Dati, ang usapang sex at “abuse” ay tinuturing na taboo o hindi pinag-uusapan nang tahasan, lalo na kapag may mga batang nakakarinig.
Pero sa pagdaan ng panahon, at sa dumadaming kaso ng pang-aabuso lalo na sa mga bata, nakita na at natanggap ng ating lipunan na kailangan nang turuan ang mga bata, pati mga magulang ng kung paano tanggihan at magsalita laban sa anumang pang-aabuso.
Sensitibo ang usaping sex sa ating lipunan, subalit kinakailangan natin itong ipaintindi sa ating anak upang maiiwasan na makaranas na siya ng harrastment o pang-aabuso.
Mas mabuting ipaintindi sa kaniya ang mga bagay-bagay na ito. Lalo na marami kang makikitang seksuwalidad sa TV, radyo, magasin, diyaryo, mga poster o billboard, at higit sa lahat sa social media.
Mahalagang maturuan at magabayan ang mga bata, mapa-babae man o lalaki ang iyong anak. Kung paano at kung kailan dapat magpahintulot o magbigay ng “consent”, at kung kailan at bakit HINDI DAPAT.
Talaan ng Nilalaman
Bakit mahalagang ituro ang consent sa bata?
Maraming dahilan kung bakit kailangan na hindi dapat puwersahin ang isang bata sa gusto nating ipagawa sa kanila. Kinakailangan pa rin ng consent nila sapagkat kailangan nilang matutunan ang pangangalaga sa kanilang sariling katawan.
Nang mangibabaw sa media ang #MeToo na nagpapatungkol sa pang-aabusong nararanasan ng mga kababaihan at mga kabataan mula sa mga may kapangyarihan at mas nakatatanda, nabuhay muli ang kamalayan tungkol sa sexual abuse, at ang karapatang lumaban at humindi.
Kaliwa’t kanan ang balita tungkol sa sexual assault, bata man o matanda, sikat at mayaman man o mahirap ang biktima o nagbibiktima. Pero nakatuon ang pansin sa pagtulong sa mga biktima pagkatapos ng pang-aabuso.
Madalas ay ‘di nabibigyan ng diin ang paggabay sa mga bata kung paano mapoptrotektahan ang mga sarili. Pati na rin ang pagtuturo sa mga kabataan tungkol sa respeto sa sarili at sa kapwa.
Ang rape culture na tinatawag ay dahil na rin sa kakulangan ng edukasyon at impormasyon tungkol sa sekswalidad, violence, at gender equality. Oras na para simulang turuan ang mga bata tungkol sa tamang depinisyon ng “consent”.
Kaya naman higit na mahalaga na maturuan ang ating mga anak patungkol rito. Upang maprotektahan din nila ang kanilang sarili.
10 na rason kung bakit hindi dapat puwersahin na yumakap ang bata—kahit sa kamag-anak at paano ituro ang consent sa kanila
1. Turuan ang mga batang magpaalam o humingi ng permiso bago yumakap, humawak o humalik, maski sa kapwa bata.
Huwag na huwag pilitin ang mga bata na magpahalik o magpayakap, kahit pa kamag-anak, kung tahasang sinasabing ayaw ng bata. Isa na rin itong paraan kung paano ituro ang consent sa bata.
May mga magulang na hindi pinapahalik ang mga anak nila sa labi, at tahasang sinasabi na “Hindi kailangang humalik sa labi.” Para kapag may nagpahalik o magtangkang humalik sa bata sa labi, alam na kaagad ng bata na hindi ito dapat.
2. Ipaalam din sa anak na dapat pangalagaan ang sarili, at sariling katawan, at irespeto ito.
Ituro sa anak na tanging siya lang ang makapagsasabi kung sino ang hahawak sa iyo, sa anumang bahagi ng katawan o mukha. Dapat din ay ibigay ang parehong respeto sa katawan ng iba. Siya lang din ang dapat magdesisyon para sa sarili niyang katawan.
Kahit pa ikaw ang magulang, at 4 na taong gulang lang ang anak. Dapat ay humihingi pa rin ng permiso sa bata kung kailangang hawakan o tingnan ang maseselang bahagi nito. tulad na lang ng paghuhugas ng ari o puwit para hugasan ito.
Kahit nga may sugat o rashes sa singit, halimbawa, sanayin ang sarili na ipaalam sa bata bago hawakan o dampian ang singit, “Lalagyan kita ng ointment para gumaling ang rashes mo ha. Pwede ba? O gusto mong ikaw ang magpahid?”
Dito maisasaisip ng bata na kahit pa nanay o tatay ka, o kahit sino pang mas matanda, walang dapat na humahawak sa katawan niya nang walang pahintulot niya. Sapagkat katawan niya iyon.
3. Ipaalam sa mga bata na ang mga salitang “Hindi”, “Ayaw ko”, “Huwag” at “No!” ay dapat na ginagalang at pinakikinggan.
Kailangang maintindihan din ng mga bata na ang mga katagang ito rin ay makahulugan at may kapangyarihan. Kapag sinabi ng isang tao na “Huwag” o “Ayaw ko”, ay rerespetuhin ang hiling o sinasabi ng kapwa. Ititigil kung anuman ang ginagawa na ayaw nito.
Gayundin kung sa ‘yo ito mangyayari: matutong magsabi ng “Hindi”, “Huwag” at “Ayaw ko” kung may ginagawa sa iyo o pinapagawa na labag sa kalooban.
Idiin sa bata na walang masama sa pagsasabi ng nararamdaman. Gayundin sa pagpapatigil ng ginagawa ng isang tao sa kaniya na hindi niya nagugustuhan.
Lalong walang masama kung pipiliing hindi na lumapit o makisama sa taong namimilit sa kaniyang gawin ang ayaw niya.
4. Kailangang turuan din ang mga bata kung paano makiramdam at sundin ang kutob. Lalo kung mayron nang nararamdaman na hindi maganda o hindi nararapat, sa isang sitwasyon.
Minsan, hindi maipaliwanag ang kutob, pero alam pa rin sa loob mo na may mali sa nangyayari. Kung ito ang sitwasyon, sundin ang kutob at umiwas o lumayo na kaagad. Ang utak natin ay natural na pinoprotektahan tayo sa oras ng peligro. Sundin ang instinct, at huwag isugal ang sarili.
5. Habang lumalaki ang bata, dapat ay patuloy na ginagabayan sila at pinapaliwanag ang kailangang malaman tungkol sa sekswalidad at “consent.”
Ang pagbibigay ng pahintulot ay hinihintay at pinakikinggan, at hindi kailanman pinipilit.
“No means no,” ika nga sa Ingles, at kapag narinig na ayaw na at “Huwag.” Dapat itigil ang ginagawa o tinatangkang gawin.
Ipaliwanag ang mga posibleng maging reaksiyon ng pinagsabihan ng hindil; na maaaring magalit ito o manakot—pero hindi dapat pumayag o mapilitan, anuman ang mangyari.
6. Maging bukas sa usapin na ito at ipaalala na huwag mahihiya na magsabi sa ‘yo na kaniyang magulang.
Sa panahon ngayon, sa kabila ng napakaraming naimbentong parental control sa Internet, TV at pelikula man. Patuloy na maghahanap ang mga bata ng sagot sa mga tanong nila tungkol sa sex at sa mga pagbabago sa katawan nila.
Mabibigyan ng sagot ang mga tanong na ito kung bubuksan ang komunikasyon, at hindi magpapatalo ang mga magulang sa “hiya” o sobrang konserbatibong paniniwala.
Iwasang pagalitan ang mga bata kapag nagtatanong tungkol sa sex. Sapagkat “masyado pa silang bata para dito”. Maghahanap at maghahanap sila ng mga sagot.
Kaya’t mabuti nang sa bahay at sa magulang nila malaman ang mga sagot, para masigurong tama at “informed” at “educated” ang mga kaalamang maibabahagi.
7. Puwedeng gumamit o basahan ang iyong anak ng mga kuwentong pambata patungkol sa abuso at ipaliwanag ito sa kaniya.
Dito rin makikita ang mga halimbawa ng maling pagtingin sa sekswalidad, at mga maling paniniwala tungkol sa “consent” at pang-aabuso.
Ang PG o Parental Guidance na rating sa isang TV show o pelikula ay hindi dekorasyon lamang. Samahan ang mga bata sa panonood ng mga ganitong pelikula, at buksan ang diskusyon.
Kapag may mga bahagi sa kwento na may pang-aabuso, lalo na ang halimbawa ng “rape” o pamimilit sa pakikipagtalik.
8. Ipaliwanag sa bata kung sino ang dapat hingan ng tulong at pagsabihan kapag may humawak sa kanila o may ginawa sa kanila na wala silang pahintulot.
Walang “tamang” edad para sa pagpapaliwanag ng sex sa bata. Ang payo ng mga eksperto, kapag nagtanong na ang bata, anumang edad, dapat ay may sagot ang magulang (o guro).
Maski ang mga batang 3 hanggang 4 na taong gulang ay nagsisimula nang magtanong ng mga simple, ngunit makabuluhang tanong.
Maging alerto sa mga senyales, tulad ng kung magtanong ng “Pwede ko ba halikan ang kaklase ko?” Simple, pero kailangang masagot ng maingat at maliwanag.
Maski ang mga tanong na “Ano ang gusto mo, burger o fried chicken?” ay nagtuturo sa mga bata ng tungkol sa “choices” o “consent”.
Mahalagang maintindihan ng mga bata ang lahat ng dapat malaman, at kahalagahan ng pagbibigay ng pahintulot. Lalo’t may kinalaman sa sekswalidad at katawan nila.
Ang paksa na ito ay patuloy at paulit-ulit na pinag-uusapan para higit na maintindihan, dahil tunay na komplikado at delikado.
9. Ituro ang tamang tawag sa maseselang bahagi ng katawan ng isang bata
Isa sa paraan kung paano ituro ang consent sa bata ay ang kaalaman nila sa sarili nilang katawan.
Dapat alam nila ang tunay na tawag sa bahagi ng kanilang katawan upang maiwasan ang pang-aabuso sa kanila.
Halimbawa na lamang para sa bahagi ng katawan ng babae; puki (vagina), dibdib (breast) para sa mga batang nagdadalaga na, puwet (anus).
Para naman sa mga lalaki, titi (penis), bayag (scrotum), puwet (anus).
Ang pag-alam nila sa totoong tawag sa mga bahaging ito ay makakatulong upang malaman mo rin bilang magulang kung may umabuso ba sa iyong anak.
10. Ituro ang importansya ng pagsasabi sa inyong mga magulang sa mga bata
Ang pinakamahalag ay turuan ang iyong anak na mag-report o magsabi sa ‘yo kapag may humawak sa maseselang bahagi ng kaniyang katawan.
Ipaliwanag na hindi nila ito kasalanan at huwag dapat silang matakot na magbahagi sa iyo. Habang lumalaki sila ipaliwanag na iba-iba ang access ng tao sa katawan nila. Alam dapat nila ang puwede sa hindi.
Halimbawa, ayos lang na yakapin mo siya, pero kapag ibang tao o stranger hindi dapat. Ayos lang na yakapin mo ang kaibigan mo pero dapat may consent kayo rito. Kahit sa iyong mga kamag-anak o kapamilya. Dapat may consent niya ito.