Para sa maraming ina, malaking bagay sa kanila ang pagpapapayat matapos nilang manganak. Siyempre, gusto nilang maging fit at healthy para sa kanilang anak, at para na rin sa sarili. Kaya’t ganun na lang ang pagtataka ng isang ina nang hindi pa rin lumiliit ang tiyan niya kahit na todo ang kaniyang exercise. Hindi niya lubos akalain na ito pala ay dulot ng bukol sa tiyan na kung tawagin ay ovarian new growth.
Ina, nagkaroon ng ovarian new growth matapos manganak
Sa isang Facebook post, ibinahagi ng mommy na si Leenzae Flores Manalo ang kaniyang kuwento.
Noong July 25, 2017 raw ay ipinanganak niya ang kanilang anak na si Gab. Napansin ni Leenzae na tila hindi raw lumiliit ang kaniyang tiyan, ngunit akala niya na normal lang ito kasi nasa bahay lang siya at nag-aalaga ng baby.
Paglaon ay sinubukan rin ni Leenzae na mag-exercise tulad ng pagsasayaw, jogging, at pagpunta sa gym, upang magpapayat. Ngunit nagtataka pa rin siya na kahit pumapayat siya, hindi pa rin daw lumiliit ang tiyan niya. Dahil wala siyang kakaibang nararamdaman, hinayaan lang ito ni Leenzae.
Noong March 6 ay nagpunta raw silang pamilya sa health center upang pabakunahan ang anak na si Gab. Matapos raw ang vaccination ay napansin ng nagturok kay Gab na parang malaki raw ang tiyan niya. Gusto raw niyang ipa-test si Leenzae, dahil baka raw siya nagbubuntis. Dahil confident siya na hindi siya nagdadalang-tao, pumayag si Leenzae.
Nagulat na lang siya nang sinabing mayroong naririnig na heartbeat sa loob ng kaniyang tiyan. Nang pumunta sila sa ultrasound, ay sinabi sa kanila na hindi raw pala nagbubuntis si Leenzae. Isang malaking bukol pala ang nasa loob ng tiyan niya.
Halos kasinglaki na ng volleyball ang bukol sa tiyan niya
Dagdag pa ni Leenzae, sinabi raw ng OB-GYN sa clinic na kinakailangan agad tanggalin ang bukol sa tiyan niya. Aniya, “sobrang laki na kase nung bukol measuring 23cm x 19.30 x 15.45 halos kasing laki na daw ng bola ng volleyball delikado na baka pumutok kaya pinagbawalan nakong magbuhat at magbreastfeed, sinunod ko naman.”
Nang marinig ang balitang ito, naisipan ni Leenzae na humingi ng second opinion mula sa ibang doktor. Kuwento niya, inakala rin ng bagong doktor na buntis siya, kaya’t humingi ito ng pregnancy test sa kaniya. Nang lumabas na negative ang resulta, na-confirm na mayroon nga siyang bukol sa tiyan.
Dali-daling nagsagawa ng mga test upang malaman kung cancerous ba ang kaniyang bukol o hindi. At sa kabutihang palad ay hindi naman raw ito cancerous. Ngunit kinakailangan pa rin siyang operahan upang matanggal ang bukol sa tiyan.
Naging mabilis naman raw ang operasyon kay Leenzae, at maayos na natanggal ng mga doktor ang bukol sa tiyan niya. Dito, napag-alaman ni Leenzae na ang kondisyon raw niya ay tinatawag na ovarian new growth.
Nais niya na makatulong at magbigay ng impormasyon sa ibang mga ina tungkol sa ganitong karamdaman. Mahalaga raw na huwag balewalain ng mga ina ang kanilang nararamdaman, at magpakonsulta agad sa mga doktor.
Ovarian new growth: Ano ang kondisyon na ito?
Ang ovarian new growth, o ONG kung tawagin ay isang uri ng cyst o bukol sa ovary. Madalas ay maliliit lang ang mga cysts na ito, ngunit posible rin itong lumaki, lalo na kung hindi agad magamot o kaya matanggal.
Karamihan ng mga ovarian cysts o ONG ay hindi naman mapanganib. Madalas nga ay hindi namamalayan ng mga ina na mayroon silang mga ovarian cysts.
Karaniwan nang nawawala ng kusa ang mga ovarian cysts. Ngunit mayroong mga pagkakataon na nagtutuloy-tuloy lang sa paglaki ang mga cysts, tulad ng nangyari kay Leenzae.
Heto ang ilang mga sintomas na dapat alamin ng mga ina:
- Pananakit sa tiyan o abdomen.
- Pagkakaroon ng mabigat o parang masikip na pakiramdam sa tiyan.
- Pagkakaroon ng bloating o pamamaga o paglaki ng tiyan.
Kung nakakaranas ka ng ganitong mga sintomas, mahalagang magpakonsulta sa doktor. Ito ay dahil bagama’t hindi nakamamatay ang cyst, may posibilidad na ito ay maging cancerous.
Importante na maagapan agad ang ganitong mga kondisyon, at huwag itong balewalain.
Basahin: Woman had surgery to remove massive 26kg ovarian cyst