Neuroblastoma ang cancer na tumama sa limang taong gulang na batang babae na si Hunter Jones mula sa Everett, Washington. Ngunit matapos ng isa’t-kahalating taon mula ng ma-diagnose sa nakakatakot na sakit at maipagamot si Hunter ay cancer-free na!
Batang naka-survive sa cancer
Taong 2017 habang nagpapalinis ng kaniyang ipin nang mapansin ng dentista ni Hunter na si Dr. Harlyn Sussarla ng Stellar Kids Dentistry na ito ay maraming umuugang ipin o loose teeth.
Dahil ito ay hindi pangkaraniwan lalo na sa mga batang tulad ni Hunter, agad na nag-request ng X-ray si Dr. Sussarla. Sa tulong nga ng X-ray ay nalaman nilang may namumuong tumor na sa panga ni Hunter.
Kaya pagkatapos malaman ang X-ray result ni Hunter ay dinala agad ito ng kaniyang mga magulang sa Seattle Children’s Hospital. Dito kinumpirma ng mga surgeons na si Hunter ay may neuroblastoma o isang uri ng cancer na nabubuo sa mga nerve tissue.
Ang naging findings nga ng mga doktor ay labis na ikinagulat ng mga magulang ni Hunter. Ang sakit daw ni Hunter ay high-risk stage IV na cancer na may 40-50% five-year survival rate.
Mayroon na rin daw itong tumor sa kaniyang tiyan na kumalat narin sa kaniyang balakang.
Ayon nga sa ina ni Hunter na si Kara Jones, siya ay nagulat sa diagnosis lalo na’t wala naman itong nakitang sintomas na may mali sa anak. Kaya naman para mailigtas ang buhay ni Hunter at gumaling mula sa sakit ay kinailangan nitong dumaan sa extensibong gamutan.
Si Hunter ay sumailalim sa dalawang surgeries, limang rounds ng chemotheraphy, 12 rounds ng radiation, dalawang stem cell transplants at anim na rounds ng immunotherapy.
Ang naging treatment daw ni Hunter ay naging mahirap at masakit.
Mayroon din daw itong mataas na tiyansang mag-develop sa isa pang secondary disease gaya ng leukemia, kidney disease, liver disease o heart disease.
At matapos nga ng isa’t-kalahating taong gamutan at pananatili sa loob ng ospital ng 140 na araw, si Hunter ay idineklarang cancer-free na nitong nakaraang buwan.
Para nga mapasalamatan ang kaniyang dentist na si Dr. Sussarla na naging paraan para matukoy ang sakit ni Hunter ay binigyan niya ito na handmade card na may nakasulat na, “I love you.”
Si Hunter din ay in-enroll kamakailan lang sa isang clinical trial sa New York Memorial Sloan Kettering Cancer Center para sa neuroblastoma vaccine na maaring makatulong para hindi na ito bumalik.
Ano nga ba ang Neuroblastoma?
Ang neuroblastoma ay isang cancer na nagde-develop sa immature nerve cells sa buong katawan.
Madalas na nagsisimula ito sa adrenal glands na nasa taas ng kidneys. Ngunit maari rin itong magdevelop sa ibang parte ng katawan gaya ng chest, abdomen at spine.
Ang neuroblastoma ay madalas na tumatama sa mga bata na limang taong gulang pababa.
Ayon nga sa American Cancer Society, may 800 cases na neuroblastoma ang nadidiagnose sa US taon-taon.
Sanhi ng neuroblastoma
Ang neuroblastoma ay nagsisimula sa neuroblast o ang immature nerve cells na ginagawa ng isang fetus bilang parte ng kaniyang development process.
Habang nagma-mature ang fetus, ang mga neuroblasts ay nagiging nerve cells, fibers at cells na bumubuo ng adrenal glands.
Karamihan ng neuroblasts ay nagma-mature kapag naipanganak na ang sanggol bagamat hindi maiiwasan ang maliit na bilang nito ay makikita parin sa mga newborn.
Madalas, ang mga neuroblast ay nagma-mature at nawawala. Ngunit, minsan ito ay nagiging tumor na nagiging dahilan ng neuroblastoma.
Ang mga batang may family history ng neuroblastoma ay may mataas na tiyansa ring magkaroon ng sakit. Ngunit ang bilang ng mga familial neuroblastoma ay maliit lamang. Karamihan ng mga kaso nito ay hindi parin identified ang pinagmulan.
Sintomas ng neuroblastoma
Ang mga sintomas ng neuroblastoma ay makikita depende sa kung saan parte ng katawan ang apektado. Ang mga sintomas nito ay ang mga sumusunod:
Sintomas ng neuroblastoma sa abdomen o tiyan
- Abdominal pain
- Bukol sa ilalim ng balat na hindi matigas kapag hinawakan
- Pagbabago sa bowel habits tulad ng diarrhea o contispation
Sintomas ng neuroblastoma sa chest o dibdib
- Wheezing o tila humuhuning paghinga
- Chest pain
- Pagbabago sa mata gaya ng paglalaylay ng talukap ng mata o hindi pantay na pupil size
Ang ibang sensyales o sintomas ng neuroblastoma ay ang sumusunod:
- Bukol sa ilalim ng balay
- Eyeballs na tila lumuluwa
- Maiitim na tila pasa sa paligid ng mata
- Back pain
- Lagnat
- Unexplained weight loss
- Bone pain
Lunas at Komplikasyon ng Neuroblastoma
Samantala ang lunas sa neuroblastoma ay nakadepende sa kung saan tumubo ang tumor at ang laki nito. Ito ay maaring magamot sa pamamagitan ng surgery, chemotherapy, radiation, immunotherapy at stem cell transplants.
Ilan naman sa kumplikasyon na maaring maidulot ng neuroblastoma ay ang sumusunod:
- Pagkalat ng cancer (metastasis) sa ibang parte ng katawan gaya sa lymp nodes, bone marrow, liver, skin at bones
- Spinal cord compression o pagkakabuo ng tumor sa spinal cord na maaring magdulot ng sakit at paralysis.
- Paraneoplastic syndrome o mga sintomas na dulot ng pagse-secrete ng neuroblastoma cells ng chemicals na maaring maka-irritate sa ibang normal na tissue. Ang mga sintomas na ito ay mabilis na paggalaw ng mata at hirap nito sa coordination. Isang bibihirang syndrome na maaring madulot pa nito ay abdominal swelling at diarrhea.
Sources: Daily Mail, Mayo Clinic
Basahin: 2-anyos, inakalang may asthma—cancer na pala
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!