Sa panahon natin ngayon, hindi maiiwasang gumamit ng gadgets at hindi maitatangging madalas ding nauubos ang oras natin dito. Ngunit alam niyo ba ang negatibong epekto ng social media?
Negatibong epekto ng social media
Ayon sa isang report ng Common Sense Media, malaking porsyento ang nadagdag sa taong 2012-2018 ng mga kabataang gumagamit ng social media. Mula sa 34% ay mabilis itong umakyat sa 70%.
Sleeping Patterns
Ang pag-abuso o hindi tamang paggamit ng social media ay maaring magdulot sa tao ng problema sa kalusugan. Nandyan ang pagbabago ng oras ng iyong pagtulog. Sa sobrang paggamit mo ng social media ay hindi mo na namamalayan ang oras. Nagagawa mo nang magpuyat dahilan para mabago ang sleeping patterns mo.
Insecurity
Karamihan sa mga kabataan ngayon ay sobrang inclined sa social media. Maraming eksperto ang nagsasabing hindi ito healthy para isang bata. Minsan kasi ay nagiging basehan na ng self-esteem nila ang mga likes at comments na kanilang nakukuha sa social media. Hindi man natin napapansin pero ito ang nagiging epekto sa atin ng social media. Madalas pa nga ay kapag nakakakita tayo ng mga taong tila ay higit sa atin, diyan na nagsisimula na makaramdam tayo ng inggit o makaramdam ng pagkakulang sa sarili.
Mental Health Problems
Dito rin pumapasok ang isa pang negatibong epekto ng social media. Nakakaramdam ng lungkot ang isang bata kapag hindi sila nasa-sastisfy sa kanilang sarili. Hirap ding makapagsabi ng kanilang mga problema ang mga kabataang ito sa kanilang mga magulang o kaibigan dahil nasanay silang makipag-usap sa chat o sa anumang virtual na paraan.
Dahil masyadong nakatutok sa social media, ang mga taong ito ay napapabayaan na ang kanilang social life. Hindi na sila nakikipag-interact sa mga tao. Ayon din sa pag-aaral, ang social isolation ay nagpapataas ng tyansa ng cancer, heart disease, obesity at Alzheimer’s dementia.
Cyber bullying
Sa paglipas ng panahon, mas lalong lumalala ang cyberbullying. Sa isang click mo lang maaaring dagsain ka na ng mga kumentong huhusga sa pagkatao mo. Isa ito sa mga kadalasang dahilan ng depression ng mga kabataan sa social media. Nagkakaroon na sila ng katanungan sa kanilang mga sarili kung may mali ba sa kanila. Dahil dito, natatakot na silang gumalaw at kadalasang naaapektuhan na rin ang kanilang pag-iisip.
Madaming mukha ang cyber bullying. Ilan na lamang ang:
- Pagpopopost ng mapanakit o nakakahiyang comment
- Pagpopost ng picture o video na makakasakit sa tao
- Pagbabanta
- Paninirang puri
- Paggawa ng isang page laban sa isang tao
Tips kung paano mabawasan ang oras sa social media
Walang masama sa paggamit ng social media dahil nakakatulong din naman ito sa maraming paraan. Maaari kang makakilala ng mga bagong kaibigan, makasagap ng news o maka-usap ng mabilis ang mga kaibigan mong nasa malayo. Nagiging masama lang ito kapag wala na sa kontrol at hindi mo na nababalanse ang iyong virtual at real life. Kung alam mong napapabayaan mo na ang iyong sarili dahil sa social media, nararapat lang na bawasan mo ang paggamit nito. Ngunit paano nga ba ito mababawasan kung nakasanayan mo na itong gawin?
Maghanap ng ibang pagkakaabalahan
Ibaling ang iyong atensyon sa ibang bagay na mas makakatulong sa iyo. Maaaring gawin ang iyong mga hilig katulad na lang ng pagbabasa o di naman kaya ay pagdiskubre ng new hobbies tulad ng painting o paglalaro ng sports. May natututunan ka na nga, natutulungan mo pang ma-improve ang sarili mo.
Pahalagahan ang pamilya at kaibigan
Tumingin ka lang sa iyong paligid. Madami ang nagmamahal sa iyo. Hindi sa bilang ng likes, shares o comments dapat naka-base ang kahalagahan mo. Kadalasan, ang presensya lang ng iyong mga mahal sa buhay ang kailangan mo.
Matutong mag let go
Ang pinakamahalaga sa lahat, matutong i-let go ang mga bagay na hindi na nakakatulong sa iyo. Kung gusto mo mag move forward at mag grow bilang tao, kailangan mo munang tanggalin lahat ng hindi nakakatulong sa buhay mo.
Ang social media ay isang bukas sa lahat. Sa oras na pumasok ka sa mundo na ito, marami kang makakasalamuha at makikilalang bagong tao. Marami kang pwedeng magawa sa pamamagitan nito kaya naman dapat ay gamitin ito sa tamang paraan.
SOURCE: Psychology Today Statista
BASAHIN: STUDY: Sobrang paggamit ng social media, nakakasama raw sa mga kabataan , 5 paraan upang maprotektahan ang mental health mula sa social media , Social media is affecting young girls more than boys, say experts