#AskDok: Ano ang normal na size ng tiyan ng buntis?

#AskDok: Ano ang normal na size ng tiyan ng buntis?

Lumalaki na ang tiyan ni Mommy dahil sa pagbubuntis. Mayron nga bang normal na laki ang tiyan ng buntis kada buwan, na dapat niyang sukatin?

Lumalaki na ang tiyan ni Mommy dahil sa pagbubuntis. Mayron nga bang normal na laki ng tiyan ng buntis kada buwan, na dapat niyang sukatin?

Nakaka-excite nga namang pagmasdan ang paglaki ng tiyan sa loob ng 9 na buwan. Pero paano kung napansin mo na parang hindi lumalaki ang iyong tiyan? O pakiramdam mo ay sobra naman itong laki? May dapat nga bang ipag-alala?

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May normal na laki ba ang tiyan ng buntis?

Paliwanag ni Dr. Yvonne Butler Tobah, M.D., ng Mayo Clinic, may pinagbabasehang sukat ang mga doktor para malaman ang fundal height ng bata sa sinapupunan. Ang fundal height ay ang sukat mula sa pubic bone ng nagbubuntis, hanggang sa tuktok ng uterus. Centimeters and panukat nito. Ang normal na laki ng tiyan ng buntis ay karaniwang masusukat pagdating ng ika-20 linggo.

Simpleng komputasyon ng normal na laki ng tiyan ng buntis

And fundal height measurement ay tipikal na tugma sa bilang ng pagbubuntis (kung ilang linggo ito), at may minus 2 o plus 2 na diperensya. Sa madaling salita, nasa 1 hanggang 2 centimeters kada linggo ang karaniwang paglaki. Halimbawa, kung ikaw ay 28 weeks nang buntis, nasa 28 centimeters dapat ang fundal height ng sanggol, o mula 26 hanggang 30 centimeters. Hindi man sakto, malapit dito ang normal na sukat.

Dapat lang tandaan na ang bawat pagbubuntis ay kakaiba. Ang dalawang inang sabay na nagbubuntis ay maaaring may magkaibang sukat ng tiyan. Pero mahalagang malaman ang normal na laki ng tiyan ng buntis para masundan kung tugma ang paglaki ng bata. 

Gaano kalaki ba ang karaniwang weight gain kapag buntis?

Karaniwang weight gain sa pagbubuntis ay 1 hanggang 4.5 pounds sa unang trimester, at 1 hanggang 2 pounds kada linggo sa ikalawa at ikatlong trimester. Nasa 25 - 35 pounds ang kabuuang weight gain sa 9 na buwang pagbubuntis.

Gaano kalaki ang “malaki”?

Minsan ay may babati sa iyo na “Ang laki naman ng tiyan mo! Sigurado ka bang tama ang bilang mo?” Dito ka na magsisimulang magduda at magtanong sa sarili, at sa doktor. Normal ba ang laki ng tiyan ko?

May ilang dahilan kung bakit minsan ay malaki ang tiyan ng buntis, ng higit sa normal na laki. Ayon sa American College of Obstetricians and Gynecologists (ACOG) Committee on Practice Bulletins-Obstetrics, na inilathala noong 2015, ang laki ng tiyan ng higit sa normal, o di kaya ay hindi lumalaki ng nararapat na sukat, ay maaaring dahil sa:

  • pagiging overweight o obese bago pa magbuntis
  • may uterine fibroids
  • nagdadala ng kambal, triplets o higit pa
  • marami o kakaunti ang amniotic fluid
  • mataas ang puwesto ng bata sa sinapupunan
  • hindi tama ang bilang ng pagbubuntis

Kapag hindi normal ang laki ng tiyan ng buntis, ayon sa pagsukat ng fundal height, posibleng ito ay sintomas ng ilang kondisyon, tulad ng:

  • mabagal na paglaki o pag-develop ng fetus (slow fetal growth o intrauterine growth restriction)
  • fetal macrosomia o malaking sukat ng fetus, higit sa normal growth
  • gestational diabetes (mas nagiging malaki ang sanggol sa tiyan kung may diabetes ang ina).

Ano ang dapat gawin?

Tandaan na ang fundal height measurement ay isang paraan lamang para masundan ang fetal growth. Karaniwang ginagamit itong basehan para makita ng doktor kung patuloy na lumalaki ang sanggol sa sinapupunan, paliwanag ni Dr. Arsenio B. Meru, MD, general physician. Hindi ito “exact science” kaya’t hindi ito ang tanging paraan para masabing may komplikasyon o may problema ang pagbubuntis.

Kung mayron mang napansin na hindi normal na laki ng tiyan, ultrasound ang isang paraan para makita ang anumang problema, at maagapan kung meron man. Sa ultrasound makikita ang sukat ng circumference ng tiyan at ulo ng bata, pati ang haba ng mga binti niya.

Para malaman kung may gestational diabetes ang ina, may glucose tolerance test naman para dito. Kapag may diabetes, kailangang magbawas ng sugar intake at maaaring resetahan ka ng iyong doktor ng dapat na gamot. Ang gestational diabetes ay karaniwang nawawala pagkapanganak.

Huwag magpadala sa komento ng mga kakilala

Minsan ay hindi maiiwasan ang kutya at tukso, o mga inosenteng komento ng mga kaanak o kaibigan na “Ang laki naman ng tiyan mo! Baka naman…” Huwag magpadala dito at huwag pansinin. Kung may nararamdaman kang hindi normal, ikunsulta kaagad sa iyon doktor. Tanging ang iyong doktor ang may karapatang magsabi kung may dapat kang ipag-alala sa iyong pagbubuntis. Huwag magpaka-stress, at makakasama ito sa bata at sa iyo.

Mahalagang masundan at masubaybayan ang pagtaas o pagbaba ng timbang habang nagbubuntis. Itanong sa iyong OB GYN ang average o karaniwang nararapat na weight gain kada buwan, at alamin kung ano ang dapat na gawin sakaling hindi normal ang laki ng tiyan.

Gayunpaman, tandaan din na ang sukat ng tiyan ng buntis ay hindi kapareho o sakto sa sukat ng sanggol sa sinapupunan. Maaaring malaki ang tiyan, pero maliit ang bata, o maliit ang tiyan pero sagad naman ang laki ng bata.

Ang totoo, hindi mahalaga ang sukat ng tiyan ni Mommy; hindi kailangang pagtuunan ng pansin ang normal na laki ng tiyan ng buntis. Ang importante ay hindi overweight o labis ang timbang ng nagbubuntis. Walang dapat ipag-alala, paliwanag ni Dr. Meru. Ipagpatuloy ang pre-natal check-up sa takdang oras, at sundin ang payo ng doktor, para maging ligtas.

 

DISCLAIMER: Ang artikulong ito ay hindi nagbibigay ng propesiyonal na medical advice, diagnosis, o treatment ng mga doktor. Ito ay isinulat para makapagbigay ng sapat na impormasyon sa mga mambabasa. Kung may nararamdamang sintomas o kondisyong may kinalaman sa kalusugan, o may medical emergency, kumunsulta kaagad sa doktor. 

 

SOURCES:
Arsenio B. Meru, MD
Yvonne Butler Tobah, M.D., Mayo Clinic
Livestrong
American College of Obstetricians and Gynecologists (ACOG) Committee on Practice Bulletins — Obstetrics. ACOG Practice Bulletin No. 134: Fetal growth restriction. Obstetrics & Gynecology. 2013;121:1122. Reaffirmed 2015.
Divon MY. Fetal growth restriction: Diagnosis. www.uptodate.com/home. Accessed Jan. 24, 2017.

Basahin: Tanong ni Mommy: Bakit naninigas ang tiyan ko ngayong nagbubuntis?

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner