Ang isa sa pinaka-inaabangang pangyayari ng mga magulang ay ang pagpaanganak ng kanilang anak. Siyempre, walang tatalo sa pakiramdam na buhat-buhat mo ang iyong pinakamamahal na sanggol. Ngunit paano kung pagbuhat mo, ay nabali ang mga buto ng iyong anak? Ito ang panganib na kaakibat ng karamdaman na kung tawagin ay osteogenesis imperfecta.
Osteogenesis imperfecta: Ano ang sakit na ito?
Ang inang si Loni Osborne ay tuwang-tuwa nang malaman niyang siya ay nagdadalang-tao. Ito ay dahil inakala ni Loni na hindi na siya magkakaanak, at nahirapan silang buuin ng kaniyang asawa si Baby Theo.
Ngunit pagkatapos ng isa niyang checkup, nagulat siya sa sinabi sa kaniya ng doktor. Ayon sa doktor, mayroon daw kondisyong osteogenesis imperfecta ang kanyang dinadalang sanggol. Ito rin ay tinatawag na “brittle bone disease” kung saan madaling nababali ang mga buto ng isang sanggol.
Nirekomenda ng doktor na ipalaglag ni Loni ang kaniyang sanggol, dahil posible raw na mamatay ang sanggol sa sinapupunan, at kung mabuhay man ito, mahirap ang kaniyang magiging buhay.
Ngunit dahil sa pagmamahal ni Loni sa anak, nagdesisyon siyang ipagpatuloy ang pagbubuntis, kahit na may panganib itong kasama.
Nabali na agad ang mga buto ni Theo sa sinapupunan pa lamang
Dahil sa kondisyon ni Theo, sa sinapupunan pa lamang ay marami na siyang pinagdaanan. Noong una raw ay nahirapan ang mga ultrasound technician na makita ang kaniyang mga kamay at paa, dahil parang may kakaiba raw dito.
Yung pala, kaya sila nahihirapan ay dahil nabali na ang mga buto ni Theo. Dahil dito, naging maliit ang kaniyang ribcage, at mayroon siyang bowed na mga binti. May bali rin daw ang kaniyang mga kamay dahil sa kaniyang karamdaman.
Bagama’t mababa ang posibilidad na maipanganak si Theo, napagtagumpayan niya ito at naipanganak rin siya. Yun nga lang, marami pa ring baling mga buto si Theo, at hindi madali ang pag-aalaga sa kaniya.
Sabi ni Loni na kailangan daw nilang maging sobrang maingat kay Theo. Ito ay dahil ang simpleng pagbuhat sa bata, o kaya ang pagsuot sa kaniya ng damit ay posibleng mabali ang kaniyang mga buto. Ganoon kahina ang mga buto ni Theo dahil sa kaniyang kondisyon.
Dagdag pa niya, minsan raw ay nabalian ng buto si Theo dahil lamang sa pagbahing. Tatlong beses raw ito nangyari sa sanggol.
Bagama’t mahirap, umaasa ang mga magulang ni Theo na magiging maayos ang paglaki ng kanilang anak. Nagplano na sila na ipa-therapy si Theo paglaki, upang matuto siyang alagaan ang kaniyang katawan.
Bukod dito, pinipili rin nila ang kaniyang mga kinakain, at sinisigurado nilang mapapalakas ang katawan ni Theo habang ito ay lumalaki.
Ayon kay Loni, alam nilang hindi magiging simple ang buhay ni Theo, ngunit gusto nilang ibigay ang lahat para maramdaman ni Theo ang magandang buhay.
Sana nga ay bumuti na ang lagay ni Theo, at makatulong ang kaniyang mga therapy upang magkaroon siya ng mabuting kinabukasan.
Source: i News
Basahin: Sanggol patay matapos mahawa sa sakit na meningitis