Paraan ng pagdidisiplina sa anak mas nagiging effective kapag warm at kalmado ang magulang, ayon sa isang bagong pag-aaral.
Epektibong paraan ng pagdidisiplina sa anak
Bilang mga magulang, ang pagdidisiplina sa ating anak ang isa sa ating pinakamahirap na tungkulin. Ngunit, ito ay kailangan nating gawin upang masiguro na sila ay lalaki ng tama at may respeto. Iba-iba man ang ating istilo sa pagdidisiplina, pare-pareho naman ang ating layunin. Ito ay para maturuan ng magandang asal ang ating mga anak.
Ayon nga sa isang bagong pag-aaral, ang pagbibigay ng time-out ang pinakamagandang paraan ng pagdidisiplina sa mga bata. Dahil hindi lang nito binibigyan ng oras ang isang bata na ma-realize ang pagkakamali niya, pinapanatili rin nito ang healthy relationship sa pagitan ng magulang at ng kaniyang anak.
Ito ang natuklasan ng University of Michigan researchers sa pamamagitan ng pagsubaybay sa 1,400 families at kanilang parenting strategies sa mga 3-anyos, 5-anyos at sampung taong gulang na bata sa loob ng walong taon.
Gamit ang iba’t-ibang paraan ng pagdidisiplina ay sinukat ng mga researchers ang epekto ng bawat disciplinary action na ibinibigay ng magulang sa kanilang anak.
Time-out strategy
Sa mga batang tatlong taon, 1/3 ng mga parents ang gumamit ng time-out strategy o ang pagpapaupo sa mga bata sa isang corner sa tuwing may nagagawang kasalanan
Base sa obserbasyon ng mga researcher ay wala silang nakitang pagbabago sa anxiety at depression level ng mga batang sumailalim sa time-out technique. Kumpara sa mga batang nakakatanggap ng physical punishment na nagiging mas aggressive at makulit.
Ayon nga kay Dr. Rachel Knight, author ng ginawang pag-aaral at isang pediatric psychologist sa University of Michigan, napaka-epektibo nga ng time-out technique sa pagdidisiplina ng mga bata. Lalo na kung ito ay ginagawa ng tama.
“There’s a wealth of research on how effective ‘time outs’ can be in reducing problematic behavior, when they are used appropriately. It’s a parenting strategy that’s often misunderstood and misused.”
Ito ang pahayag ni Dr. Knight. At ang sikreto umano para maging effective ang time-out technique sa pagdidisiplina ng bata ay sa paraan kung paano ito ginagawa.
Ayon kay Dr. Knight, dapat ito ay ginagawa sa positibo at kalmadong paraan, consistent at higit sa lahat hindi pasigaw.
Sinuportahan naman ang pahayag na ito ni Dr. Helen Barrett, isang retired developmental psychologist. Ayon sa kaniya, ang pagpapasok sa loob ng kwarto o pagpapaupo sa isang bata o sulok sa tuwing nakakagawa ng kasalanan ay isang paraan ng pagkakapakita ng warm at authoritative style of parenting. Ito ay ang pinaka-epektibo ng style ng pagdidisiplina na kung saan natuturuan ng mga magulang ang kanilang anak ng hindi ito sinasaktan.
Steps sa pagbibigay ng time-out sa iyong anak
Para simulan ang time-out technique sa pagdidisiplina ng iyong anak ay maaring sundin ang mga hakbang na ito.
Bago bigyan ng time-out ang iyong anak kapag siya ay nakagawa ng kasanalan o pagkakamali ay bigyan muna siya ng time-out warning. Kung hindi parin siya sumunod matapos ang warning saka ituloy ang time-out at ipaliwanag sa kaniya kung bakit kailangan itong gawin.
Dapat ay maging firm ngunit kalmado ang iyong boses sa tuwing makikipag-usap sa iyong anak sa pagbibigay sa kaniya ng time-out. Hindi ka dapat tunog na nagagalit o kaya naman ay pinagsasabihan siya.
Kung sakaling hindi siya tumayo at sumunod sa time-out ay kunin ang kaniyang kamay at paupuin siya sa isang sulok o sa kaniyang time-out space. Huwag siyang hahayaang makipag-usap kahit kanino. Huwag din siyang hahayaang maglaro ng kahit anong bagay.
Ang tagal ng time-out ng isang bata ay nakadepende sa kaniyang edad. Kung siya ay tatlong taon ay tatlong minuto dapat ang time-out time niya. Kung siya ay limang taon ay limang minuto dapat ang time-out space niya.
Dapat ay matuto ng sumunod sa instruction ang iyong anak pagkatapos ng time-out niya. Kung hindi ay dapat pabalikin siya sa kaniyang time-out space upang muling makapag-isip at marealize ang maling ginawa niya.
Sa oras naman na maayos ng nagawa o nabago na ng iyong anak ang pagkakamali niya ay purihin siya upang lalo siyang ganahang ipagpatuloy ito.
Source: CDC, BBC News, Developmental and Behavioural Pediatrics
Photo: Freepik
Basahin: How to discipline toddlers: The do’s and don’ts of using Time out!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!