Kilala siya bilang isang komedyante sa TV at pelikula, pero sa totoong buhay siya ay isang huwarang ama. Kilalanin si Ogie Diaz bilang isang family man.
Mababasa sa artikulong ito:
- Paano nagkakilala si Ogie Diaz at ang ina ng kaniyang mga anak
- Ogie Diaz bilang isang family man
- Mga pagsubok niya bilang isang ama
Para sa karamihan, ang karaniwang imahe ng isang ama ay isang lalaking matipuno at malakas na masasandalan mo anumang oras. Kapag narinig naman ang salitang bakla, paniniwala ng iba ay wala itong kakayanang maging isang ama.
Pero pinatunayan ni Ogie Diaz na sa kabila ng pagiging gay, kaya pa rin niyang panindigan ang pagiging mabuting tatay.
Sa Father’s Day at Pride month special ng YouTube vlog ng broadcaster na si Karen Davila, ipinasilip ni Ogie ang kaniyang tahanan at ang kaniyang buhay kasama ang kaniyang partner at limang anak.
Mas kilala siya bilang isang magaling na komedyante sa TV at pelikula, at isang miyembro ng LGBTQ community, pero sa kanilang tahanan, siya pala ay isang strikto pero mapagmahal na tatay.
Paano nagsimula ang kanilang pamilya
Larawan mula sa Instagram account ni Ogie Diaz.
Sa vlog, ikinuwento ni Ogie kung paano niya nakilala ang nanay ng kaniyang mga anak na si Sowl.
Nagkakilala sila umano sa isang gay bar kung saan madalas mag-perform si Ogie. Bagama’t hindi talaga attracted si Ogie sa mga miyembro ng opposite sex, naging malapit pa rin sila ni Sowl. Nahumaling naman ang babae kay Ogie dahil sa ugali nitong pagiging protective at maalaga sa kaniya.
Kuwento ni Sowl
“Naramdaman ko sa kaniya ‘yong pagiging family man. Sabi ko, ‘Ay, eto na ‘yon.”
Pero bago pa magsama ang dalawa, siniguro muna ni Ogie sa sarili kung tama ba ang papasukin niya na makipagrelasyon sa isang babae.
“Inaalam ko pa sa sarili ko, ‘Ano ba itong dumarating sa akin? Lumalapit ako sa guys pero ayaw naman nila, pero mayroon babae na may gusto sa akin.”
Pero naalala rin ng komedyante ang lagi niyang sinasabi sa kaniyang nanay noon na gusto niyang mag-ampon at magkaroon ng sariling pamilya.
Naalala niya ang mga ibang kaibigan sa gay community na tumandang mag-isa dahil iniwan sila ng kanilang mga kinakasama. Wala silang matawag na kanila.
Kaya sa kabila ng mga unang agam-agam, nangibabaw pa rin kay Ogie ang kaniyang pangarap na magkaroon ng sariling pamilya.
“Kasi gusto ko, pamilya.” aniya.
Nagsama sila ni Sowl ay biniyayaan ng 5 anak na puro babae.
Ogie Diaz bilang family man
Gaya ng ibang ama, mayroon ding mga pagsubok na pinagdaanan at pinagdaraanan si Ogie. Pero nagawa niyang pagtagumpayan ang mga ito.
Ang kaniyang panganay na si Erin ay nagdesisyong huminto ng pag-aaral dahil sa pambu-bully na natamo nito. Pero anong naging reaksyon ni Daddy Ogie rito?
“Noong huminto ‘yan, pinagdesisyon ko siya, sabi ko, ‘Happy ka ba na hihinto ka sa pag-aaral?’ Sabi niya, ‘Yes, dad.’
Sinabi ko sa kaniya, ‘Kapag naramdaman mo nang gusto mo nang bumalik, let me know.’ Kasi importante sa akin ang mental health ng bata ngayon.” kuwento niya.
Ang bunso naman nilang si Meerah ay na-diagnose na may global development disorder at nangangailangan ng therapy.
Kuwento ni Sowl, ipinanganak na premature si Meerah at 25 weeks. Kaya naman tinuturing nilang isang blessing na nabuhay siya at lumaki.
Larawan mula sa Instagram account ni Ogie Diaz.
“25 weeks siya noong ipanganak ko, kaya expected na namin na kung mabubuhay siya, magkakaroon siya ng kondisyon.”
“Priority na lang namin noon ay ang mabuhay siya.” sabi ni Ogie.
Pero paniniwala nila Ogie at Sowl, si Meerah ang nagbibigay ng kulay sa buhay nilang pamilya.
“Actually siya ‘yong life of the family.” ani Ogie.
BASAHIN:
Ogie Diaz, inalala ang pinagdaanan ng premature na anak
Now that I’m a father, I’ve turned into my mother!
Jolina, nagbigay ng tips sa pag-iwas sa depression at bullying sa mga kabataan
Kuwento ni Sowl, strikto si Ogie pagdating sa kaniyang mga anak. Pero nang dumating ang pandemya, naging mas maluwag siya sa kanila.
Sa katunayan, pagdating ng pandemya, hinikayat niya ang mga anak na mag-vlog at gumawa ng mga bagay na kapaki-pakinabang kaysa sa malungkot. Sabi pa ni Ogie,
“‘Yong pandemyang ito, ginawa namin siyang kapaki-pakinabang. Kaysa manlumo kami dahil wala kaming magawa sa buhay kundi manahimik lang dito, sila rin gumagawa ng paraan para makalimot sa dulot ng pandemyang ito.”
Naging mas malapit rin ang kanilang pamilya dahil dito.
Mga anak at asawa ni Ogie. | Larawan mula sa Instagram account ni Ogie Diaz.
“Basta gusto ko, happy kayo.” sabi ni Ogie sa kanilang mga anak. “Pero kapag nag-stop kayo, wala kayong gadgets, at gagawa kayo ng mga tasks sa bahay.”
“Daddy niyo bading”
Paano naman ipinaliwanag ni Ogie ang kakaibang setup nila sa kanilang mga anak?
“Hindi na issue,” sabi ng mag-asawa.
Tanggap naman nila ito nang maluwag. Pero mayroong pagkakataon na nasabihan ang kanilang mga anak na “Daddy mo pala bading.”
Ngunit sa halip na malungkot o magalit si Ogie, idinaan na lang niya sa biro ang pagpapaliwanag sa kaniyang mga anak.
Larawan mula sa Instagram account ni Ogie Diaz.
“Pinaliwanag ko ‘yon sa kanila. Hindi naman sila nahe-hurt, pero naririnig lang nila. Sabi ko, huwag kayong ma-hurt kapag sinabi nika, ‘Daddy niyo bading.’ Ma-hurt kayo kapag sinabi nila, ‘Daddy niyo tomboy.'” pabirong sabi ni Ogie.
Aminado naman siyang hindi siya perpektong asawa o ama, pero pinagsisikapan ni Ogie na gawin ang kaniyang makakaya.
“Kasi iba na ang sistema ng kabataan noong araw sa kabataan ngayon. So tayo dapat ang nag-aadjust sa mga bata,” sabi ni Ogie.
Tinanong din si Ogie kung masasabi bang gay siya at attracted pa rin ba siya sa mga lalaki. Oo ang sagot niya sa mga ito. Subalit para sa kaniya,
“Mas bakla ‘yong mga hindi humaharap sa responsibilidad.”
Hindi man siya ang tipikal na mukha ng isang ama, walang makakatanggi na si Ogie Diaz ay isang family man na dapat tularan.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!