Gusto maging miyembro ng PhilHealth? Narito ang gabay kung paano kumuha ng PhilHealth.
Mababasa sa artikulong ito:
- Ano ang PhilHealth at ano ang mga benepisyo nito?
- Sino ang maaring kumuha ng PhilHealth?
- Step-by-step guide kung paano kumuha ng PhilHealth
Mahirap magkasakit ang kahit isang miyembro ng pamilya. Dahil bukod sa ayaw nating nakikitang mahina at nahihirapan ang ating anak, malaking gastos rin ang pagpunta at pagpapa-confine sa ospital.
Hindi rin biro ang magbuntis at manganak dahil maari kang gumastos ng 10,000 hanggang 100,000 o higit pa sa ospital at sa mga monthly checkup.
Subalit para sa mga Pilipino, mayroong paraan ang gobyerno para makatulong sa mga gastusin sa ospital at pagpapagamot. Ito ay ang PhilHealth.
Ano ang PhilHealth?
Larawan mula sa PhilHealth website
Noong taong 1995, inilunsad ang National Health Insurance Program o mas kilala sa tawag na PhilHealth para masiguro na ang mga Pilipino ay mayroong katuwang sa pagbabayad ng kanilang mga pangangailangang pangkalusugan at pagpapa-ospital.
Ito ang isinasaad sa kanilang misyon na, “Benepisyong Pangkalusugang Sapat at De-kalidad para sa Lahat.”
Layon ng PhilHealth na magkaroon ng kakayahan ang bawat miyembro ng kakayahan na magpatingin at makuha ang mga medikal na serbisyo sa pamamagitan ng pagsa-subsidize o pagbabawas ng bayarin o hospital bills ng miyembro at mga dependents nito.
Mga benepisyo ng pagkakaroon ng PhilHealth
Kung ikaw ay na-ospital o nanganak na, alam mong hindi biro ang laki ng dapat bayaran para magpagamot, at kung ikaw ay miyembro na ng PhilHealth, alam mo kung gaano kalaki ang nababawas mula sa inyong bill sa tulong ng PhilHealth.
Narito ang ilan sa mga benepisyong natatanggap ng isang PhilHealth member at kanilang dependents:
- Maternity health care package para sa mga buntis na miyembro
- Newborn care package para sa dependent ng mga PhilHealth members (kasama na ang newborn screening test at iba pang bakuna)
- Discount sa outpatient services (kabilang ang mga checkup at laboratory fees)
- Discount sa In-patient services (kabilang ang bayad sa pamamalagi sa ospital, laboratory fees, mga gamot at maging ang professional fee ng doktor)
- Mayroon ring Z packages para sa mga mamamayang mayroong matitindi o panghabang-buhay na sakit gaya ng cancer at mga nangangailangan ng transplant.
Basahin ang mas detalyadong benepisyo para sa PhilHealth members at dependents dito.
Sino ang maaaring kumuha ng PhilHealth?
Dahil sa dami at lawak ng sakop ng benepisyo ng PhilHealth, marami ang gustong maging miyembro nito. At iyon rin naman ang gusto ng ahensya, na lahat ng Pilipino ay makakuha ng benepisyo at serbisyong ibinibigay ng PhilHealth.
Pero sino nga ba ang mga maaring mag-apply para maging miyembro ng PhilHealth?
- Mga nagtatrabaho sa gobyerno
- Ang empleyado ng mga pribadong kumpanya
- Mga negosyante
- Ang mga overseas Filipino workers at mga Pinoy na may dual citizenship
- Mga taong self-employed o nabibigay ng serbisyo gaya ng mga doktor, abogado, performers at freelance workers
- Ang mga kasambahay at family drivers
- Lahat ng Pilipino edad 21 pataas na may kakayahang magayad ng kontribusyon sa PhilHealth
Narito naman ang listahan ng mga pwedeng maging dependent ng isang PhilHealth member:
- Lehitimong asawa ng member na hindi miyembro ng PhilHealth
- Lehitimo, ilehitimong anak o foster child ng member na 21-taong gulang pababa
- Anak ng miyembro na mahigit 21-taong gulang pero mayroong matinding karamdaman at walang kakayahang suportahan ang sarili
- Magulang ng miyembro na may edad 60 pataas, hindi member ng programa at mababa ang monthly income sa idineklarang halaga ng PhilHealth.
- Magulang ng miyembro na may permanent disability.
Larawan mula sa Freepik
Tandaan, kailangang ideklara ng member kung sino ang kaniyang mga dependent kapag nag-apply siya sa PhilHealth.
Paano kumuha ng PhilHealth?
Narito na ang step-by-step guide para sa mga nais maging miyembro ng PhilHealth.
Kung ikaw ay may trabaho o empleyado ng pampubliko o pampribadong kumpanya:
- Magsumite ng 2 kopya ng PhilHealth Member Registration Form (PMRF)
- Ibigay ito at ang mga requirements (2 1×1 picture at 2 valid government IDs) sa HR officer ng inyong kumpanya.
- Antayin ang inyong Member Data Record at PhilHealth ID card mula sa iyong employer.
Para naman sa mga negosyante at self-employed:
- Kumuha ng PMRF mula sa malapit na Local Health Insurance Offices (LHIO) o PhilHealth Express outlets sa iyong lugar.
- Isumite ang application form kasama ang mga requirements.
- Maghintay na maproseso ang iyong Member Data Record at PhilHealth ID card.
- Magbayad ng iyong premium contribution gamit ang iyong PhilHealth ID number.
Para sa mga kasambahay:
Kung ikaw naman ay namamasukan bilang isang kasambahay o gusto mong irehistro sa PhilHealth ang inyong kasambahay, narito ang mga hakbang na dapat gawin:
- Kailangang magsumite muna ang employer ng Household Employer Unified Registration Form at Household Employment Unified Report Form.
- Kailangan ring magsumite ng kasambahay ng dalawang kopya ng Kasambahay Unified Registration Form at 2 kopya ng valid ID.
- Mabibigyan ang employer ng PhilHealth Employer Number (PEN) at Certificate of Registration, samantalang PhilHealth Identification Number (PIN) at Member Data Record (MDR) naman ang ibibigay sa kasambahay na miyembro.
Para sa mga OFW at Pilipino na nasa ibang bansa:
Kung magbabakasyon kayo sa Pilipinas, maari niyo ring lakarin ang inyong PhilHealth application sa mga LHIO o PhilHealth Express outlets sa inyong lugar. Subalit kung hindi ito posible, mayroon kang tatlong paraan na pwedeng pagpilian:
- Mag-apply sa mga PhilHealth-accredited collecting partners iRemit and Ventaja Corporation na mayroon sa inyong bansa.
- Mag-apply sa pamamagitan ng PhilHealth online registration portal (Kasalukuyan lang down ang website na ito)
- Mag-download at magprint ng PMRF, sagutan ito at i-email kasama ang kopya ng iyong requirements sa [email protected].
BASAHIN:
3 PhilHealth benefits na hindi mo alam bukod sa in-patient at out-patient
Philhealth COVID-19 package para sa positibong pasyente mula April 15
6 Best Maternity Insurance in the Philippines
Iba pang requirements:
Bukod sa PMRF at 2 kopya ng 1×1 photo, narito naman ang mga pangunahing dokumento na kailangan mong isumite. Ihanda ang original copy at magdala rin ng isang photocopy ng isa sa mga sumusunod:
- Birth Certificate
- Baptismal Certificate
- Drivers License
- Passport
- Professional Regulation Commission (PRC) Card
- Seaman’s Book
Kung wala ang mga dokumentong nabanggit sa itaas, maari ring magsumite ng isang photocopy habang ipinapakita ang certified true copy ng DALAWA sa mga sumusunod:
- ATM Card
- Bank Account Passbook
- Birth/Baptismal Certificate of Children
- Marriage Contract
- NBI Clearance
- Police Clearance
- Postal ID Card
- Voter’s ID/Affidavit
- School Records
- Barangay o Municipal ID
Paano magbabayad sa PhilHealth?
Para sa mga empleyado, automatic na kinakaltas ng iyong pinapasukang kumpanya ang iyong PhilHealth contribution mula sa iyong sahod. Tandaan na hati kayo ng iyong employer sa pagbabayad nito.
Para naman sa mga self-employed at boluntaryong nagbabayad ng PhilHealth, maari kang magbayad ng iyong kontribusyon sa mga PhilHealth Express outlets sa iyong lugar o sa mga partner establishments gaya ng SM o Bayad Center. Pwede rin namang magbayad online sa pamamagitan ng mga collecting partners ng PhilHealth.
Maaring mamili kung ang paraan ng iyong pagbabayad ay monthly, quarterly, semi-annually o annually.
Dahil sa pandemya, pareho pa rin ang halagang ibabayad sa PhilHealth noong taong 2020. | Larawan mula sa PhilHealth website
Makakabuti kung titingnan mo ang status ng iyong contribution para makasigurong nakakabayad ka sa tamang oras at magagamit mo ang mga benepisyo ng PhilHealth kapag kailangan mo. Maari mo itong i-check sa member’s portal sa kanilang website. Kailangan lang ay alam mo ang iyong PhilHealth ID number.
Tandaan, napakaraming benepisyo na maari mong matanggap sa tulong ng PhilHealth, kaya magandang alamin at aralin kung paano mo magagamit ito. Ang laking tulong sa pamilya mo kung mayroon kang PhilHealth, kaya mag-apply na.
Kung mayroon kang katanungan tungkol sa mga benepisyo ng PhilHealth, huwah mahiyang tanungin ang HR officer sa iyong kumpanya o dumulog sa mga PhilHealth express outlets sa inyong lugar.
Source:
PhilHealth, Grit PH
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!