Paano disiplinahin ang batang matigas ang ulo? Hindi pagpaparusa ang kasagutan kung hindi ang pagpaparamdam na sila ay safe at protektado, ayon sa isang eksperto.
Paano disiplinahin ang batang matigas ang ulo?
Malamang ay magkakaiba ang pananaw natin bilang magulang sa usaping ito. Ngunit panigurado karamihan sa atin ay naniniwala na ang pagpaparusa ang isang paraan para matuwid ang hindi magandang ugali ng isang bata. Pero ayon sa psychiatry professor na si Dr. Stephen Porges, ang paniniwalang ito ay mali. At mas nagbibigay lang ng dahilan para mas tumigas ang ulo at mag-misbehave ang isang bata.
Ito ay kaniyang pinaliwanag sa tulong ng Polyvagal theory.
Polyvagal theory
Ayon sa kaniyang Polyvagal theory, ang mga bata ay nagpapakita ng katigasan ng ulo o nagiging pasaway hindi dahil sa may gusto silang kunin o gawin. Kung hindi ito ay paraan nila para maka-survive sa magulong mundo na kanilang ginagalawan. At ang kanilang mga ipinapakitang aksyon o misbehavior ay reaksyon ng kanilang automatic nervous system sa mga stressful events sa kanilang buhay na hindi nila kontrolado.
“Polyvagal theory gives parents another perspective on the underlying motivations of the child’s behavior. What parents tend to think is that behavior is motivated for a reason: to get something, or to do something and not a manifestation of the child’s physiological state. But it’s, as a child, attempting to survive in this complex world.”
Ito ang pahayag ni Dr. Porges sa isang panayam.
Base sa kaniyang polyvagal theory ay may tatlong parte ang automatic nervous system. Ito ay ang ventral vagus nerve, sympathetic nerve at dorsal vagus nerve.
Ang ventral vagus nerve ay nagiging active sa tuwing tayo ay nasa maayos na sitwasyon o socially engaged sa ibang tao. Makikita ito sa ating expressive na mukha at mas enthusiastic na boses. Samantala, kapag tayo naman ay threatened o takot ay nagkakaroon tayo ng fight or flight response na mula sa ating sympathetic nerve. Ito rin ang nagdudulot o nagpaparamdam sa atin ng anxiety. Kapag naman nakaranas tayo o nahaharap sa isang sitwasyon na may nakaambang banta sa ating buhay, tayo ay nag-fefreeze at na-dedepress na epekto ng pag-aactivate ng ating dorsal vagus nerve.
Reaksyon ng mga bata sa pagpaparusa bilang paraan ng pagdidisiplina
Kaya mula dito ay sinasabi ni Dr. Porges na ang reaksyon ng mga bata sa mga nangyayari sa kaniyang paligid ay dahil sa automatic nervous system at wala siyang conscious control laban dito.
Tulad nalang sa tuwing sila ay pinaparusahan kapag may mali silang ginawa. Ang nerve na nagiging active sa mga sitwasyong ito ay ang kanilang sympathetic nerve. Dahil ang pagpaparusa ay nakikita nila bilang threat na kung saan nag-rereact o dumedepensa ang kanilang katawan. Ang resulta ay fight or flight behaviors, outbursts, tantrums, aggressive at oppositional behavior. O sa mas simpleng salita ay mas nagpapakita sila ng katigasan ng ulo.
Tamang pagdidisiplina sa bata
Mula sa kaniyang Polyvagal theory ay sinasabi ni Dr. Porges na ang tamang pagdidisiplina sa bata ay nagsisimula sa tamang pakikitungo sa kanila. At ito ay sa pamamagitan ng kalmadong paraan o pagpapakita sa kanila na sila ay protektado at ligtas sa iyong mga kamay.
Ito umano ang epektibong paraan kung paano disiplinahin ang batang matigas ang ulo. Dahil sa state na ito ay mas contingent o reciprocal ang isang bata. At mas mauunawaan niya ang gusto mong mangyari o sabihin sa kaniya.
Kaya naman paalala niya sa mga magulang sa oras na nagpapakita ng katigasan ng ulo ang iyong anak, imbis na awayin o pagsabihan siya ay iparamdam sa kaniya na nandyan sa kaniyang tabi. Para tulungan siyang harapin ang kung anumang bagay na gumugulo sa kaniya.
Tulad nalang kung hirap siyang makatulog, imbis na pagalitan ay tabihan siya at samahan siyang gumawa ng mga activities na magpapaantok sa kaniya. Sa oras na siya ay hindi sumusunod ay kausapin siya ng kalmado at ipaliwanag sa kaniya ang magiging epekto ng kaniyang ginagawa.
Malayo ang mararating ng kalmadong pakikitungo natin sa ating mga anak. Hindi lang nito pinipigilang mapagsabihan o makagawa tayo ng mga bagay na maaring makasakit sa kaniya. Tinuturuan rin natin silang maging disiplinado sa paraang mas mauunawaan nila.
Source: Psychology Today, Windhorse Integrative Mental Health
Basahin: STUDY: Ang epekto ng pagbibigay ng ‘time out’ sa bata