Ilang araw na nga lang at Pasko na naman, at isa sa pinakahihintay ng lahat ay ang salu-salo pagdating ng bisperas. Narito ang ilang Noche Buena ideas na magpapasarap pang lalo sa kapaskuhan!
Noche Buena ideas
Naging tradisyon na nating mga Pinoy ang maghanda ng ika-24 ng Disyembre, at magsama-sama sa pagkain sa pagpatak ng hatinggabi para salubungin ang Pasko.
Kasama na sa tradisyong ito ang pagluluto ng napakasasarap na putahe na alam nating paborito ng buong pamilya. Karamihan din sa atin ay ito na ang mga nakagisnang putahe mula bata pa.
Ang iba naman, sinasamahan na ng mga bagong nadiskubre o bagong naimbentong pagkain o panghimagas na sumusunod sa makabagong panahon.
Nagtanong ako sa mga mahilig magluto at sa mga eksperto sa sining ng kulinarya, at ibinahagi nila ang mga recipe na karaniwang hinahanda sa Noche Buena, at ibang mga bagong putahe na tiyak na magugustuhan ng buong pamilya.
Noche Buena Ideas: Mga pagkaing swak sa panlasa ng family!
Bawat pamilya ay may kani-kaniyang recipe sa iba’t iba ring lutuing Pinoy. Sa article na ito, ibinahagi ng ilang mga mommy ang kanilang sariling recipe para makatulong din sa kapwa mommy ngayong darating na Pasko. Kaya naman kung nag-iisip ka ng lulutuin sa Noche Buena, narito ang ilang ideas para sa’yo.
Noche Buena Ideas na paborito ng mga bagets
Chicken Cordon Bleu
Nag-iisip na nga rin si Nenette Damaso, maybahay at may 2 binatang anak, ng ihahanda para sa darating na Noche Buena.
Chicken Cordon Bleu ang pinakapaborito ng dalawang anak niya mula nang mga bata pa ito.
Bukod sa Menudo at pan de sal, Buko Pandan at Carbonara, ang luto niya ng putaheng ito ang hinahanap hanap ng kanyang pamilya.
“Kailangan malalaki ang hiwa ng chicken breast, at dinadamihan ko ang keso at ham sa loob,” payo ni Nenette.
- Inaasinan niya ang skinless at boneless na chicken breast, at saka pinapatong ang Swiss cheese (o kahit anong cheddar cheese) at ham sa ibabaw.
- Pagkatapos ay irorolyo ito at tutusukin ng toothpick para hindi maalis.
- Pagulungin sa bread crumbs at ilagay sa oven (preheated ng 350 degrees F o 175 degrees C) ng 30 hanggang 35 minuto o kapag ang manok ay hindi na kulay pink.
- Alisin sa oven at maglagay ng keso sa ibabaw, saka ibalik ulit sa oven ng 3 hanggang 5 minuto.
- Tanggalin ang toothpick bago ihanda.
Noche Buena Ideas: Putaheng Paborito ng Pinoy
Classic Paella
Kuwento ni Dice Piedad ng Happy Caterer, Paella pa rin ang bestseller lalo kapag may malalaki at espesyal na handaan. Hindi kasi lahat ay marunong magluto nito. O kung marunong man, minsan ay wala nang oras para dito.
Kaya naman handa sila ng kaniyang asawa na magluto para sa mga pamilya para ihanda sa Noche Buena, o di kaya’y dalhin sa family reunions o party ng barkada o magkakaibigan.
Espesyal ang Paellang ito ni Chef Dice dahil puno ng toppings tulad ng iba’t ibang karne at gulay, at sinasahugan nila ng totoong saffron ang kanin. May pork belly, manok, sausage, pusit, hipon, alimasag—‘di ba’t ang sarap?
The Happy Caterer: thehappycaterer@gmail.com, 09178293423, FB • thehappycatererph
Chicken Galantina
Ayon naman kay Chef Prince Galicha, Team Leader ng Manila Catering, ito ang isa sa mga paborito ng kanilang mga kliyente kapag ganitong panahon. Kilala din ito sa tawag na Rellenong Manok o stuffed chicken.
Ang tradisyonal na paggawa nito ay gumagamit ng isang buong manok na deboned, pero pwede ring gumamit ng deboned chicken breast para mas madali.
- Isinasahog niya 1 kilong giniling na baboy, chinese sausage o chorizo, sweet pickle relish, raisins, ham Vienna sausage, sibuyas, carrots, red bell pepper, asin at paminta, pati na ang bread crumbs.
- Ibinababad ang manok sa lemon juice at toyo, at saka ibinabalot sa loob nito ang meat stuffing, at itlog sa pinakagitna.
- Binabalot sa katcha o cheesecloth, o tinatali ang manok para hindi matanggal ang sutffing.
- Ito ang bine-bake sa oven ng 350 F.
- Punasan ng butter bago ilagay sa oven ng hanggang 40 minuto. Balutan ng aluminum foil sa huling 20 minuto ng pagluluto para hindi ma-overbrown. Pwede ding iluto sa steamer ng 90 minuto. Pagkaluto ay pinalalamig sa refrigerator ng 3 hanggang 6 na oras.
Isda naman sa Noche Buena
Baked Salmon
Para may isda naman, rekumendado ni Chef Dice ang Baked Salmon. Simple lang ang paghahanda nito, basta’t may oven.
Samahan ng mixed buttered vegetables at siguradong patok ito para sa lahat. May kamahalan ang salmon kaya’t madalas ay pang-espesyal na okasyon lang ito. Kahit wala nang kanin ay masarap ang putaheng ito.
Espesyal at Modernong Paghahanda sa Noche Buena
Bone Marrow Steak Pie ng Mudpie Heaven
Ilang dekada na sa restaurant business ang pamilya ni Chikky Cayuca. Ang pinakabagong restaurant venture nila ng kaniyang anak na si Ashley, ay ang Mudpie Heaven, kung saan nakapaghahanda sila ng mga tradisyonal na putaheng may modern twist. Reinvented, ika nga nila.
Ang specialty nilang Bone Marrow Steak Pie ay inihahanda na may kasamang mashed potatoes at salad. Ito ay gawa sa beef strips o sukiyaki-cut steak, gravy at napakasarap na keso, natatakpan ng flaky crust sa ibabaw,at baked para maging pie.
Katulad ng ginawa ng mag-inang Cayuca, maaaring mag-imbento at mag-isip ng kakaibang putahe mula sa tradsiyonal nang inihahanda, para magsimula ng bagong tradisyon ng pamilya, hindi ba?
Noche Buena Ideas: Pamaskong Panghimagas
Mississippi Mudpie
Nanalong Inquirer’s Best Dessert 2017 ang orihinal na gawang ito ni Chikky. Una itong inihahana noon sa naunang restaurant nilang Country Spice sa Pasig. Bentang benta at paborito ng marami kaya’t nang magtayo sila ulit ng restaurant, pinilit ni Ashley na isama ito sa menu ng Mudpie Heaven—pero may panibagong presentasyon.
Gawa ito sa homemade chocolate at vanilla gelato, at ang recipe ay sikreto na rin ng pamilyang Gutierrez-Cayuca. Pwedeng i-takeout at ihanda sa Noche Buena, kung gusto ng kakaibang dessert sa espesyal na pagdiriwang.
Mudpie Heaven 2/F Circuit Lane Makati, Riverfront Drive, AP Reyes St, Carmona, Makati, +63 949 116 9855
Ano pang hinihintay? Mamili na ng pang-sahog, o umorder na para hindi mahuli sa paghahanda.
Kung magluluto man o bibili ng luto nang pagkain. Siguraduhing masarap at kakaiba ang ihahanda para sa pamilya, dahil isa ito sa maaalala ng lahat sa Paskong pinagdiriwang.
Tandaan, kapag busog ang lahat, masaya ang lahat.
BASAHIN: Gift Ideas ngayong Pasko: Mga regalong maaaring bilhin