Paano aalagaan si baby positibo sa COVID-19? Narito ang mga dapat mong gawin at tandaan ayon sa mga eksperto.
COVID-19 sa mga baby
Patuloy na nadagdagan ang biktima ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa kasalukuyan ay mayroon na ngang naitalang 11,618 positibong kaso ng sakit sa bansa. Ilan sa mga ito ay mga sanggol na nahawa sa mga matatanda na kanilang nakasalimuha. Kaya naman paalala ng mga eksperto, maliban sa pag-iingat na ating ginagawa upang hindi mahawa sa sakit, kailangan rin ay alam natin ang ating dapat gawin sa oras na ma-infect tayo nito ng hindi natin inaakala. Lalo na kung ang mahahawaan ng sakit ay isang bata o sanggol na hindi pa kayang makapagsabi ng kaniyang nararamdaman.
Ayon sa mga pag-aaral, hindi kasing lala ng nararanasan ng mga matatanda ang sintomas ng COVID-19 na makikita sa mga sanggol o bata. Kaya naman ipinapayo ng mga doktor na kung hindi naman seryoso ang kanilang kalagayan ay mas mabuting sa bahay nalang sila magpagaling o mag-home quarantine. Sa ganitong paraan, ay makakaiwas sila na mahawa sa iba pang sakit. Ang kailangan lang ay magkaroon ng sapat na kaalaman ang isang magulang o guardian sa tamang paraan kung paano aalagaan si baby positibo sa COVID-19. At ang mga ito ay ang sumusunod:
Paano aalagaan si baby positibo sa COVID-19?
I-self quarantine o isolate si baby.
Ang unang bagay na dapat mong gawin kung si baby ay nag-positibo sa COVID-19 ay ang i-isolate siya sa iba pang miyembro ng inyong pamilya. Ito ay upang hindi niya na maihawa ang virus sa iba. Hangga’t maari ay ihiwalay muna siya o kaya naman ay limitahan ang mga interactions sa kaniya.
Painumin siya ng gamot na may preskripsyon ng doktor.
Habang naka-isolate si baby ay dapat malunasan ng tama ang kaniyang sakit. Bagamat sa ngayon ay wala pang natutuklasang gamot o lunas para dito. Ang tanging magagawa lang ay matulungan siyang maibsan ang sintomas ng COVID-19 na nagpapahirap sa kaniya. Tulad nalang ng lagnat na malulunasan sa pamamagitan ng pag-inom ng fever-reducing medications.
Pero ayon kay Dr. Danielle Fisher, isang pediatrician mula sa California, kaysa painumin ng ibuprofen ay mas inirerekumenda niya ang acetaminophen tulad ng Tylenol para sa lagnat ng sanggol. Dahil may mga case reports umano ng mga pasyente ng COVID-19 ang lumala ang kondisyon ng makainom ng ibuprofen.
Dagdag pa niya, dapat ay sumunod rin sa tamang dosing instructions ng pagpainom ng gamot sa sanggol. At ito ay kailangang may reseta mula sa doktor lalo na kung ang sanggol ay wala pang dalawang buwan.
Kung si baby naman ay higit sa isang taong gulang na, makakatulong ang pagpaiinom ng isang kutsaritang honey para maibsan ang ubo niya. Gawin ito ng maraming beses sa loob ng isang araw.
Mahigpit na paalala ni Dr. Fisher, hindi ligtas na ipainom ang honey sa mga sanggol na wala pang isang taong gulang. Dahil hindi pa kakayanin ng kanilang tiyan ang mga bacteriang taglay nito na maaring mauwi sa botulism.
Habang para naman sa congestion, payo ni Dr. Fisher makakatulong ang paggamit ng humidifier para lumuwag ang kaniyang paghinga.
Siguraduhing properly hydrated si baby.
Dapat ay siguraduhin ring properly hydrated si baby. Kung siya ay wala pang isang taong gulang bigyan lang siya ng breastmilk o formula milk. Kung siya ay higit sa isang taong gulang na kahit anong liquid ay pupuwede na.
Hindi rin dapat mag-alala kung hindi kumakain ng maayos ang iyong anak. Ang mahalaga ay umiinom siya ng sapat na liquid na kailangan niya.
“If they’re drinking okay, that’s all they need to do,” pahayag ni Dr. Fisher.
Dagdag paalala ng mga eksperto para mga breastfeeding mommies, mas mabuting sa tuwing papasusuin si baby ay maghugas muna ng kamay. Upang masiguro na ito ay hindi nagtataglay ng iba pang germs o viruses na maaring mas magpapala ng kaniyang kondisyon.
Ipinapayo rin nila na mahalaga ang sustansyang nagmumula sa gatas ng ina. Dahil sa ito ay makakatulong sa paglaban at mabilis na paggaling ni baby mula sa sakit.
Agad na ipaalam sa iyong doktor kung magpakita ng iba pang sintomas si baby.
Dagdag na paalala ni Dr. Fisher sa oras na magpakita na iba pang sintomas ng sakit ang isang sanggol ay dapat na ipaalam ito agad sa iyong doktor. Tulad nalang ng pagiging irritable sa loob ng tatlong oras o higit pa. Mataas na lagnat na aabot sa 100.4ºF o higit pa para sa mga baby na 3 months old pababa. At lagnat na aabot sa 101. 5º F o higt pa para sa mga baby na 3 months old pataas.
Dapat ring agad na ipaalam sa iyong doktor kung si baby ay mukhang nanghihina o nahihirapang huminga. Dahil ito ay dapat agad ng maagapan upang hindi na lumala ang nararamdaman niya.
Samantala, ang mga palatandaan naman na unti-unti ng bumubuti ang kondisyon ni baby at maari na siyang makipag-interact sa inyong pamilya ay ang sumusunod:
- Kawalan ng lagnat sa loob ng 72 oras o higit pa.
- Hindi na siya nagpapakita ng sintomas ng sakit.
- Lumipas na ang 7 araw matapos unang magpakita ng sintomas ng sakit si baby.
Source:
What To Expect
Basahin:
Breastfeeding habang may COVID-19: Wash your breast and wear mask
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!