Epekto ng social media sa kabataan, maaring makasama sa kalusugan at kaligtasan nila, ayon sa isang pag-aaral.
Sa artikulong ito ay malalaman ang mga sumusunod:
- Ang masamang epekto ng social media sa kabataan.
- Paano maiiwasang maranasan ng iyong anak ang masamang epekto ng social media.
Isang bagong pag-aaral ang isinagawa sa UCL Great Ormond Street Institute of Child Health. Layunin ng pagsusuri na malaman ang epekto ng social media sa kabataan.
Bago pa ang pagsusuring ito, ang paggamit ng social media ay naiugnay na sa pagkakaroon ng depression ng mga teenage girls.
Ngayon, base sa bagong pag-aaral, may mas malala pang epekto ang social media sa kabataan. Hindi lang basta kalusugan nila ang naapektuhan. Kung hindi pati narin ang kanilang mental health at kaligtasan.
Ang pagsusuri ay na-ipublish sa The Lancet Child & Adolescent Health journal.
Ano ang epekto ng social media sa kabataan?
Image from Freepik
Para maisagawa ang pag-aaral, ay nasa 10,000 na teenagers mula 13 hanggang 16 na taong gulang mula England ang lumahok at nakipag-tulungan sa mga researchers.
Sila ay kinuhanan ng panayam kada taon mula 2013 hanggang 2015. Sila ay tinanong sa dalas ng kanilang paggamit ng mga social media tulad ng Facebook, Instagram, Twitter, Snapchat at Whatsapp.
Kung sila ay lumagpas sa tatlong beses sa isang araw, mabibilang ito na napakadalas na gumagamit. Bagama’t, hindi kabilang sa mga naitanong kung gaano sila katagal namamalagi sa mga social media na ito.
Samantala, nang mga taong 2014 at 2015, ang mga lumahok ay itinanong ukol naman sa kanilang nararamdaman na may kaugnayan psychological distress.
Dito nga natuklasan ng pag-aaral na may magkaibang epekto ang social media sa kabataang lalaki at babae.
Epekto ng social media sa mga kabataang babae at lalaki
Image from Freepik
Natagpuan sa pagsusuri na parehong mga babae at lalaki ay nakakaranas ng psychological distress na nauugnay sa paggamit ng social media.
Ganumpaman, mas nakikita o mas malaki ang epektong nito sa mga kababaihan. Ang nakikitang nagdudulot ng psychological distress sa mga kababaihan ay ang pagkakalantad sa cyber-bullying at nadudulot na kakulangan sa pahinga at ehersisyo.
Ayon sa co-author ng pagsusuri na si Russel Viner, napapakita ng kanilang pagsusuri na hindi nakakasama ang social media. Ngunit, ang madalas na paggamit nito ay makakahadlang sa mga aktibidad na makakabuti sa kanilang katawan.
Napapadami rin nito ang pagkakalantad sa mga negatibong bagay tulad ng cyber-bullying. Ito ang mga bagay na nakakasama sa kalagayan at mental health ng mga kababaihan.
Para sa mga lalaki, ang nagdudulot ng epekto sa kanilang mental health ay nakikitang iba ang rason. Subalit, hindi pa ito matukoy ng mga mananaliksik. Dahil dito, kakailanganin pa nila ng mas malalim pang pag-aaral.
Pagtulong sa mga teenagers
Image from Freepik
Ayon sa propesor ng Clinical Psychology ng University of Surrey na si Bob Patton, hindi sapat ang pagbawas sa oras ng paggamit ng social media.
Sa halip, kailangang makabuo ng mga istratehiya upang mapatibay ang mga teenagers laban sa cyber-bullying at iba pang masamang nito.
Kailangan ding itangkilik ang pagpapahinga at pag-eehersisyo upang mapababa ang mga negatibong epekto ng social media sa kanilang kalusugan.
Iminumungkahi rin ng pagsusuri na hindi ang paggamit ng social media ang nagdudulot ng problema ngunit ang mga laman nito.
Ang mga negatibong nilalaman nito ay nakaka-apekto sa mental health na nagiging dahilan upang kulangin sa pahinga at ehersisyo ang mga teenagers.
Kung makokontrol ang mga negatibong nilalaman ng social media, maaaring mas maitaguyod ang positibong layunin nito na magkaroon ng ugnayan ang bawat isa.
BASAHIN:
6 na litrato ng bata na hindi dapat pinopost sa social media
Isang babala ng tatay matapos muntik ma-kidnap ang anak dahil sa social media
8 signs na addicted na ang anak mo sa gadgets
Tips para maiwasan ang masamang epekto ng social media sa kabataan
Para makaiwas sa masamang epekto ng social media ang mga kabataan ay may ilang bagay kang dapat gawin at ipaalala sa kanila.
Bagamat nakakatulong ang social media na maging connected sila sa kanilang mga kaibigan, kaklase o kapamilya, ipaliwanag sa kanila na ito rin ay maaaring magdulot sa kanila ng kapahamakan.
Sapagkat ito ay maaaring maging ugat ng cyberbullying o kaya naman ay maaari maging daan upang sila ay maging target ng mga masasamang loob at magawan ng krimen.
Maaari ring maapektuhan ng sobrang paggamit ng social media ang kanilang pag-aaral. Pati na rin ang aktwal nilang pakikihalubilo sa iba.
Kaya naman para maiwasan ito ay mahalagang ipaalala sa mga kabataan ang mga sumusunod na tips para makaiwas sila sa masamang epekto ng social media:
Maging “nice” o mabait sa mga nakakausap nila.
Ipaintindi sa anak na ang pakikipag-usap sa social media ay dapat maging magalang at may respeto. Kaya naman sa oras na may na-encounter sila na binastos o pinagsabihan sila ng hindi maganda ay dapat agad na sabihin ito sa ‘yo.
Lalo na kung ang mga mensahe ay nangha-harass o tinatakot na sila. Ipaalam sa kanila na maaari ka nilang lapitan ano mang oras at handang makinig sa mga sasabihin nila.
Magdalawang-isip muna bago pindutin ang “enter”.
Ipaalala sa anak na ang mga larawan, impormasyon o mga salitang kanilang ipopost sa social media ay maaaring gamitin laban sa kanila.
Tulad na lamang ng pagpo-post ng lokasyon kung nasaan sila, dahil ito ay maaaring maging clue sa masasamang loob sa kung saan sila maaaring puntahan at gawan ng masama.
Dapat ding ipaalala sa kanila na ang pagpapadala ng kanilang pribadong larawan sa mga taong kilala man nila o hindi ay maaaring magdulot ng masamang epekto sa kanila.
Sapagkat ito ay maaaring gamitin ng masamang loob bilang panakot at pamalit sa mga gusto nilang makuha. O kaya naman ito ay maaring makaapekto sa kanila, hindi man ngayon ngunit sa kinalaunang panahon kapag sila ay nagtratrabaho na,
Gumamit ng privacy settings.
Ipaintindi rin sa anak ang kahalagahan ng paggamit ng privacy settings. Ito ay para maprotektahan ang kanilang personal na impormasyon sa mga taong maaring gamitin ito sa masama.
Ipaliwanag sa kanila ang kahalagahan ng pagkakaroon ng password at kung bakit hindi ito dapat i-share sa iba.
Huwag makikipagkaibigan sa social media sa hindi nila kilala.
Bagama’t masarap sa pakiramdam ang pagkakaroon ng maraming kaibigan, ipaliwanag na ang social media ay hindi magandang platform ng pakikipagkaibigan sa mga hindi nila kilala.
Sapagkat hindi nila masisiguro kung ang pagpapakilala ba sa kanila ng mga ito ay ang totoo nilang pagkatao. Hindi rin nila matutukoy kung ano ba ang tunay na intensyon nito sa pakikipagkaibigan sa kanila. Kaya basta hindi nila kilala, mabuting hayaan at huwag na nilang i-add friend pa.
Bigyan ng limit ang paggamit ng social media ng iyong anak.
Maliban sa pagpapaalala sa anak na maging responsable sa mga ipinopost niya sa social media. Dapat din ay ipaalala sa kanila na maging responsable rin sa paggamit nito. Hindi ito dapat abusuhin, dahil ito ay maaring magkaroon rin ng impact sa pag-aaral nila.
Kaya naman para maiwasan ito ay dapat bigyan ng limit ang paggamit ng social ng media ng anak sa bahay man o sa eskuwelahan.
Ipaalala sa kanila ang kahalagahan ng pag-coconcentrate sa kanilang pag-aaral. Pati narin ang kagandahan ng pakikihalubilo sa iba sa totoong mundo kumpara sa online o social media lang.
Mas epektibong maipapaintindi sa kanila ang mga mensaheng ito, kung ikaw ay magiging mabuting ehemplo. Dapat sa tuwing kasama sila ay iwasan din ang paggamit ng social media o mga gadgets. Gampanan ang iyong role bilang isang magualng na kanilang makakausap at malalapitan.
Source: CNN Health, Kids Health
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!