Halos alam na natin lahat ng bagay tungkol sa mga bagong silang na sanggol pero may iba pang trivia na matutunan mo ngayon tungkol sa kanila. Narito ang 8newborn facts na dapat mong malaman tungkol sa iyong anak.
Mga newborn facts na dapat mong malaman
1. Hindi pa nila kayang lumasa ng maalat pagkapanganak nila
Ang taste buds ng iyong bagong silang na baby ay well-developed na pagkapanganak pa lang nila ngunit hindi kasama dito ang paglasa ng maaalat na likido.
Bagaman mas maraming taste buds ang mga baby kumpara sa mga matatanda, lumabas sa pag-aaral ng mga siyentipiko na hindi sila nakakalasa ng maalat hanggang apat na buwang gulang sila.
2. Walang tumutulong luha kapag umiiyak sila
Isa sa mga newborn facts ay ang pag-iyak ng mga baby nang walang luha sapagkat ang kanilang mga tear ducts o daluyan ng luha ay hindi pa gumagana hanggang sila ay tumuntong ng 3 hanggang 12 weeks.
Gayunpaman, naglalabas naman ang mga mata nila ng ‘basal tears’, isang uri ng likido na nagpapanatili ng moisture ng ating mga mata.
3. Wala silang kneecaps
Ang mga baby ay may 300 buto sa katawan, samantalang ang mga adult naman ay may 206 buto. Ito ay sa kadahilanang hindi pa tuluyang nagdedevelop ang mga buto ng mga bagong silang na sanggol.
Cartilage pa lang ang mga buto nila pagkapanganak kaya very fragile kung ituring natin sila dahil sa sobrang lambot ng kanilang katawan.
Ang kawalan ng kneecaps ng mga babies ay nakatutulong sa kanilang pagdapa at paggapang dahil nagsisilbing ‘shock absorber’ ang spongy tissue sa paligid ng kanilang mga tuhod habang hindi pa tumutubo ang kanilang mga kneecaps.
4. Nagkakaroon ng regla ang mga babaeng newborn babies
Nakakagulat na newborns facts ito para sa atin dahil ang mga bagong silang na baby girls ay maaaring magkaroon ng tinatawag na pseudomenstruation na katulad ng sa normal na regla ng mga adult na babae.
Ito ay sapagkat nadadarang sa mataas ang estrogen levels ng mga ina ang kanilang mga baby girls sa loob ng kanilang sinapupunan. Oras na sila ay isilang, biglang bumababa ang estrogen level ng mga babies na nagbubunsod sa pagkakaroon nila ng kaunting regla.
Kaya huwag matakot kung makakita ka man ng kaunting dugo sa diaper ni baby. Normal lamang ito at nawawala rin pagkaraan ng pitong araw.
Kung tuluy-tuloy pa rin ang pagdurugo, agad na ipatingin sa pediatrician ang sanggol.
5. May gatas rin ang kanilang mga utong
Bukod sa pseudomenstruation, nagkakaroon rin ng tinatawag na galactorrhea ang mga sanggol pagkapanganak dahil sa biglaang pagbaba ng level ng estrogen sa kanilang katawan.
Ang galactorrhea ay isang phenomenon kung saan nagdedevelop ang maliliit na utong ng mga baby at naglalabas ng kaunting gatas. Nangyayari ito pareho sa mga babae at lalakeng sanggol.
Nagtatagal ang galactorrhea hanggang 2 buwang gulang ni baby.
6. Naiinom nila ang kanilang sariling ihi sa loob ng sinapupunan
Nagsisimulang gumana nang maaga ang excretory system ng mga sanggol ilang buwan pa lamang nila sa loob ng sinapupunan ng kanilang ina. Kaya ang kanilang ihi ay humahalo sa amniotic fluid nila at naiinom ito.
Sa kanilang third trimester, nakakainom sila ng halos isang litrong amniotic fluid araw-araw. Hindi man sila nagugutom o nauuhaw sa loob ng sinapupunan dahil sa tulong ng umbilical cord, para sa mga ekperto ay nagsisilbing practice para sa mga baby ang pag-inom ng kanilang amniotic fluid.
7. Kaya nilang tandaan ang lasa ng mga kinain ni Mommy noong ipinagbubuntis pa sila
Newborn facts: Nakakalasa na ang babies ng mga pagkain sa kanilang ika-apat o ikalimang buwan sa sinapupunan ng kanilang mommy.
Pinaniniwalaan ng mga eksperto na ang lasa ng bawat pagkain na kinakain ng mga mommy habang sila ay nagdadalantao ay humahalo sa amniotic fluid ni baby, dahilan upang malasahan niya ang anumang kinakain ni mommy.
Subukang kumain ng mga gulay habang buntis upang matandaan ni baby ang lasa nito hanggang sa maipanganak siya. Nang sa gayon ay hindi ka mahirapan sa pagpapakain sa kanya ng gulay paglaki niya.
8. Mabuhok ang katawan nila pagkapanganak
Habang lumalaki at nagdedevelop si baby sa loob ng sinapupunan, unti-unting nababalutan ng maliliit na buhok ang kanilang katawan na tinatawag na lanugo.
Ang lanugo ang nagpapanatili ng normal na body temperature ng mga sanggol sa loob ng sinapupunan ni mommy kaya hindi sila naaapektuhan kapag malamig o mainit ang klima sa labas.
Kaya huwag mabahala kung ipinanganak si baby na balbon. Hindi siya magiging werewolf gaya ng mga nakikita nating mga taong balbon sa mga palabas sa TV. Unti-unti naman itong mawawala o mababawasan habang sila ay lumalaki.
Source: Reader’s Digest,
Images: Shutterstock
BASAHIN: Mga buntis na mahilig sa gulay, ipinapasa raw ito sa mga anak