarami na ang mga bagay na kaya niyang gawin. At dahil nagiging mas malikot ang bata, mas lumalaki ang posibilidad na makaranas siya ng mga hindi inaasahang pangyayari tulad na lang ng pagkaka-untog.

Dapat bang mag-alala kapag nauntog ang ulo ng bata?

Tuwing nauntog ang ulo ng anak natin, hindi natin maiwasang makaramdam ng pagkabahala at galit sa sarili dahil nangyari ito sa kanila. Lalo na kung maririnig natin ang lakas ng tunog ng pagkakauntog, malakas ang pag-iyak ng bata o kaya naman mayroon silang malaking bukol.

Subalit, dapat bang mag-alala sa tuwing nauntog ang ulo ng isang bata? Kapag natuto nang maglakad ang bata, mahilig na siyang tumakbo at makipaglaro. Madalas ma-o-off balance siya at maaaring mauntog. At bilang magulang, ang unang reaksyon natin ay mag-panic kapag nangyayari ito. Labis ang pag-aalalang nararamdaman at agad-agad nating chinecheck kung may bukol ba o kung malala ang kaniyang pagkakauntog.

Ayon kay Dr. Angelica Tomas, isang pediatrician mula sa Makati Medical Center, karaniwan para sa mga bata ang mauntog dahil sa kanilang kalikutan.

“Common talaga ‘yan iyong nauuntog o isama na natin ‘yong nahuhulog, kasi ang kukulit talaga ng mga bata.Especially, ‘yong mga babies na umiikot ikot na, iyong kaya na mag roll-over. Then even ‘yong mga older kids, na takbo nang takbo. Very common nga na concern or worry ‘yan ng mga parents.” aniya.

At bagamat natural sa mga magulang na mag-alala kapag nauuntog ang kanilang anak, ang payo ng doktora ay iwasan ang mag-panic, at suriin kung ayos lang ba ang kanilang anak.

“Usually, ang lagi kong sinasabi is ‘Don’t panic.’ Huwag silang magpapanic ‘pag ganoong situation. Ang unang-una (na dapat gawin) is to assess. Tignan nila ‘yung anak nila , kumusta ba ang anak nila?”

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Dagdag pa ng doktora, karamihan naman ng pagkakauntog (lalo na kung sa kama) ay hindi naman nagdudulot ng seryosong injury sa mga bata.

“It usually requires a certain height. Sabi sa ibang pag-aaral, usually 5 to 6 feet to really cause damage to the babies. O kaya, a very sudden blow to the head. So hindi naman matataas ‘yong mga kama natin usually 2 to 3 feet lang.”

Kapag malakas ang iyak ni baby, ibig-sabihin ba ay matindi ang pagkaka-untog?

Ayon rin kay Dr. Tomas, karaniwang reaksyon rin ng mga bata kapag sila ay nauuntog ay umiyak, at hindi naman ito senyales na labis ang sakit na nararamdaman ng bata.

 “Most often, kaya umiiyak ang bata kasi nagulat din sila. Parang hindi nila ineexpect iyon at pag nauntog, syempre masakit. Okay naman ‘yon kapag umiyak siya, kasi nag respond siya properly sa nangyari.” aniya.

Gayundin, may mga bata na nagrereact o nagugulat kapag mismong ang magulang ay nagugulat o nagpapanic. Kaya naman paalala ng doktora, sa halip na magpanic, dapat ay maging alerto ang magulang at tingnan kung may bukol ang bata at obserbahan sa mga susunod na oras at araw.

Anong dapat gawin kapag nauntog ang ulo ni baby

First aid kapag nauntog ang ulo ng bata

Narito naman ang dapat mong gawin kaagad kapag nauntog ang ulo ng iyong anak.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

1. Pagpahingahin ang bata at maglagay ng cold compress sa bahagi ng ulo na nauntog.

Ayon kay Dr. Tomas, isa sa mga bagay na dapat tingnan kapag nauntog ang ulo ng anak ay kung mayroon itong bukol, at lagyan ito ng cold compress sa loob ng 20 minuto para mabawasan ang pamamaga.

“So pag may bukol, ang advice lang namin is to put cold compress. So kumuha sila ng yelo ilagay nila sa ice pack o kahit sa twalya lang balutin nila. Usually naman, pag bukol mawawala din ‘yan ng kusa. Pero ‘yong paglalagay natin ng ice pack ay nakakawala siya to lessen ‘yong bukol.” aniya.

2. Bantayan ang mga warning signs.

Matapos malagyan ng cold compress ang ulo ng bata, kailangang antabayanan ang kanilang ikikilos pagkatapos niyang kumalma at mauntog.

Ayon kay Dr. Tomas, ang mga pangunahing warning signs pagkatapos mauntog ang ulo ng bata ay ang pagsusuka at kawalan ng malay.

Kung sa tingin mo ay malala ang pagkaka-untog ng iyong anak, huwag mag-atubiling dalhin siya sa doktor. Gawin ito para makasiguro na walang malubhang kondisyon na naidulot ito, lalong-lalo na sa utak ng iyong anak.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Depende sa tindi ng pagkauntog, maaaring irekomenda ng doktor na sumailalim sa x-ray at CT scan ang iyong anak para makasiguro na rin na walang fracture, namumuong dugo (blood clots) o pasa (hematoma). Ang importante ay maagapan ito sa lalong madaling panahon.

BASAHIN:

Paano malalaman kung masakit ang ulo ni baby?

3 dangers at risks kapag pinapagamit ng walker si baby

#AskDok: Magkakasakit ba si baby kapag nahamugan?

3. Bantayan nang maigi ang bata sa mga susunod na oras at araw.

Pagkatapos ng aksidente, napakahalaga na patuloy na obserbahan ang bata sa mga sumusunod na oras at araw.

Pwede bang matulog ang bata pagkatapos niyang mauntog?

Mas mabuti kung papanatiliing gising ang bata sa loob ng isang oras pagkatapos niyang mauntog. Subalit kung makakaramdam sila ng pagod dahil sa pag-iyak, maari pa rin naman silang patulugin. Narito ang pahayag ni Dr. Tomas:

“After the accident, obserbahan. Kung mas nagtulog-tulog ba ‘yung bata. Pwede pagkatapos nila mauntog, kasi umiyak-iyak sila, napagod. Pero, kapag after 1 hour gigisingin tapos mahirap gisingin, that is a concern also. So importante talaga iyong first 24 hours na pagbabantay sa  bata.”

Tandaan, kahit mukhang ayos naman ang iyong anak, mas makakabuting obserbahan pa rin siya sa loob ng 24-48 oras para makasigurong hindi siya nagtamo ng matinding injury.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Habang nagre-recover ang bata, siguruhing umiwas muna sila sa mga gawaing nakakapagod tulad ng panonood ng TV o paglalaro ng video games, cellphones o gadget. Huwag din silang payagan maglaro ng isports o maglaro nang nagta-tumbling para maiwasan ang pagkahilo at pagsusuka.

Kailan dapat dalhin sa doktor kung nauntog ang ulo ng bata?

Kapag nabagok ang ulo ng bata, maaaring magpakita ito ng iba’t ibang sintomas depende sa tindi ng impact. Narito ang mga karaniwang sintomas ng nabagok ang ulo ng bata:

1. Pagkakaroon ng bukol o pasa– Madalas na makikita ang bukol o pasa sa bahagi ng ulo na nabagok.
2. Sakit ng ulo– Maaaring magreklamo ang bata ng matinding pananakit ng ulo.
3. Pagkahilo o pagsusuka– Karaniwang senyales ito na kailangan nang magpakonsulta sa doktor.
4. Pagkalito o pagiging matamlay– Maaaring maging malungkot o hindi gaanong aktibo ang bata.
5. Pagkawala ng malay o panandaliang pagkawala ng alaala– Bagama’t bihira, ito’y seryosong sintomas ng nabagok ang ulo ng bata na kailangang bigyan ng agarang atensyon.

Kung makaranas ang bata ng alinman sa mga nabanggit na sintomas, lalo na ang pagsusuka, pagkahilo, o pagkawala ng malay, mahalagang magpatingin agad sa doktor upang masuri nang maayos at mabigyan ng tamang lunas.

Kung matindi ang pagkaka-untog ng bata, maari siyang magkaroon ng concussion o kapag ang utak ay naalog mula sa aksidente.

Ang isang batang may concussion o namuong dugo sa utak ay posibleng mawalan ng malay ng ilang segundo o minuto. Karamihan ng mga nagkakaroon ng concussion ay nakak-recover, subalit mayroon ding mga nagkakaroon ng seryosong karamdaman.

Loading...
You got lucky! We have no ad to show to you!
Advertisement

Image from Freepik

Narito ang mga senyales na may concussion ang bata:

  • nawalan ng malay at hindi makausap
  • nahihilo
  • masakit ang ulo
  • nagkaroon ng seizures
  • nalilito
  • masama ang pakiramdam at nagsusuka
  • nanlabo ang paningin (blurred vision)
  • hindi maalala ang nangyari pagkatapos mauntog o hindi matandaan kung paano siya nauntog

Kapag napansin ang mga ganitong sintomas sa iyong anak, dalhin agad siya sa doktor.

Paano maiiwasang mauntog ang ulo ng bata?

Ang mga head injuries lalo na sa mga bata ay hindi maiiwasan. Dahil sa kanilang kakulitan ay hindi na nakakagulat na sila ay mahulog o mauntog sa kanilang paggalaw.

Ngunit maaring iwasan kung gagawing child-friendly o i-baby proof ang inyong bahay. May mga head gear din for babies na maaaring ipasuot sa kanila. Tulad nalang ng pag-aalis ng mga gamit na maari niyang akyatan at paghulugan.

Kung siya naman ay gagawa ng activity sa labas ng bahay tulad ng pagbibisikleta, makakabuting pagsuotin siya ng helmet bilang proteksyon sa kaniyang ulo sa oras ng aksidente.

Dagdag pa ni Dr. Tomas, kailangang bantayan nang maigi ang mga bata kapag sila ay nasa mataas na lugar, tulad kapag natutulog ang iyong sanggol sa inyong kama.

“Very important is ‘yong parental supervision. Kailangan, nakabantay talaga ‘yong parents. Hindi pwede ‘yong matatabi lang sila ng mga unan. Hindi enough ‘yong paglalagay ng unan.” aniya.

Tandaan, mas maigi nang maging maingat. Kaya kung sa palagay mo ay maaring magkaroon ng brain injury ang iyong anak mula sa kaniyang pagkaka-untog, huwag magdalawang-isip na tumawag sa kaniyang pediatrician.

Karagdagang ulat ni Camille Eusebio at Jobelle Macayan

Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

Sinulat ni

Jan Alwyn Batara