Nakakalungkot na hanggang ngayon ay nagkakaroon pa rin ng mga kaso ng sanggol na namamatay dahil sa neonatal herpes. Bagama’t napakarami nang kuwento at paalala sa TV, social media, at sa internet tungkol dito, tuloy tuloy pa rin ang mga kaso ng herpes sa sanggol.
Sa pagkakataong ito, isang sanggol ang namatay dahil sa neonatal herpes 14 na araw matapos siyang ipanganak. Mas masakit pa na ginawa na ng mga magulang ang lahat ng makakaya nila upang protektahan ang anak. Ngunit sa hindi maipaliwanag na kadahilanan, nagkaroon pa rin ito ng herpes.
Ating alamin ang kabuuan ng mga pangyayari.
Neonatal herpes, hindi dapat balewalain
Tuwang-tuwa ang mag-fiance na si Kelly Ineson at Thomas Cummins nang malaman nila na sila ay magkakaroon ng anak. At matapos ang 9 na buwang paghihintay, ipinanganak na ang kanilang anak na si baby Kiara.
Naging mabuti naman ang kalagayan ni Kiara, at malusog siya nang ipinanganak. Masayahin daw ang bata, at tuloy-tuloy naman ang kaniyang paglaki.
Ngunit ang kanilang galak ay mabilis na naging kalungkutan, dahil matapos ang ilang araw, biglang bumagsak ang timbang ni Kiara. Dali-dali nila siyang dinala sa doktor, at doon nalaman na mayroong herpes simplex virus ang sanggol.
Ayon kay Kelly at Thomas, alam nila ang panganib na dala ng herpes. Kaya nga hindi raw nila hinayaang halikan o lapitan ng kahit na sinong may sakit ang kanilang sanggol. Napaka-ingat raw nila pagdating sa mga bisita ng kanilang anak, kaya ganun na lang ang kanilang kalungkutan nang magkasakit ang bata.
Dahil sa tindi ng impeksyon, kinailangang ilagay sa coma si baby Kiara. Dagdag pa ng mga doktor, kung mabuhay man daw si Kiara, ay posibleng magkaroon siya ng brain damage dahil sa kaniyang sakit.
Sa kasamaang palad, namatay si Kiara 14 na araw lang matapos siyang ipinanganak. Abot-abot ang kalungkutan ng mag-asawa, pati na ng mga anak ni Kelly na inaakalang magkakaroon na sila ng bagong kapatid.
At dahil sa insidente, inuudyok ni Kelly at Thomas na mag-ingat ang mga magulang, at siguraduhing hindi nilalapitan ng mga taong maysakit ang kanilang anak. Dahil napakahina pa ng immune system ng mga sanggol, at kahit simpleng sakit lang ay puwedeng makamatay.
Mga hakbang upang makaiwas sa prenatal herpes
Heto ang ilang mahahalagang bagay na dapat tandaan ng mga magulang pagdating sa herpes simplex virus:
- Para sa mga magulang, mahalagang magpacheck kung mayroong herpes simplex virus. Mahalaga ito lalong-lalo na sa mga ina, dahil posibleng mahawa ang anak kapag may herpes ang ina, at natural ang delivery ng sanggol.
- Iwasang ipahalik o ipahawak ang iyong sanggol sa kung sino-sino lang. Ito ay dahil mahina pa ang kanilang immune system, at madali silang mahawa ng iba’t-ibang mga sakit.
- Palaging bantayan ang kalusugan ng iyong anak, at dalhin sila kaagad sa doktor kapag biglang bumaba ang kanilang timbang, sila ay nanghina, o bigla silang nagkasakit.
- Maghugas palagi ng kamay kapag hahawakan ang iyong bagong panganak na sanggol, at siguraduhing malinis at sterile ang kanilang mga kagamitan. Mahalaga rin na maghugas ng kamay ang kung sino mang hahawak sa iyong sanggol.
- Kung sa tingin mo mayroong herpes ang iyong sanggol, huwag mag-atubiling tumawag sa doktor, o dalhin ito agad sa ospital.
Source: Metro
Basahin: Sanggol namatay dahil ‘kinain’ ng herpes ang lungs at utak niya