Paano kumuha ng passport ni baby o ng iyong anak? Alamin dito ang mga hakbang at dokumentong kailangan ninyong ihanda.
Mababasa dito ang sumusunod:
- Paano kumuha ng passport?
- Mga hakbang at requirements sa pagkuha ng passport.
Kahit hindi pa plantsado ang plano ng pamilya para sa bakasyon, mas maiging ayusin na ang mga travel documents ng mga bata para walang aberya. Mas mabuti nang nakahanda na ang mga papeles ng iyong anak o mga anak. Kaya’t importanteng alam ninyo kung paano kumuha ng passport.
Sa Pilipinas, ang paglabas ng bansa ng isang menor de edad o 16 na taong gulang pababa, ay nangangailangan ng affidavit of support at written consent para sa pag apply ng passport. Narito ang bago at mas madaling passport appointment system ng Department of Foreign Affairs (DFA), na makikita din sa DFA’s passport appointment system website.
May mga security measures na itinalaga para sa pag apply ng passport para sa mga menor de edad para masigurong sila ay may proteksiyon nila sa paglabas ng bansa.
Paano kumuha ng passport?
Alinsunod sa vision ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang DFA ay may mga bagong patakaran para sa passport application.
May dalawang paraan na maaaring sundin: Tawagan ang DFA passport appointment hotline sa numerong (632) 737-1000 o (02)8234 – 3488 para masagot ang iyong katanungan. O kaya naman ay mag-apply online sa website ng DFA o i-click ang link na ito: www.passport.gov.ph.
Dito kakailanganing ibigay ang ilang personal na impormasyon, at dito din pipili ng araw at oras ng inyong appointment. Ang bagong online-appointment system ay para lamang sa mga application para sa Regional Consular Offices ng Pilipinas, DFA Manila (Aseana) at Satellite Offices sa Metro Manila (Ali Mall, SM Manila, SM Megamall and Alabang Town Center).
Dapat ding isaisip na ang passport appointment ay libre. Binibigyan ng DFA ng babala ang taumbayan na huwag magbayad ng kahit anong halaga sa mga fixers para sa online appointment. Ang dapat lang bayaran ay ang mismong passport na iyong ina-apply. Pati na ang bayad sa pagpadala o shipping ng iyong passport kung pinili mo itong mai-deliver sa inyong bahay. Maari mo rin itong pick-upin lang sa office o DFA branch na pinag-applyan mo ng passport. Ang option na ito ay dapat mong mapag-desisyonan sa online application palang ng iyong scheduled passport appointment.
Para mas maliwanagan, narito ang mga hakbang kung paano kumuha ng passport.
Paano kumuha ng passport para kay baby?
Unang Hakbang: Piliin kung ano ang paraan ng pagpasa ng application at mag-fill up ng form
Tumawag sa DFA hotline
Pagtawag sa DFA hotline, tutulungan ka ng isang customer care representative na pumili ng araw at oras ng appointment. Sa kaniya din ibibigay ang ilang impormasiyon tulad ng kumpletong pangalan ng bata at ng mga magulang (nakalagay sa birth certificate), address, at numero ng iyong existing passport, kung meron man.
Bibigyan ka ng print code at ito ang ilalagay mo sa website na passport.com.ph/print para makapag-print ka ng kopya ng application form. Bibigyan ka ng listahan ng kailangang dokumento para dalhin sa iyong scheduled appointment.
Online
Larawan mula sa Pexels
Kung napili mong mag apply ng passport online, pumunta sa Passport.gov.ph. Dito makikita ang mga kailangan at online application form na doon mo na rin sasagutan. Pagkatapos ay pipili ka ng araw at oras nang pagpunta sa DFA office. Papadalhan ka ng DFA ng kopya ng iyong application form sa e-mail, kasama ng schedule na pinili mo. Magpapadala rin sila sa email mo ng resibong binayaran mo para sa iyong passport. Ang pagbabayad puwede ring gawin online sa pamamagitan ng mga online payment system o bank transfer.
Ang mga dokumento na ipapadala sa email mo ng DFA ay kailangan mong i-print. Dalhin ang mga ito sa araw ng pagpunta sa DFA. Dagdag na kaalaman: Gmail at Yahoo! email accounts lang ang kinikilala o mapapadalhan ng DFA ng confirmation sa ngayon.
Mga kailangan para sa Online Application Filing at Scheduling
- Computer at Internet access.
- Web Browser (Internet Explorer ver.11 or higher / Mozilla Firefox ver.45 and up recommended)
- Isang balidong email address (Yahoo! o Gmail lamang) para makatanggap ng confirmation at iba pang paalala
- PDF reader (programa sa computer) at printer para makita ang dokumento at makagawa ng hard copy o kopya.
photo: All About K facebook page
Ikalawang Hakbang: Ilakip ang lahat ng kailangang dokumento
Paano kumuha ng passport para sa mga aplikanteng wala pang 18 taong gulang (Minors)
- Kumpirmadong appointment (maliban sa 1 year old pababa)
- Personal appearance ng aplikanteng menor de edad
- Personal appearance ng isa o parehong magulang, at valid passport nito
- Orihinal na Birth Certificate ng bata at Security Paper na ibinigay ng Philippine Statistics Authority (PSA) o Certified True Copy ng Birth Certificate na binigay ng Local Civil Registrar at duly authenticated ng PSA. Kung malabo o hindi mabasa ang mga tala sa isang Birth Certificate na bigay ng PSA, kailangan ng Transcribed Birth Certificate mula sa LCR. Ang mga dokumentong Report of Birth ay kailangang duly authenticated ng PSA, para sa mga batang pinanganak sa ibang bansa.
- Dokumento ng pagkakakkilanlan na may kasamang larawan, para sa mga batang 8 hanggang 17 taong gulang (para sa first time at renewal applicant) tulad ng School ID o Form 137 na may nababasang dry seal.
- Para sa mga aplikanteng hindi pa nag-aaral o hindi nakapag-aral sa isang eskwelahan, kailangan ang isang Notarized Affidavit of Explanation na ginawa ng magulang o ng ina (kung illegitimate ang bata) at nagsasaad ng mga dahilan kung bakit hindi nag-aaral sa paaralan ang bata.
- Marriage Certificate ng mga magulang ng bata, na duly authenticated ng PSA (para sa isang legitimate child).
- Orihinal at photocopy ng valid passport ng taong makakasama ng bata sa paglalakbay.
Karagdagang Requirements
Kung ang bata ay maglalakbay ng mag-isa o hindi kasama ang mga magulang:
- Personal appearance ng isang magulang (kung ang bata ay legitimate child) o ng ina (kung illegitimate child)
- Affidavit of Support and Consent (ASC) na isinulat ng magulang, na nagsasaad ng pangalan ng makakasama ng bata sa paglalakbay at relasyon nito sa bata (pamangkin, apo, kapatid, at iba pa). Kung mag-isang maglalakbay ang bata, ang ASC ay dapat isinulat ng isang magulang na nagsasaad na alam niya at pinapayagan ang batang maglakbay ng walang kasama.
- Orihinal at photocopy ng DSWD Clearance. Lahat ng batang maglalakbay ng walang kasamang magulang, o isang magulang lamang (nanay lang o tatay) ay kailangan ng DSWD Clearance, nag nagsasaad na alam ng isa o parehong magulang ang paglalakbay ng bata. Ito ay para maiwasan ang problema para sa mga batang ang mga magulang ay hiwalay o may legal na alitan tungkol sa kustodiya. Hindi kailangan ng DSWD Clearance kung ang bata ay may magulang na nagtatrabaho o imigrante sa ibang bansa, basta’t siya ay may hawak na valid pass tulad ng dependent’s visa/pass/identification card o permanent resident visa/pass/identification card na nagsasabing siya ay nakatira sa ibang bansa, kasama ng kaniyang magulang.
Larawan mula sa Pexels
Kung ang parehong magulang ay nasa ibang bansa:
- Kailangan ng Affidavit of Support and Consent (ASC) mula sa mga magulang na nagsasaad ng pangalan ng kasamang maglalakbay na authenticated ng Philippine Embassy o Consulate General.
- Special Power of Attorney (SPA) kalakip ng photocopy ng valid passport ng isa o parehong magulang (authenticated ng Philippine Embassy o Consulate General), na nagbibigay ng authorization sa isang representative na samahan ang anak sa pag-aaply ng passport.
- Orihinal at photocopy ng DSWD Clearance
- Proper ID ng duly authorized representative
- Kung ang bata ay legitimated dahil sa kasunod na pagpapakasal ng mga magulang (ipinanganak muna, bago naikasal ang mgulang):
- Kailangan ng Authenticated Birth Certificate mula sa PSA, at may annotation ng pagpapakasal at pagiging legitimate ng bata at binagong buong pangalan ng bata (kung iba na ang apelyido)
- Kung ang bata ay illegitimate ngunit kinikilala ng ama:
Birth Certificate mula sa PSA na nakasaad ang apelyifo ng tatay, at Affidavit of Acknowledgement and Consent na gamitin ang apelyido ng tatay.
Para sa iba pang kaso ng illegitimacy ng bata, maaaring tingnan sa Passport.gov.ph.
Ikatlong Hakbang: Pagpunta ng personal sa DFA
- Siguraduhing nasa DFA office kayo ng mas maaga kaysa sa scheduled appointment. Magandang makarating doon 30 minuto hanggang isang oras bago ang takdang oras.
- Ipakita ang kopya ng application form sa Appointment Counter at kumuha ng queue number sa Information Counter.
- Pumunta sa Passport Enrollment Section at magbayad ng passport fees.
- Pagkatapos ay magtungo sa encoding section para sa pagpapakuha ng litrato ng bata.
Magkano ang babayaran?
Ang passport processing fees ay P950 para sa regular processing at P1,200 para sa rush processing (7 araw lang ay tapos na). May karagdagang P200 para sa nawalang valid passport (hindi pa expired) na kailangan ng kapalit. Kung ipapadala sa inyong bahay ang passsport, may dagdag na P120 delivery fee na babayaran sa Delivery Counter.
Ang DFA Consular Office ay matatagpuan sa ASEANA Business Park, Bradco Avenue corner Macapagal Boulevard, Parañaque City. May mga iba pang opisina.
Komplikado? Hindi naman. Maraming kailangan pero sa oras na makuha ang passport, ito na ang simula ng maraming taon ng paglalakbay kasama si baby.
Sana’y nakatulong ang mga hakbang na ito upang mapadali ang proseso. Sana ay matapos itong basahin para siguradong alam niyo na kung paano kumuha ng passport.
Alamin: Lahat ng dapat malaman tungkol sa pag-aampon
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!