Para sa maraming mag-asawa, ang oral sex ay isang paraan upang ibalik ang init sa kanilang pagsasama. Ngunit ayon sa isang pag-aaral, posible raw makakuha ng HPV dito ang mga lalake, na nagiging sanhi naman ng esophageal cancer.
Ano ang kinalaman ng HPV sa oral sex?
Ang HPV, o human papillomavirus ay isang uri ng sexually transmitted disease. Ito ay isang virus na madalas ay walang masamang epekto sa katawan. Ngunit may mga uri ng HPV na posibleng maging sanhi ng genital warts, pati na rin ng kanser.
Alam na ng mga doktor na nakukuha ito sa pakikipagtalik, pero posible din pala itong makuha sa oral na pakikipagtalik.
Ito ay kapag ang isang babaeng may HPV ay binigyan ng oral sex ng isang lalake, may posibilidad na mahawa ng HPV ang lalaki sa kaniyang lalamunan.
Kapag napabayaan, posible itong maging sanhi ng iba’t-ibang uri ng kanser, kasama na ang esophageal cancer.
Mas mapanganib ang oral na pakikipagtalik sa mga lalake dahil mas kayang labanan ng vagina at ng mga babae ang virus kumpara sa mga lalake.
Ayon kay Professor Shan Rajendra mula sa Ingham Institute, mas mataas ang panganib para sa mga lalakeng nagkaroon na ng maraming oral sex partners.
Pero dagdag din ni Professor Rajendra na kumpara sa mga nagkaroon ng esophageal cancer mula sa alak at sigarilyo, mas madaling gamutin ang kanser mula sa HPV.
Dapat ba umiwas sa ganitong uri ng pakikipagtalik?
Maraming paraan upang maging ligtas sa oral sex.
Hindi naman nito ibig sabihin na dapat iwasan ang oral na pakikipagtalik, lalo na kung nakakatulong ito sa inyong mag-asawa. Puwede namang mag-ingat at gumamit ng tinatawag na dental dam.
Ang dental dam ay kadalasang ginagamit ng mga dentista, pero nagagamit din ito sa pakikipagtalik. Ito ay manipis na goma na ginagamit upang hindi magkaroon ng skin-to-skin contact sa oral na pakikipagtalik. Para itong condom na nagagamit sa bibig.
Bukod dito, mabuti ring magpa-test sa HPV upang malaman kung mayroon ka ba nito. Sa mga kababaihan, puwede itong isabay sa pagkuha ng pap smear sa OB-GYN.
Ngunit sa mga lalake, wala pang siguradong paraan upang ma-test ang HPV. Kaya’t mas mabuti ang maging maingat at iwasan ang pagkakaroon ng iba’t-ibang mga sex partners.
Source: The Sun
Basahin: 15 oral sex tips para sa mag-asawa
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!