Sa mga pregnant mommy na nalalapit na ang due date, tanong parati kung kailan lalabas si baby. Paano kaya malalaman na ready na talaga both ang nanay at ang sanggol? Kadalasang sagot ay kapag mababa na raw ang tiyan ni mommy, ano nga ba ang dapat gawin para bumaba si baby? Narito ang ilang kasagutan.
Ang pagbubuntis
Para sa mga kababaihang isa sa mga pangarap ay maging isang ina, pagbubuntis na yata ang pinaka-highlight ng buhay nila. Bagamat napakagandang pakinggan ng motherhood journey, marami rin itong kaakibat na challenges. Kasama na ang panganganak.
Ang panganganak ay isa sa mga nakakatakot na bahagi ng pagbubuntis. Ika nga ng karamihan, kapag nagbuntis ka parang ang isang paa mo raw ay nasa hukay na dahil sa panganib na dala nito. Karamihan ng mga nanay, nakakaramdam na ng pangamba kapag iniisip nilang malapit na silang mag-labor. Ang totoo, hindi talaga biro ang panganganak kaya naman dapat talagang handa ang iyong isip at katawan para rito.
Isa umano sa mga senyales na naghahanda na ang iyong katawan para sa labor ay kapag nagkaroon na ng tinatawag na baby dropping.
Sa ikatlong trimester o ilang linggo bago ang iyong due date. Mapapansin mo o ng mga tao sa paligid mo na bumababa na ang iyong baby bump.
Pero ano nga ba talaga ang ibig sabihin ng baby dropping? Mayroon bang mga paraan upang malaman o mahululaan kung kailan ito mangyayari? Ano ang dapat gawin para bumaba si baby?
Bakit bumababa na ang tiyan ng buntis?
Kapag sinabi ng mga tao na mababa na ang iyong tiyan o parang manganganak ka na, ang tawag umano rito ay lightening. Isa ito sa mga pangunahing senyales na malapit ka nang mag-labor.
Nangyayari ito kapag ang ulo ng iyong anak ay malapit na sa iyong pelvis at dumidikit na sa iyong pubic bones. Dito nagsisimulang gumalaw pababa ang iyong anak upang lumabas na sa iyong katawan. Ibig sabihin handa na siya para lumabas mula sa iyong sinapupunan.
Ayon kay Dr. Rebecca Singson, isang OB-Gynecologist mula sa Makati Medical Center, bumababa ang tiyan ng isang buntis kapag bumababa na ang ulo ni baby sa kaniyang birth canal.
“Well usually bumaba ‘yong tiyan kapag nag-iengage ‘yong head o kapag bumaba ‘yong head dun sa birth canal. We say engage kapag ‘yong fetal head goes down to the level of ischial spines of the mommy. Dun sa birth canal.” Aniya Dr. Singson.
Isa sa mga senyales na malapit na ang due date ng buntis ay ang baby dropping. | Larawan kuha mula sa iStock
Lahat ng pagbubuntis ay hindi pare-pareho, iba-iba ang maaaring maging kundisyon at karanasan ng bawat nanay. Kaya naman may mga mommies na nakakaranas ng pagbaba ng kanilang tiyan isa o dalawang linggo bago manganak.
Habang ang ilan ay mararanasan ito ilang oras lamang bago sila mag-labor. Mayroon ding mga nanay na hindi nararanasan ang pag-drop ni baby hanggang nagsimula na ang kanilang labor.
Kadalasan, ang mga first-time moms ang nakakapansin ng pagbaba ng kanilang tiyan ng maaga. Habang ang mga nanay na nanganak na dati ay hindi na ito masyadong nararanasan hanggang dumating na ang oras ng labor.
Isang teorya para raw rito:
Maaaring dahil alam na ng iyong katawan kung ano ang gagawin nito sa panganganak. Kaya hindi na kailangan ang mahabang panahon para maghanda. Kumbaga ay nakilala niya na ang unang experience mo ng panganganak.
Ayon kay Doc Becky, magkaiba nga ang pagbaba ng baby depende kung ito ang unang beses ng pagbubuntis at panganganak o hindi.
“Usually kapag first baby, puwedeng hindi mag-engage ‘yong head. Kapag nanganak ka na dati, sa subsequent pregnancy, mag-o-open muna ‘yong cervix saka bababa ‘yung head.”
Samantalang sa first baby naman daw ay mag-e-enagge muna ang ulo tyaka lamang mag-o-open ang cervix.
Dagdag pa niya, ang pagbaba ni baby ay magandang senyales na malapit ka nang manganak. Bagama’t hindi rin naman ito nangyayari agad-agad.
Hindi naman din daw dapat ipangamba kung sakaling hindi bumababa pa ang head ni baby. Gaya nga ng nabanggit, magkakaiba naman ang karanasan ng bawat nanay.
“We always thought na at 38 weeks dapat mag-engage na ‘yong head. Actually, the research shows that the most babies mga 80% nag-engage mga 39 to 40 weeks.
And usually average of mga 7 to 10 days bago manganak doon nag-engage ‘yong head. That’s a good sign na malapit ka ng manganak kapag bumababa na ‘yong head ni baby. Pero hindi naman immediate o hindi naman agad-agad.”
Paano masasabi kung papunta ka na sa pagle-labour?
Pagle-labor talaga ang kadalasang kinatatakutan ng pregnant moms. Base kasi sa mga kuwento ito ang isa sa pinakamasasakit na mararanasan ng isang buntis.
Sinasabing mayroong 11 stations (-5 to +5) upang malaman kung mababa na ang tiyan ng buntis o malapit na sa iyong pelvis.
Ang pinakamataas na station umano sa ulat ng Healthline, ay kung ang ulo ng sanggol sa loob ng iyong sinapupunan ay nakapuwesto pa sa ibabaw ng iyong hips o balakang. Halimbawa, i-picture mo ito ng vertical scale na nasa zero ang gitna. Ito ang panahon o pagkakataon na ang iyong baby ay naka-engage na sa iyong midpelvis.
Habang papalapit ang iyong labor, pababa rin ng pababa si baby sa iyong birth canal.
5 signs paano malalaman kung mababa na ang tiyan ng buntis
Walang makakapagsabi kung kailan eksaktong bababa ang iyong baby. Hindi mo rin agad ito mararamdaman dahil dahan-dahan ang pangyayaring ito kaya mahirap talaga hulaan kung kailan darating ang labor.
5 signs paano malalaman kung mababa na ang tiyan ng buntis | Larawan mula sa iStock
Pero may mga sintomas na maaaring maramdaman ng ilang babae na magsasabing bumaba na si baby, at nalalapit na ang panahon ng labor.
1. Mas madali kang makakahinga.
Kapag bumaba na si baby, pumupuwesto ito malapit sa iyong pelvis. Dahil rito, nababawasan na ang pressure mula sa uterus papunta sa iyong diaphragm, kaya naman mapapansin mo na mas madali ka nang nakakahinga. Mas lumalaki na ang space para maayos na makapasok ang air sa iyong katawan.
Paliwanag ni Doc Becky,
“So ang nangyayari, mafe-feel ni mommy na parang bumababa yung top ng uterus ng by 2-3 centimeters. Tapos parang medyo mas nakakahinga na siya ng maluwag. Kasi mas mababa na yung excretion ng lungs kasi mas malaki na yung space.”
2. Mas matinding bigat sa iyong pelvis.
Kapag ang iyong baby ay nasa ibaba na ng iyong pelvis o malapit dito, maaari mong mapansin ang mas matindi na ang bigat na iyong nararamdaman sa parteng iyon ng iyong katawan. Dito na mas matindi ang pressure ng pwesto ni baby.
Dahil sa bigat o pressure na iyong nararamdaman, maaaring mag-iba at bumagal na rin ang iyong paglalakad. Pwede ring magkaroon ng tinatawag nilang pregnancy “waddle.” Kung saan mapapansin na para kang nagbabalanse ng bowling ball sa pagitan ng iyong mga hita sa tuwing maglalakad.
3. Mapapansin mo rin ang mas maraming discharge
Isang paraan para malaman kung mababa na ang tiyan ng buntis ay kung mas marami na ang kaniyang discharge. Sapagkat ang ulo ng baby sa loob ng iyong sinapupunan ay mababa na at dumidiin sa iyong pelvis. Nagiging dahilan ito para maglabas ang iyong katawan ng mas maraming discharge.
Makakatulong ito sa iyong cervix upang numipis at mag-dilate para magsimula sa pagle-labor. Kapag nangyari ito, unti-unti na ring matatanggal ang iyong mucus plug, na nagsisilbing harang sa cervical opening.
4. Madalas na pagpunta sa banyo.
Paano malalaman kung mababa na ang tiyan ng buntis at malapit na siyang manganak? Kung napapadalas na lalo ang kaniyang pag-ihi. Madalas naman na talagang umihi ang isang buntis na babae, pero kung bumababa na si baby mas dadagdag pa ang bilang ng pagpunta sa banyo.
Sapagkat ang ulo ng iyong baby ay nasa bandang ibaba na. Nadidiinan nito ang iyong pantog kaya dumadalas na ang iyong pagpunta sa banyo para umihi.
Sabi ng iba, kapag dumalas ang pagpunta mo sa banyo ng kada 10 segundo, malapit nang magwakas ang iyong pagbubuntis dahil malapit ka nang manganak.
5. Mas madali nang kumain
Ayon kay Doc Becky, isa sa mga senyales na mababa na ang tiyan ng buntis ay kung hindi na siya gaanong sinisikmura. Dahil nasa baba na si baby, nababawasan ang pressure sa tiyan mula sa uterus kaya nagiging mas madali ang kumain at kadalasan, nawawala na rin ang heartburn at acid reflux na laging idinadaing ng mga buntis.
Ganitong panahon na magandang kumain pa ng maraming healthy foods na makakatulong sa iyong panganaganak.
6. Nakakaramdam ka o nakakaranas ng pananakit sa iyong pelvis.
Ang isa sa mga kakaibang sintomas kung paano malalaman kung mababa na ang tiyan ng buntis ay pananakit ng iyong pelvic area. Dahil ito sa ulo ng iyong baby na nasa ibaba na at nagdudulot ng matinding pressure sa mga ligaments sa paligid ng iyong pelvis.
Maaari mo ring mapansin na nangyayari ito kapag may ginagawa kang kilos o posisyon. Pwede rin naman itong sumakit na lang bigla. Nangyayari ito kapag nag-a-adjust ang iyong baby sa kaniyang bagong posisyon sa loob ng iyong sinapupunan.
Tandaan, ang maliit na twinges ng pananakit sa iyong pelvis ay maaaring senyales ng baby dropping. Pero kung nakakaramdam ka ng regular o lagi-laging pananakit ng pelvis, at may kasamang iba pang sintomas tulad ng lagnat, bleeding o pagdurugo o fluid loss, ipagbigay-alam ito agad sa iyong doktor.
May iba’t ibang tips para tulungang bumaba ang tiyan ng buntis. | Larawan kuha mula sa iStock
May paraan ba para makaiwas sa pananakit ng pelvis na sanhi ng pagbaba ni baby
Walang paraan upang maiwasan ang lightening, kasama ito sa natural na paghahanda ng ating katawan sa labor. Ito ang sinasabi na kabilang sa challenges ng pagiging nanay.
Sa kabilang banda, maaari namang maibsan ang ilang pananakit kung susundin mo lang ang ilang paraan. Narito ang ilang mga bagay na maaaring subukan para mabawasan ang pananakait ng pelvis:
Magpalit ng puwesto
Upang mawala o maibsan ang pananakit, maaaring baguhin ang iyong posisyon para hindi mo maramdaman ang pressure sa iyong balakang. Maaari kang tumayo kung ikaw ay nakahiga o nakaupo.
Pagsuot ng belly support garment o belt
Makakatulong ito upang gumaan ang pressure na nararamdaman sa iyong pelvis.
Paalala, maaaring hindi ito mag-work sa inyo. Baka kailangan mo lang munang tiisin ang sakit hanggang sa manganak ka. Maaari ka ring magtanong sa iyong OB-GYN para makasiguro na normal ang pananakit na iyong nararamdaman.
Kung malapit na rin ang iyong due date sa iyong unang pagbubuntis at sa palagay mong hindi pa bumababa ang iyong tiyan. At wala pang nararamdamang mga sintomas ng lightening, kumonsulta sa iyong doktor para malaman ang lagay ng iyong baby.
Ayon kay Doc Becky, kapag hindi agad bumaba o nag-engage ang ulo ng sanggol, maari itong humantong sa cesarean delivery.
“Doon sa mga hindi nag-engage ang fetal head, three times higher ang cesarean section rate sa kanila. Kasi it’s a sign nga na medyo masikip ‘yung pelvic bones, o ‘yung birth canal mo. Bukod sa mas mataas ‘yung cesarean secion rate nila. ‘Yung mga unengaged heads, mas matataba ‘yung baby nila kaya nga hindi sila makababa at mas mababa yung APGAR score. Kaya di successful ang vaginal birth.” aniya.
Tips para bumaba ang tiyan ng buntis
Walang eksaktong data pa mula sa siyensiya ang nagsasabing may epektibo talagang bagay para sa baby dropping o pagpapababa ng baby. Sa kabilang banda, mayroon namang mga payo ang eksperto para mas madaling lumabas o bumaba si baby bago ka maglabour. Narito ang mga sumusunod:
Paglalakad
Narerelax ng paglakad ang pelvic muscles at nao-open ang iyong balakang. Natutulungan nito ang gravity para rin mas bumaba pa si baby.
Ito talaga ang ehersisyong makakatulong para bumuka ang hita at balakang. Maaaring gumamit ng birthing ball para matulungan ka na mamaintain ang squating position. Magtanong din sa iyong doktor ano ang iyong pwedeng gawin hinggil dito.
Pagtatry ng pelvic tilts
Narerelax nito ang lower back ng buntis.
Huwag magdalawang-isip na kumonsulta sa iyong doktor kung mayroon kang katanungan tungkol sa pagbaba ng iyong tiyan kapag buntis at sa nalalapit mong panganganak.
Karagdagang ulat mula kay Ange Villanueva
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!