Ayon sa pagsasaliksik ng JAMA Pediatrics, isang buwanang peer-reviewed medical journal na inilathala ng American Medical Association tungkol sa mga pediatric issues, mahalaga ang paggamit ng moisturisers para sa mga sanggol upang mabigyan ng proteksiyon laban sa rashes at pangangati sanhi ng eczema.
Ano ang eczema?
Ito ay isang karaniwang sakit sa balat na makati dahil sa sobrang tuyo ng balat. Kapag malala na dahil sa labis na pagkamot, nagsusugat ito at nagtutubig. Walang agarang gamot para dito, at maaaring pabalik-balik ito dahil nas dugo ito. Ang makakatulong ay ang patuloy na pangangalaga sa panniniguro na hindi ito matutuyo, para hindi lumubha ang pangangati.
Walang nakakaalam ng sanhi ng eczema, bagamat may koneksyion ito sa allergies at asthma. Hindi man ito maituturing na allergic reaction, posibleng mapalala ito ng ilang mga common allergens. Kung may eczema, payo ni Dr. Carolyn Jean Chua-Aguilera, MD, isang dermatologist, dapat iwasan ang mga sabon na matapang ang pabango, makeup at pabango, pati na sabong panlaba na matapang din ang amoy dahil ang mga ito ay maaaring makapagpalala ng sintomas. Pwede ring maging trigger ang stress, pawis, at pagpapalit ng temperatura o panahon.
Ang “magic” ng petroleum jelly
Hindi madaling labanan ang eczema. Pangunahing proteksiyon ng maselang balat ng isang baby ang pagpapahid ng moisturiser araw-araw. Ito ang makakatulong para hindi magkaron ng makati, nagbabalat at tuyong patse-patse sa balat, na sintomas ng eczema, ayon kay Dr. Dawn Davis, MD, dermatologist at pediatrician ng Mayo Clinic. “Sinasara” daw kasi ng moisturizer ang balat ni baby para hindi mapasok ng mga bagay sa kapaligiran na nagiging sanhi ng inflammation. May mga nirereseta ding topical hydrocortisone creams na epektibo para sa mga malalang kaso ng eczema.
Petroleum jelly ang isa sa pinakaepektibong panlaban sa eczema ng isang sanggol, lalo na sa unang 6 na buwan. Sa dalawang pag-aaral na ginawa sa mga sanggol na bagong panganak na may genetic history ng atopic dermatitis, napatunayan na ang pagpapahid ng petroleum jelly sa balat ay nakatulong na mapuksa ang eczema. Mayron kasing occlusive formula na kinukulong ang moisture sa loob ng balat at tumutulong sa natural regeneration process nito. Solusyon ito sa panunuyo ng balat na sadyang makati.
Sa Northwestern University Feinberg School of Medicine sa U.S., pinag-aralan ng mga scientists ang 7 pinaka-karaniwang moisturizer na binebenta sa mga botika ngayon, at natukoy nila na petroleum jelly ang pinakamura at pinaka-epektibo; sunod lamang ang sunflower oil.
Paliwanag pa ni Dr. Davis, ang petroleum jelly ay hindi “gamot” na tahasang nakakapagpagaling sa eczema. Bagkus, ito ay nakakatulong na protektahan, maibsan ang pangangati at makumpuni ang tuyong balat.
*Ang laman ng artikulong ito ay para lamang sa pagbibigay ng impormasyon, at hindi naglalayong magbigay ng medical advice.
SOURCES: MayoClinic; Dr. Dawn Davis, MD, dermatologist at pediatrician ng Mayo Clinic; Dr. Carolyn Jean Chua-Aguilera, MD, dermatologist ng St. Luke’s Hospital
Basahin: Breastfeeding can potentially lower the risk of eczema in children
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!