Paano gumawa ng baby? Narito ang mga kasagutan sa mga bagay tungkol sa pagbuo ng baby na nahihiya kang itanong sa iba.
Ang sex ay bahagi talaga ng buhay mag-asawa. Pero minsan, para makabuo, kailangan nila ng kaunting tulong at paggabay mula sa kanilang doktor o OB-Gynecologist.
Subalit aminin man natin o hindi, mayroon tayong mga katanungan tungkol sa sex na hindi tayo kumportableng itanong sa ating doktor.
Kaya naman inalam namin ang ilan sa mga tanong na nahihiyang itanong ng mga kababaihan sa kanilang doktor at inalam ang mga kasagutan rito.
Question 1: Gaano dapat kadalas makikipagtalik?
Ayon kay Dr. Gergen Marie Lazaro-Dizon o Dr. Gergen, isang OB-gynecologist at Infertility Specialist mula sa Makati Medical Center, 2 araw nananatili ang sperm ng lalaki sa katawan ng babae.
Subalit 1 araw lang nabubuhay ang itlog ng babae sa loob ng fallopian tube. Nangangahulugan ito na maiksi lamang ang oras kung saan maaaring mabuo ang fetus.
Kaya naman mas mabuti kung malalaman mo kung kailan ka nag-o-ovulate para masiguro na nakapagtalik kayo ng iyong partner sa mga araw na iyon. Pahayag ni Dr. Lazaro-Dizon,
“Kung 30 days ang cycle mo, nagsisimula ‘yong fertile period mga day 12 to day 18 ng cycle. Ang first day o ‘yong day 1, iyon ang 1st day of the period. Kung magbibilang ka day 12 doon magsisimula.
Tapos doon kayo mag-i-intercourse ng madalas. Doon sa time frame na iyon. Hindi natin ma-ieksakto kung kailan yung isang araw na iyon kasi nagmo-move every cycle.”
Kung hindi makahanap ng oras para sa regular na pagtatalik, subukan na makipag-sex sa bawat alternate na araw sa pinaka-fertile na linggo sa menstrual cycle.
Subalit, kahit kaya niyong mag-asawa, iwasan na magtalik araw-araw. Kailangan ng sapat na oras upang tumaas ang sperm supply na magpapataas din sa tiyansa na makabuo ng baby. Pahayag niya,
“Siguro every other day naman, maski every other day. Para naman meron pang reserve dun sa mga last part of the interval, the window.”
Larawan mula sa Freepik
Question 2: Ang pagkakaroon ba ng orgasm ay makakatulong na mabuntis?
Hindi. May mga nagsasabi na ang orgasm ng babae ay nakakatulong para maitulak ang sperm pataas papunta sa fallopian tube. Subalit ayon sa siyensya, walang epekto ang pagkakaroon ng orgasm para makabuo. Mabubuntis ang babae basta magkaroon ng fertilization ng sperm at egg, kahit walang orgasm na maganap.
Gayunpaman, ang pagkakaroon ng orgasms habang sinusibukang gumawa ng baby ay siguradong magpapasaya sa proseso.
Question 3: Anong posisyon ba dapat ang gawin?
Iniisip ng mga kalalakihan na ang posisyon kung saan nagkakaroon ng maximum penetration para mapabilis ang pagdaloy ng sperm papunta sa cervix ay mas maganda.
Para naman sa mga babae, iniisip nila na ang posisyon kung saan hindi makakalabas ang sperm mula sa kaniyang ari ay mas mainam.
Subalit ayon kay Zita West, isang midwife at fertility expert, kahit anong position ay makakatulong basta’t ang mag-asawa ay komportable at relaxed.
Question 4: Dapat ko bang pigilan ang paglabas ng sperm matapos makipagtalik?
Hindi. Ayon sa Healthline, kapag nailabas na ang semilya at sperm mula sa ari ng lalaki, mabilis na ang paggalaw nito sa papunta sa fallopian tube ng babae.
May isang pag-aaral pa nga na nagpapakitang ang sperm na nailabas malapit sa cervix ay kayang lumangoy at umabot sa fallopian tube sa loob ng isang minuto.
Subalit mayroon ding kaugnayan rito ang quality ng sperm ng isang lalaki. Kadalasan, kapag lumalabas ang semilya mula sa ari ng lalaki, ito ay malapot na parang gel ang hitsura. Pero ‘di nagtatagal ay malulusaw rin ito at lalabnaw upang mabilis makalangoy ang sperm papunta sa fallopian tube.
Kapag matagal malusaw o hindi natutunaw ang semilya, isa itong senyales na mahihirapan makabuo ang lalaki.
Question 5: Ang contraceptive pills ba ay makakaapekto sa aking fertility?
Kung mayroong regular na mga period bago sinimulan ang birth control pills, walang kailangang alalahanin. Ang epekto ng contraceptive pills ay nababaligtad nang tuluyan at ang iyong normal na cycle ay maaaring bumalik sa loob ng anim na buwan mula sa pagtigil ng pag-inom nito.
Sa katunayan, ayon kay Dr. Dizon, kung ikaw ay gumagamit ng contraceptive pills, mas makabubuting tapusin muna ang isang pack bago magdesisyong itigil ito para hindi magulo ang iyong ovulation cycle.
“When you stop the pill in the middle of the cycle, kunyari hindi mo tinapos naisipan mo ayaw mo na siya, magugulo ‘yong cycle mo. Kaya advisable talaga tapusin mo muna ‘yong isang pack kung talagang intensyon mo mag-stop.”
Question 6: Mayroon bang korte ng katawan na pinaka-mainam sa pagbuo ng baby?
Narinig na natin ang mga kasabihan na ang mga babaeng may mas malapad na balakang ay mas fertile, ngunit ang totoo, walang kinalaman ang korte ng katawan sa abilidad na maging ina.
Ang ilang curvy na babae ay may problema sa fertility, habang ang ilang payat at maliit ang balakang ay madaling nabubuntis. Wala talagang “fertile” na korte ng katawan.
Subalit ang nakakaapekto sa posibilidad ng paggawa ng baby ay kung tama ang timbang at malusog ang katawan ng babae at lalaki.
Ayon sa mga pag-aaral, nakakaapekto ang obesity o mabigat ng timbang sa hormones at ovulation ng babae, at sa sperm count ng lalaki – dalawang bagay na napaka-importante sa pagbubuntis.
Question 7: Nakakabawas ba ng posibilidad ng pagbubuntis ang oral sex?
May mga pag-aaral na nagsasabing ang ating laway ay maaring makaapekto sa sperm motility ng isang lalaki. Subalit maaring totoo lang ito para sa mga lalaking mayroon nang problema sa kanilang semilya, lalo na sa mga mayroong mababang sperm count.
Kaya kung malusog naman ang sperm ng iyong partner, hindi naman masyadong makakaapekto ang oral sex sa posibilidad ng pagbubuntis.
Subalit kung ilang buwan niyo nang sinusubukan subalit hindi pa rin kayo makabuo, subukan niyo munang huwag mag-oral sex at tingnan kung makakatulong ito.
Question 8: Dapat bang mag-boxers si mister sa halip na brief para makabuo?
May kinalaman ba ang underwear ng lalaki sa kung paano gumawa ng baby? Sa katunayan, oo.
Ayon sa ilang pag-aaral, ang pagsusuot ng briefs o masisikip na pang-ilalim ay maaring magtaas ng scrotal temperature na nagpapababa ng sperm quality at motility.
Kaya mas makakabuti kung iiwas muna sa pagsusuot ng masikip na damit si mister para mas lumaki ang posibilidad na makabuo.
Larawan mula sa Freepik
Question 9: May tamang oras ba ang pakikipagtalik para makabuo?
Ayon kay West, mas nagpo-produce ng hormone na testosterone ang kalalakihan sa umaga. At nakaktulong ang hormone na ito para maging malusog ang sperm, kaya naman mas mataas raw ang posibilidad na makabuo kapag nagtalik ng umaga. Pero ayon sa mga pag-aaral, wala naman masyadong pagkakaiba ang sperm count sa umaga at sa gabi.
Gaya ng nabanggit ni Dr. Dizon, mas mainam pa rin kung magtatalik sa mga araw na malapit sa ovulation ng babae, anu mang oras ito.
Question 10: Kailan mo masasabing mahirap magconceive ang mag-asawa?
May mga babaeng nabubuntis sa unang beses nilang makipagtalik, pero mayroon rin namang mas nahihirapang makabuo. Subalit paano mo nga ba malalaman kung may problem sa paggawa ng baby ang mag-asawa?
Ayon kay Dr. Dizon, ito ay kapag isang taon na silang sumusubok ngunit hindi pa rin sila nakakabuo.
“Actually para sabihin mong hirap ang mag-asawa to conceive, dapat one year of trying o one year na nagta-try. Hindi mo pipilitin, hindi mo sasadyain.
Dapat one year kayong magkasama, one year kayong hindi magkahiwalay at nag-iintercourse kayo ng madalas. Kapag walang pagbubuntis, dun mo iisipin na may problema kayo.” aniya.
Paano gumawa ng baby? | Larawan mula sa Freepik
Paano gumawa ng baby? Mahirap at nakakahiya mang pag-usapan ang mga bagay na ito, kailangan pa ring malaman para maintindihan ng mag-asawa kung paano lalaki ang posibilidad nilang makabuo.
Paalala rin ni Dr. Dizon, ang unang hakbang para makabuo ang mag-asawa ay magpatingin sa kanilang doktor para malaman kung mayroong balakid sa pagbubuntis at maagapan o mabigyan ito ng lunas.
“When a couple embarks on a fertility work out, kailangan pareho kayo. Kailangan magpapa-checkup ng semilya ‘yong lalaki.
Iyong babae magpagpapa-ultrasound siya, magpapa-check kung nag-oovulate siya. Ipapa-check dun kung ‘yong fallopian tube open.
Kasi ang meeting place ng egg and sperm sa fallopian tube kung iyon barado, wala palang meeting
place. So ‘yon ang mga dapat i-investigate. Mas mahirap ‘yong unexplained kasi paano mo gagamutin?” aniya.
Kaya kung mayroon kang katanungan tungkol sa paggawa ng baby at pagbubuntis, huwag mahiyang kumonsulta sa iyong OB-Gynecologist.
Isinalin mula sa wikang Ingles mula sa theAsianparent Singapore
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!