Mayroon ng bang normal na size ang tiyan ng buntis? Alamin rito.
Nakaka-excite nga namang pagmasdan ang paglaki ng tiyan ng buntis sa loob ng 9 na buwan. Pero paano kung napansin mo na parang hindi lumalaki ang iyong tiyan? O pakiramdam mo ay sobra naman itong laki? May dapat nga bang ipag-alala?
Image from Freepik
May normal na laki ba ang tiyan ng buntis?
Ayon kay Dr. Elizabeth Ifurung Gonzalez, isang OB-Gynecologist mula sa Makati Medical Center, mayroong tamang laki ang tiyan ng buntis na sinusukat ng kanilang doktor.
“Meron. Kaya dapat meron kang check-up sa doctor mo. Kasi sinusukat ng doktor ang tiyan ng mommy.
Pero meron naman may mga overweight, before pregnancy pa. Kaya tingin nila makai tiyan nila. May iba naman, balingkinitan kaya hindi obvious tiyan. Sinusukat kasi ‘yan.” aniya.
Paliwanag ni Dr. Yvonne Butler Tobah, M.D., ng Mayo Clinic, may pinagbabasehang sukat ang mga doktor para malaman ang fundal height ng bata sa sinapupunan.
Ang fundal height ay ang sukat mula sa pubic bone ng nagbubuntis, hanggang sa tuktok ng uterus. Centimeters ang panukat nito. Ang normal na laki ng tiyan ng buntis ay karaniwang masusukat pagdating ng ika-20 linggo.
Simpleng komputasyon ng normal na laki ng tiyan ng buntis
And fundal height measurement ay tipikal na tugma sa bilang ng pagbubuntis (kung ilang linggo ito), at may minus 2 o plus 2 na diperensya.
Sa madaling salita, nasa 1 hanggang 2 centimeters kada linggo ang karaniwang paglaki. Halimbawa, kung ikaw ay 28 weeks nang buntis, nasa 28 centimeters dapat ang fundal height ng sanggol, o mula 26 hanggang 30 centimeters. Hindi man sakto, malapit dito ang normal na sukat.
Dapat lang tandaan na ang bawat pagbubuntis ay kakaiba. Ang dalawang inang sabay na nagbubuntis ay maaaring may magkaibang sukat ng tiyan. Pero mahalagang malaman ang normal na laki ng tiyan ng buntis para masundan kung tugma ang paglaki ng bata.
Gaano kalaki ba ang karaniwang weight gain kapag buntis?
Ayon sa Healthline, ang laki ng tiyan ng buntis ay hindi naman gaanong importante. Bagkus, mas mahalaga ang ma-monitor ng buntis ang pagdagdag ng kaniyang timbang.
Kung ikaw ay underweight o kulang ang iyong timbang bago ka pa mabuntis, marahil ay madadagdagan ka talaga ng malaking timbang.
Image from Freepik
Subalit kung ikaw naman ay overweight o sobra ang timbang mo bago mabuntis, kailangang kaunti lang ang madagdag sa iyong timbang sa loob ng 9 buwan ng pagbubuntis.
Ang karaniwang weight gain sa pagbubuntis ay 1 hanggang 4.5 pounds sa unang trimester, at 1 hanggang 2 pounds kada linggo sa ikalawa at ikatlong trimester.
Isa pang paraan upang malaman kung tama lang ang timbang na nadadagdag sa iyo habang buntis, mas makakabuting alamin mo ang iyong body mass index o BMI.
Ito ay isang paraan para malaman kung ang iyong timbang ay tama sa para iyong height at sa iyong edad. Maari mong alamin ang iyong BMI sa pamamagitan ng paggamit ng BMI calculator gaya nito.
Kung ang iyong BMI ay average or normal sa simula ng iyong pagbubuntis (pagitan ng 18.5 at 24.9), maari kang mag-gain ng 1 hanggang 4.5 pounds sa unang trimester, na susundan ng 1 hanggang 2 pounds kada linggo sa ikalawa at ikatlong trimester.Nasa 25 – 35 pounds ang kabuuang weight gain sa 9 na buwang pagbubuntis.
Subalit kung ang iyong BMI ay mas mababa sa 18.5 bago mabuntis, kailangan mong madagdagan ng 28 hanggang 40 habang nagbubuntis.
Kung ang iyong BMI ay nasa 25 hanggang 29, maari kang madagdagan ng 15 hanggang 25 pounds. Pero kung ikaw ay obese at may BMI na 30 pataas, dapat panatiliing nasa 11 hanggang 20 pounds lang ang madadagdag sa iyong timbang sa kabuuan ng iyong pagbubuntis.
Gaano kalaki ang “malaki?”
Minsan ay may babati sa iyo na “Ang laki naman ng tiyan mo! Sigurado ka bang tama ang bilang mo?” Dito ka na magsisimulang magduda at magtanong sa sarili, at sa doktor. Normal ba ang laki ng tiyan ko?
May ilang dahilan kung bakit minsan ay malaki ang tiyan ng buntis, ng higit sa normal na laki. Ayon sa American College of Obstetricians and Gynecologists (ACOG) Committee on Practice Bulletins-Obstetrics, na inilathala noong 2015, ang laki ng tiyan ng higit sa normal, o di kaya ay hindi lumalaki ng nararapat na sukat, ay maaaring dahil sa:
- pagiging overweight o obese bago pa magbuntis
- may uterine fibroids
- nagdadala ng kambal, triplets o higit pa
- marami o kakaunti ang amniotic fluid
- mataas ang puwesto ng bata sa sinapupunan
- hindi tama ang bilang ng pagbubuntis
Kapag hindi normal ang laki ng tiyan ng buntis, ayon sa pagsukat ng fundal height, posibleng ito ay sintomas ng ilang kondisyon, tulad ng:
- mabagal na paglaki o pag-develop ng fetus (slow fetal growth o intrauterine growth restriction)
- fetal macrosomia o malaking sukat ng fetus, higit sa normal growth
- gestational diabetes (mas nagiging malaki ang sanggol sa tiyan kung may diabetes ang ina).
Mga katanungan tungkol sa laki ng tiyan ng buntis
Larawan mula sa Shutterstock
May kinalaman ba ang tiyan ng buntis sa gender ni baby?
Mayroong kasabihan ang matatanda na malalaman raw kung ang iyong ipinagbubuntis ay babae o lalaki depende sa laki o hitsura ng iyong tiyan.
Ang paniniwala nila, kapag lalaki ang iyong anak, mababa kang magbuntis o parang nakababa na ang tiyan, samantalang mas mataas naman raw magbuntis kapag babae ang nasa sinapupunan. Mas mataas ang tiyan at hindi bilog na bilog ang tiyan. Pero wala namang ebidensya o anumang basehan ang paniniwalang ito.
Sa katunayan, ang hitsura ng iyong tiyan ay walang kinalaman sa gender ng iyong anak. Pero may kaugnayan ang hitsura ng tiyan sa gaano ka-toned ang iyong muscles sa iyong tiyan bago ka mabuntis, at kung gaano ka katangkad.
Kung medyo toned o mayroon kang six-pack abs bago ka mabuntis, maaring mataas ang iyong tiyan dahil nasusuportahan ng iyong abdomen ang timbang sa iyong harapan. Kung bago ka pa mabuntis ay mayroon ka nang tiyan, magiging mas mababa ang iyong tiyan.
Gayundin, ang mga babaeng matatangkad ay mas mataas magbuntis, samantalang kung hindi ka katangkaran, maaring mapunta sa tagiliran ang extra weight na iyong dinadala.
Kailan ba nagsisimulang lumaki ang tiyan ng buntis?
Magkakaiba ang bawat buntis sa kung kailan nagsisimulang mahalata ang kanilang tiyan. Sa ikalawang trimester pa talagang lumalaki si baby sa loob ng iyong tiyan. Subalit may mga babae na halata na agad ang tiyan sa unang trimester dahil sa water weight at bloating.
Muli, may kinalaman rito ang iyong pangangatawan bago ka magbuntis. Kung mayroon kang abs, hindi agad mapapansin na buntis ka at mas matagal na lalaki ang iyong tiyan.
Gayundin, kung nabuntis ka na dati, maaari itong makaapekto kung gaano kaaga lalaki ang iyong tiyan. Dahil mas mahina na ang iyong abdominal muscles pagkatapos mong manganak, mas madali nang lumaki ang iyong tiyan sa iyong ikalawa at mga kasunod pang pagbubuntis.
Bakit parang hindi lumalaki ang tiyan ko?
Gaya ng mga nabanggit, maaring malakas lang talaga ang iyong abdominal muscles kaya hindi agad nagiging kapansin-pansin ang iyong pagbubuntis.
Magkakaiba rin ang tiyan ng buntis. Hangga’t namo-monitor ng iyong OB-GYN ang laki ni baby ayon sa iyong due date, at sa pamamagitan ng screening at tuwing checkup, hindi mo kailangang mag-alala kung hindi agad lumaki ang iyong tiyan.
Pagdating ng ika-15 linggo, mas madalas nang susukatin ng iyong doktor ang iyong tiyan para malaman kung lumalaki ba ng tama si baby sa loob. Ang normal rate ng paglaki ng tiyan ng buntis ay 1 centimeter kada linggo.
Isang posibleng problemang may kaugnayan sa maliit na tiyan ng buntis ay ang kondisyong oligohydramnios, kung saan kakaunti lang ang amniotic fluid sa tiyan.
Maaari itong magdulot ng komplikasyon sa iyong panganganak. Pero malalaman naman ito ng iyong doktor kung may posibilidad na ito ang dahilan ng mabagal na paglaki ng tiyan.
Parang pahalang ang paglaki ng tiyan ko. Bakit kaya?
Maaaring ang dahilan nito ay ang posisyon ni baby sa loob ng iyong tiyan. Baka siya ay nasa transverse lie position kung saan nakatagilid si baby sa halip na nakaharap ang ulo pataas o pababa. Mararamdaman naman ito ng iyong OB-GYN kapag hinawakan niya ang iyong tiyan.
Kadalasan ay hindi naman problema ito, maliban lang kung hindi magbabago ang posisyon ni baby kapag malapit ka nang manganak. Sa ganitong kaso, maaari kang sumailalim sa isang cesarean delivery.
Gayundin, kung overweight ka na bago pa man mabuntis, maaring mapansin mo na lumalaki rin ang iyong mga tagiliran. Kaya naman kung ang iyong BMI ay nasa pagitan ng 25 hanggang 29, i-monitor nang maigi ang iyong timbang. Sundin din ang payo ng iyong doktor tungkol sa tamang pagkain.
Kapag mababa na ang tiyan ng buntis, ibig sabihin ba ay malapit nang manganak?
Ayon sa isang article, ang pagbaba ng tiyan ng buntis ay isang maaaring senyales na malapit nang mag-labor. Tinatawag din itong lightening.
Nangyayari ito kapag ang ulo ni baby ay malapit na sa iyong pelvis at dumidikit na sa iyong pubic bones. Ibig sabihin nito ay nagsisimula na siyang gumalaw pababa upang lumabas na sa iyong katawan.
Ayon kay Dr. Rebecca Singson, isang OB-Gynecologist mula sa Makati Medical Center, bumababa ang tiyan ng isang buntis kapag bumababa na ang ulo ni baby sa kaniyang birth canal. Pahayag niya,
“Well usually bumaba ‘yong tiyan kapag nag-i-engage ‘yong head o kapag bumaba ‘yong head dun sa birth canal.
We say engage kapag ‘yong fetal head goes down to the level of ischial spines of the mommy. Dun sa birth canal.”
Para malaman kung anu-ano ang iba pang senyales ng pagbaba ng tiyan ng buntis, basahin rito.
Ano ang dapat gawin?
Tandaan na ang fundal height measurement ay isang paraan lamang para masundan ang fetal growth. Karaniwang ginagamit itong basehan para makita ng doktor kung patuloy na lumalaki ang sanggol sa sinapupunan, paliwanag ni Dr. Arsenio B. Meru, MD, general physician.
Hindi ito “exact science” kaya’t hindi ito ang tanging paraan para masabing may komplikasyon o may problema ang pagbubuntis.
Kung mayroon mang napansin na hindi normal na laki ng tiyan, ultrasound ang isang paraan para makita ang anumang problema, at maagapan ito kung kailangan. Sa ultrasound makikita ang sukat ng circumference ng tiyan at ulo ng bata, pati ang haba ng mga binti niya.
Para malaman kung may gestational diabetes ang ina, may glucose tolerance test naman para dito. Kapag may diabetes, kailangang magbawas ng sugar intake at maaaring resetahan ka ng iyong doktor ng dapat na gamot. Ang gestational diabetes ay karaniwang nawawala pagkapanganak.
Huwag magpadala sa komento ng mga kakilala
Image from Freepik
Minsan ay hindi maiiwasan ang kutya at tukso, o mga inosenteng komento ng mga kaanak o kaibigan na “Ang laki naman ng tiyan mo! Nakalunok ka ba ng pakwan?”
Huwag magpadala rito at huwag pansinin. Kung may nararamdaman kang hindi normal, kumonsulta kaagad sa iyong doktor. Tanging ang iyong doktor ang may karapatang magsabi kung may dapat kang ipag-alala sa laki ng iyong tiyan at lalo na sa iyong pagbubuntis. Huwag magpastress, at makakasama ito para sa inyo ni baby.
Mahalagang masundan at masubaybayan ang pagtaas o pagbaba ng timbang habang nagbubuntis. Itanong sa iyong OB-GYN ang average o karaniwang nararapat na weight gain kada buwan, at alamin kung ano ang dapat na gawin sakaling hindi normal ang laki ng tiyan.
Gayunpaman, tandaan din na ang sukat ng tiyan ng buntis ay hindi kapareho o sakto sa sukat ng sanggol sa sinapupunan. Maaaring malaki ang tiyan, pero maliit ang bata, o maliit ang tiyan pero sagad naman ang laki ng bata.
Ang totoo, hindi mahalaga ang sukat ng tiyan ni Mommy. Hindi kailangang pagtuunan ng pansin ang normal na laki ng tiyan ng buntis.
Ang importante ay hindi overweight o labis ang timbang ng nagbubuntis. Walang dapat ipag-alala, paliwanag ni Dr. Meru. Ipagpatuloy ang pre-natal check-up sa takdang oras, at sundin lagi ang payo ng iyong doktor para maging ligtas ang iyong pagbubuntis, at masigurong malusog ang iyong sanggol.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!