Paano baguhin ang masamang ugali ng bata na pagsigaw? Alamin rito.
Mababasa sa artikulong ito:
- Bakit laging sumisigaw ang aking anak?
- Paano baguhin ang masamang ugaling ito?
Habang lumalaki ang ating mga anak, mayroon silang mga naipapakitang ugali o kilos na hindi natin nagugustuhan. Isa na rito ang pagdadabog at madalas na pagsigaw. At maaga pa lang ay dapat nang matigil ang ganitong hindi magandang pag-uugali.
Bilang magulang, kailangan talaga natin ng mahabang pasensya pagdating sa mga tantrums ng ating anak. Lalo na sa mga bata na mahilig sumigaw at umiyak kapag hindi nakukuha ang kanilang gusto!
Bakit parating sumisigaw ang aking anak?
Bago tayo magalit, dapat ay alamin rin natin ang dahilan kung bakit nakaugalian na ng bata ang pagsigaw.
Mayroon bang tao sa kaniyang paligid na mahilig sumigaw? Paano ba mag-usap ang matatanda sa loob ng bahay? Kahit pabiro, maari itong ma-misinterpret ng bata at gayahin ito.
Kung wala naman, baka mayroon siyang nakitang sumisigaw sa mga palabas na kaniyang pinapanood?
Posible rin na sinusubukan niyang i-explore ang kapangyarihan ng kaniyang boses – mula sa mahina, pwede pala niya itong palakasin. Kaya nae-excite siya na marinig ang kaniyang boses at sumigaw. Hindi niya naman alam na naaapektuhan pala ang mga tao sa paligid niya.
Puwede rin naman na nakikita niya ang “magandang” epekto ng kaniyang pagsigaw. Halimbawa, kung siya ay sisigaw, makukuha niya ang atensyon nila Mommy at Daddy. Kapag sumigaw siya, ibibigay agad ang hinihingi niya.
Dahil bata pa sila, hindi pa nila lubos naiintindihan kung bakit hindi katanggap-tanggap ang ganitong paraan ng pakikipag-usap. Pero bilang mga magulang nila, responsibilidad natin na ipaliwanag ito sa kanila.
Mahilig sumigaw ang anak ko – paano baguhin ang masamang ugali na ito?
Nakakainis talaga kapag naririnig nating sumisigaw ang ating anak. Ito ay hindi tama at hindi nila dapat makasanayan. Pero paano nga ba babaguhin ang masamang ugaling ito? Subukan ang mga tips na ito:
1. Kausapin siya nang maayos at mahinahon.
Kung gusto mong tumigil sa pagsigaw ang iyong anak, ang unang bagay na dapat nating gawin ay itigil rin ang pagsigaw sa kaniya, at maging sa ibang tao. Tandaan, tayo ang unang role models ng ating mga anak.
Ayon rin sa isang sikat na kasabihan ni Peggy O’Mara, “How we talk to our child becomes their inner voice.”
Maging mahinahon ka sa pakikipag-usap sa kaniya at sa ibang tao sa inyong paligid. Kapag nakita ito ng iyong anak, gagayahin niya ito.
Kaya naman kapag narinig mo nang sumisigaw ang iyong anak, iwasang sigawan siya pabalik, Aakalain ng bata na isa itong laro at lalo lang niyang lalakasan ang kaniyang pagsigaw.
2. Purihin siya kapag nagsalita siya nang maayos.
Kailangan ng mga bata ng benchmark o sukatan ng tama at maling pag-uugali. Kaya naman habang maaga ay turuan na siya ng good manners and right conduct. Ipaintindi sa kaniya kung ano ang dapat at hindi dapat gawin. Mula rito, malalaman niya kung ano magandang paraan ng pakikipag-usap.
Pero paano nga ba niya malalaman ito? Isang paraan ay ang purihin siya kapag siya ay magalang sa pakikipag-usap.
Ayon sa mga pag-aaral, ang praise o pagbibigay ng papuri sa magandang pag-uugali ay isang mabisang paraan para mahikayat ang bata na gumawa ng mabuti.
Gusto ng ating anak na matuwa tayo o maging proud tayo sa kaniya kaya pananatiliin niyang gawin ito, at gagawin niya ito nang mas madalas.
3. Huwag mong ibigay ang gusto kapag sumisigaw siya.
Kapag pasigaw na humingi ng tubig ang iyong anak, huwag mo siyang pansinin. Huwag mong ibigay ang gusto niya. Dahil makakasanayan niya ito. Iisipin niya na kapag sumigaw siya, makukuha niya ang gusto niya. Dapat baguhin ang ganitong mindset.
Ipaalam mo sa bata na hindi niya makukuha ang gusto niya sa pagsigaw. Ipaulit sa kaniya ang kaniyang request pero kailangan niya itong sabihin nang mahinahon at may paggalang sa kausap.
BASAHIN:
6 healthy tips kung paano disiplinahin ang batang mainitin ang ulo
4 parenting mistakes kaya lumalaking walang respeto ang bata
4. Pakinggan mo siya kapag kinakausap ka niya.
“Naririnig mo ba ako, Mommy?”
Minsan, kaya sumisigaw ang ating anak ay dahil iniisip niya na hindi mo siya naririnig o hindi mo siya binibigyan ng atensyon kapag hindi siya sumisigaw. Kapag malakas na ang boses niya, saka mo lang siya mapapansin.
Hindi man nila direktang sabihin, kailangan ng bata ng atensyon ng kaniyang mga magulang. Kapag si Mommy at Daddy ay laging busy sa trabaho o kaya naman nakatutok sa kani-kaniyang telepono, nalulungkot rin sila dahil hindi nila tayo makausap.
Ayaw natin kapag parang wala tayong kausap o hindi tayo pinapansin ng taong kausap natin. Kaya ilagay natin ang sarili natin sa posisyon ng ating anak.
Mas makakabuti kung babawasan natin ang distractions sa ating tahanan. Gawin ang trabaho sa oras ng trabaho, at ipagpaliban ang paggamit ng cellphone (maliban kung emergency) kapag kasama natin ang ating anak.
5. Intindihin ang gustong sabihin ng bata.
Bukod sa pagbibigay ng ating oras at atensyon sa ating anak, subukan rin nating intindihin kung ano talaga ang nais niyang sabihin at iparating. Kailangan malaman ng bata na nauunawaan natin siya.
Kung mayroon siyang gusto, pakinggan natin kung bakit niya gusto ito bago tayo tumanggi. Huwag agad magsabi ng “No.”
Kapag nauunawaan na natin ang ating anak, mas maipapaliwanag naman natin ang ating desisyon o ang aral na gusto nating matutunan nila.
Huwag agad magagalit kung mapapasigaw pa rin siya paminsan-minsan. Dahil bata pa sila, hindi pa nila kayang kontrolin ang kanilang mga emosyon. Kaya naman mas mabuting turuan natin sila ng self-regulation para alam nila ang tamang asal o reaksyon kapag hindi nila nakukuha ang gusto nila.
Kapag natutunan na ng ating anak na kontrolin ang kanilang damdamin at ipahayag ito sa tamang paraan, mas mababawasan na ang kanilang pagsigaw at magiging mas maganda ang komunikasyon niyong dalawa.
Paano baguhin ang masamang ugali ng bata gaya ng pagsigaw? Bigyan lang ng tamang oras, atensyon, at pagmamahal ang iyong anak at iparamdam sa kaniya na hindi niya kailangang sumigaw dahil nakikita at naririnig mo siya.
Isinalin nang may pahintulot mula sa theAsianParent Malaysia.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio