Ayaw man natin o hindi, karaniwan nang karamdaman ng ating mga anak ang sipon, ubo, at pagbabara ng ilong. Paniwala natin, dulot ito ng labis-labis na pagpapawis at kalikutan. Napakalaking abala sa atin ng pagkakaroon ng baradong ilong, ano pa kaya kung sa mga anak natin ito mangyari? Mula kay dok, ano-ano nga ba ang gamot sa baradong ilong na maaari nating ipasubok sa ating mga chikiting? Halina at alamin!
Pagbabara ng ilong ng mga bata dulot ng sipon
Sa ating panayam kay Dr. Angelica Porcalla-Ferrer na isang pediatrician, binigyang-paliwanag niya ang pagbabara ng ilong na nararanasan ng mga bata, posibleng sanhi, at mga indikasyong maaaring mapuna sa ating mga anak.
Isa sa mga uri ng impeksyon sa upper respiratory tract ang sipon, habang reflex response naman ng katawan ng tao ang ubo upang tanggalin daluyan ng hangin o airways ang anumang nakabara, tulad ng plema, foreign body, dust, hangin, infectious particles, o allergens.
Iba’t ibang uri ng virus ang pinakatalamak na sanhi ng sipon at ubo. Maaari itong makuha mula sa direct hand contact sa taong maysakit o anumang kontaminadong bagay, o kaya’y masagap sa hanging apektado ng infectious particles mula sa pag-ubo o pagbahing ng (mga) taong may impeksyon.
Tulad sa matatanda, mapupuna sa mga batang nakararanas ng impeksyon ang mga sintomas na rhinorrhea o pagtulo ng sipon at nasal obstruction o baradong ilong. Nauuwi sa baradong ilong ang sipon dahil sa lalong dumaraming secretions sa loob ng respiratory tract ng bata. Sapagkat barado ang ilong, nagiging iritable ang bata. Nahihirapan itong huminga, hindi mapakali, at hirap magsalita, kumain, at makatulog nang maayos.
Gamot sa baradong ilong ng mga bata
Ang mga gamot sa baradong ilong at mga pamamaraang maaring isagawa para sa ikagagaan ng pakiramdam ng batang pasyente ay hindi naiiba sa pagsugpo ng sipon, ayon kay Dr. Porcalla-Ferrer.
“Ang doctor ay maaaring magbigay ng anti-histamine, decongestant o gamot para sa nebulization ngunit huwag po itong ibibigay ng walang payo ng doctor dahil ang mga naturang gamot ay may specific na paggamit at ang doktor ang magpapasya kung alin ang nararapat na ibigay para sa kaso ng inyong anak,” ayon pa rin kay dok.
Para sa mga batang walang ganang kumain dahil sa karamdaman, pinapayuhan ang mga magulang o tagapag-alagang huwag silang piloting kumain. Bagkus, patuloy lamang silang hainan ng iba-ibang masusustansiyang pagkain, at hayaang kumain nang kusa. Kaakibat nito, tiyaking nakaiinom palagi ng maraming tubig at iba-iba pang klase ng fluids ang bata, tulad ng gatas at katas ng sariwang prutas. Mahalaga ito upang matulungang mapalambot ang sipon at maiiwas sa dehydration ang batang maysakit.
Huwag nang ilabas ng bahay ang batang maysakit para hindi na ito makahawa pa sa iba. Laanan ng mahabang pagpapahinga ang katawan ng bata upang mapalakas ang kaniyang resistensiya.
Samantala, isang paalala mula kay Dr. Porcalla-Ferrer na kung may kasamang lagnat ang sipon at pagbabara ng ilong ang bata, agad nang dalhin sa pinakamalapit na doktor nang mabigyan ng karampatang gamot para sa nararanasang impeksyong may kasamang lagnat. Kaugnay nito ang pag-iwas sa pagpapainom ng anumang gamot na hindi ihinatol ng doktor nang makaiwas din sa maling dosage ng pag-inom.
Baradong ilong: Mga dapat gawin upang maiwasan ang paglala
Ayon kay Dr. Porcalla-Ferrer, mayroon pa rin namang mga preventive measures para maagapan ang anumang impeksyon sa upper respiratory tract na nararanasan ng mga bata.
- Ugaliing maghugas ng kamay, lalo na kung nanggaling sa paglalaro ang bata. Sa ganitong paraan, naiiwasang maipagpalipat-lipat ang mga virus na posibleng nakukuha sa paligid.
- Maging likas na bahagi ng pang-araw-araw na diet ang pag-inom ng maraming tubig at iba pang oral fluids.
- Uminom ng vitamins para sa ikalalakas ng immune system ng katawan.
Samantala, nagbabala naman si dok na ang napabayaang ubo at sipon ay maaaring mauwi sa pneumonia. Ilan sa mga sintomas ng paglala ng baradong ilong, sipon, at ubo ang mabilis na paghinga ng bata, lumalaking butas ng ilom o kaya nama’y malalim na paghinga, walang lakas, at nangingitim ang katawan. Ang ganitong kaso ay nangangailangan ng agarang gamutan, karaniwan ang antibiotics.
Source:
Contained in the article were information details based on written communications with pediatrician Dr. Angelica Porcalla-Ferrer of Blessed Angels Pediatric and Medical Clinic.
Basahin: #AskDok: Ano ang gamot para sa baradong ilong dahil sa sipon?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!