Kapag buntis ang isang babae, doble ang pag-iingat na kailangan dahil hindi lamang sariling kaligtasan ang dapat ingatan kundi maging ang safety ng sanggol sa sinapupunan. Hindi maaaring basta na lamang uminom ng gamot kapag nagkasakit ang buntis dahil maaaring makasama ito sa sanggol sa tiyan. Ano nga ba ang mga gamot na pwedeng inumin ng buntis? Pwede ba ang suob sa buntis?
Ano ang suob o steam inhalation?
Isa ang pagsusuob o steam inhalation sa pinakakilalang home remedy para sa baradong ilong, sipon, at sinus infection. Tinatawag din itong steam therapy. Isinasagawa ito sa pamamagitan ng paglanghap ng water vapor or usok ng bagong kulong tubig.
Maaari ring lagyan ng asin ang pinakuluang tubig. Makatutulong ang moist air para matanggal ang bara sa nasal passages, lalamunan, at maging sa baga.
Hindi nito tuluyang napapagaling ang impeksyon na nagdudulot ng ubo at sipon pero makatutulong ito para maibsan ang sintomas tulad ng baradong ilong.
Bukod pa rito, nakatutulong din ito para gumaling ang pamamaga o inflammation sa mga blood vessels ng sinuses at maging maluwag ang nasal passages.
Maaari rin nitong mapanipis ang mucus o sipon sa sinuses. Dahil dito, mas magiging maayos ang paghinga sa kabila ng pagkakaroon ng ubo’t sipon.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Polina Tankilevitch
Paano magsuob?
Paano nga ba isagawa ang pagsusuob? Narito ang mga hakbang na maaari mong subukan:
- Magpakulo ng tubig.
- Isalin ang pinakuluang tubig sa isang bowl o palanggana.
- Magtalukbong ng kumot o towel habang nakapikit ang matang itinatapat ang mukha sa usok ng mainit na tubig. Tiyaking nasa 8 hanggang 12 inches ang layo ng mukha sa tubig. Huwag masyadong malapit dahil baka ikaw ay mapaso.
- Laghapin ang usok ng pinakuluang tubig nang hindi hihigit sa 15 minuto.
Mayroon din namang nabibiling electric steam inhaler o vaporizer sa mga drug store.
Suob para sa buntis: Pwede ba mag suob ang buntis?
Muli, mapapatanong ka kung pwede ba magsuob ang buntis dahil marami ngang mga bagay na hindi pwedeng gawin ang isang buntis para matiyak ang kaligtasan ng anak. Pero ang suob para sa buntis ay pwede.
Ayon sa website na Gurin at Healthline, maaari umanong lumanghap ng steam o magsuob ang buntis. Ang suob sa buntis ay isang epektibong paraan para gamutin ang sipon nang hindi na kailanganing uminom ng gamot.
Tiyakin lamang na nakapatong sa matibay na surface ang palangganang may pinakuluang tubig nang hindi ito matapon at magresulta ng pagkapaso.
Suob sa buntis
Ang suob sa buntis ang isa sa mga pinakamatandang home remedy para sa mga respiratory issue. Kapag nag suob sa buntis ang isang expectant mom, mapupunta ang steam sa kaniyang baga.
Kapag nasa lungs na ang steam ay magsi-circulate ito sa baga at sa katawan at maiibsan ang sipon at sama ng pakiramdam. Maaari ring lagyan ng asin ang suob sa buntis. Pwede ring subukan ang hot shower para gumaan-gaan ang pakiramdam at maibsan ang baradong ilong.
Ayon naman kay Doc Liza Ong sa kaniyang YouTube vlog, maaari umanong maglagay ng room humidifier para makatulong din na gumaling ang baradong ilong at maging maayos ang paghinga.
Pero tandaan, ayon sa Health Hub, hindi maaaring mag-sauna, steam room, o hot tub ang buntis dahil makapagpapataas ito ng tiyansa ng miscarriage o maaaring makunan ang buntis. Kung magsho-shower ng maligamgam na tubig, tiyaking hindi ito masyadong mainit.
Iba pang home remedy para sa sipon ng buntis
- Uminom ng maraming tubig
- Magpahinga
- Magmumog ng maligamgam na tubig na mayroong asin
- Saline nasal drops at sprays para maibsan ang baradong ilong
- Paglanghap ng humid air mula sa facial steamer, hot-mist vaporizer, o sa hot shower
- Pag-inom ng decaffeinated tea na mayroong lemon at honey
- Paggamit ng cold at hot packs para maibsan ang pananakit ng sinus.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Lisa Fotios
Gamot na pwedeng inumin ng buntis
Dahil sensitibong panahon nga ang pagbubuntis, limitado lamang ang gamot na pwedeng inumin ng buntis. May mga gamot kasi na makasasama para sa bata at posibleng maging dahilan para makunan si mommy.
Kaya naman, narito ang listahan ng mga gamot na ligtas para sa mga buntis na may sipon, ubo at lagnat. Bukod sa suob sa buntis mayroon pang ibang gamot na mabibili naman over-the-counter na maaari mong subukan.
Huwag na huwag din iinom ng aspirin bilang gamot sa buntis na may lagnat. Ang tanging ligtas na gamot sa nilalagnat na buntis ay paracetamol. Tiyaking sundin ang payo ng doktor tungkol sa gamot sa buntis na may lagnat. Muli, paracetamol lang ang ligtas na gamot sa nilalagnat na buntis.
Dagdag pa rito, ang mga gamot naman na pwedeng inumin ng buntis na may sipon ay ang Chlorpheniramine at Diphenhydramine. Kung mayroon namang ubo, maaaring uminom ng dextromethorphan at Guaifenesin.
Ayon pa Doc Liza, ito lamang umano ang mga dapat inumin kung buntis. Pero tandaan din na bago uminom ng gamot, hangga’t maaari ay kumonsulta muna sa inyong doktor.
Sa kabilang banda, kung mayroon ka namang sore throat o masakit ang lalamunan, maaaring uminom ng lemon juice na may processed honey. Puwede ring uminom ng salabat. Makakatulong din ang paghigop ng chicken soup kung may lagnat at sipon.
Samantala, ayon naman sa Healthline, pinapayo umano ng mga OB-GYN na iwasan ang ano mang gamot sa unang 12 linggo ng pagbubuntis.
Ito raw kasi ang kritikal na oras para sa development ng mga vital organs ng fetus sa sinapupunan. Kumonsulta muna sa doktor bago uminom ng ano mang gamot para matiyak ang kaligtasan niyo ni baby.
Bukod sa mga gamot na ipinayo ni Doc Liza Ong, narito pa ang ibang mga gamot na ligtas inumin matapos ang ika-12 linggo ng pregnancy, ayon sa Healthline:
- Nasal strips
- Cough drops
- Topical menthol
- Cough suppressants
- Calcium carbonate
- Acetaminophen para sa lagnat
- Plain cough syrup
Larawan mula sa Pexels kuha ni Andrea Piacquadio
Narito naman ang mga gamot na dapat iwasan at huwag na huwag iinumin kung ikaw ay buntis:
- Aspirin
- Ibuprofen tulad ng advil at motrin
- Naproxen
- Codeine
- Bactrim
Suob sa buntis: Paano maiiwasan ang ubo, sipon, at lagnat habang buntis?
Bukod sa pag-alam ng mga gamot sa buntis na nilalagnat, mahalaga rin na alamin kung paano nga ba maiiwasan na sipunin o trangkasuhin sa panahon ng pagbubuntis.
Mahirap umiwas sa sakit habang buntis dahil sa panahong ito ay mas mahina ang iyong immune system. Ngunit para matulungan ang iyong katawan sa paglaban sa mga viral o bacterial infections, narito ang mga dapat gawin:
- Ugaliin ang paghuhugas ng kamay
- Matulong nang sapat
- Kumain ng tama at masusustansyang pagkain
- Mag-ehersisyo. Itanong sa iyong doktor kung ano ang ehersisyo na angkop sa iyo.
- Iwasan ang ma-stress. Lalong hihina ang immune system kapag stress ang buntis.
- Lumayo muna sa mga kaibigan o kapamilya na mayroong sakit. Ito ay upang maiwasan ang pagkahawa.
Larawan mula sa Pexels kuha ni Polina Tankilevitch
Kailan dapat mabahala?
Kung common cold lang ang dahilan kung bakit ka may lagnat, sipon, at ubo, ay madali din naman itong gagaling sa pamamagitan ng mga nabanggit na paggamot. Pero kung flu o trangkaso ang dahilan ng lagnat, sipon, at ubo mahalagang kumonsulta sa inyong doktor.
Maaari kasing magdulot ng komplikasyon ang trangkaso at mapataas ang tiyansa ng premature delivery at birth defects sa iyong anak. Agad na kumonsulta sa doktor kapag nakararanas ng iba pang sintomas tulad ng mga sumusunod:
- Pagkahilo
- Pagdurugo ng ari
- Hirap sa paghinga
- Pananakit at pagsikip ng dibdib
- Matinding pagsusuka
- Mataas na lagnat na hindi bumababa kahit uminom ng gamot
Bakit mahalagang gamutin ang ubo at sipon kung ikaw ay buntis
Ang common cold ay viral infection na nakaaapekto sa ilong at lalamunan. Contagious ito, ibig sabihin, maaaring makahawa. Madali itong kumalat sa hangin o sa pamamagitan ng direct contact sa infected person.
Kung ikaw ay buntis, mas mahina ang iyong immune system kaya mas prone ka na magkaroon ng sipon at iba pang type ng infections.
Ang sipon habang buntis ay maaari maging sanhi ng iba’t ibang komplikasyon tulad ng pneumonia at bronchitis. Kaya mahalagang gamutin agad ang iyong sipon dahil ang prolonged illnesses at mataas na lagnat ay maaaring magdulot ng hindi magandang epekto sa developing fetus.
Kaya mommy, kung sinisipon, inuubo, o nilalagnat mabuting magpatingin sa iyong doktor. Lalo na kung hindi umubra ang mga nabanggit na home remedy.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!