Mga magulang, narito ang isang gabay kung paano linisin ang dila ng sanggol.
Kapag maliit pa lang ang ating anak, mayroong mga bagay na natatakot tayong gawin sa kanila. Ilan rito ay ang pagpapaligo, paggupit ng kuko at para sa ilan, paglilinis ng dila ng sanggol. Napakasensitibo kasi ng kanilang mga dila at gilagid at natatakot tayong masaktan sila.
At maaring natanong mo na rin sa iyong sarili: wala pa naman silang mga ngipin, at hindi pa sila kumakain ng solid food. Bakit kailangang linisin pa ang dila ni baby?
Subalit ang oral hygiene ay hindi lang para sa mga bata at matanda. Mayroon ring bacteria sa loob ng bibig ng iyong baby. Kaya kailangan ding maging malinis ang loob ng bibig ng iyong anak, at mas maganda kung maaga mong sisimulan ito.
Bakit kailangang linisin ang dila ni baby?
Mahalagang linisin ang dila ng mga sanggol, lalo na sa mga newborn at mga baby na 6 na buwan pababa. Ito ay dahil sa kanilang pag-inom ng gatas, may naiiwan itong mga puting mantsa sa kanilang mga dila. Ang mga puting mantsa na ito ay maaaring pagpugaran ng bacteria at makasama sa kalusugan ng sanggol.
Kaunti pa lang ang laway ng mga baby. At dahil hindi pa sila puwedeng bigyan ng tubig, nahihirapan silang tanggalin ang residue sa kanilang dila. Kaya naman kailangan nila ng tulong natin para matanggal ang puting residue na ito.
Ito ang dahilan kung bakit importanteng linisin ang dila ng sanggol kada 3-4 na araw.
Narito pa ang ilang dahilan kung bakit kailangang linisin ang dila ng sanggol:
- Ang paglinis ng dila ay tumutulong para makakaiwas sa pag-absorb ng toxins ang katawan ni baby. Sa ganitong paraan, napapalakas ang immune system ng iyong anak.
- Ang pagsanay sa magandang gawain na ito mula sa pagiging sanggol ay naghihikayat ng magandang dental health at lumalaban sa pagkakaroon ng mabahong hininga.
- Ang naiiwang bacteria sa bibig ng sanggol mula sa pagkain o gatas ay mapanganib sa kaniyang kalusugan. Nakakatulong ang paglinis ng dila sa pagsugpo ng mga bacteriang ito.
- Napapabuti ang paglinis ng dila sa kaniyang taste buds. Dahil rito, mas nalalasahan ng iyong anak ang kaniyang pagkain.
- Kailangan ding linisin ang dila ni baby para makaiwas siya sa mga sakit kagaya ng oral thrush.
Ano ang oral thrush?
Ang gatas sa dila ni baby at ang oral thrush ay magkamukha. Paano mo malalaman kung oral thrush ito? Linisin mo ang dila ng iyong sanggol.
Kung gatas ang nasa dila ni baby, madali itong matatanggal. Subalit kung oral thrush, hindi nawawala ang puti sa dila ng sanggol.
Ang oral thrush ay isang fungal infection sa bibig ng mga sanggol at maliliit na bata. Ito ay dulot ng yeast na Candida albicans. Maaring nakakairita kapag mayroon nito ang iyong sanggol, subalit pwede namang gamutin ito.
Sanhi ng oral thrush sa mga sanggol
Maaaring magkaroon ng sintomas ng Candida ang mga bagong-panganak na sanggol pagkasilang pa lang o pagkaraan ng ilang linggo. Kapag ang nipples ng nanay ay mayroong yeast infection o nipple thrush, maaari niya itong maipasa sa sanggol.
Mas karaniwan umano ang oral thrush sa mga sanggol. Mayroon kasing maliit na amount ng Candida fungus na naninirahan sa loob ng ating bibig. Kadalasan, nalalabanan ito ng ating immune system.
Subalit sa kaso ng mga sanggol na hindi pa developed ang immune system, maaaring lumaki at dumami ang fungus at kumalat sa buong bibig. Hindi naman malinaw kung bakit nagkakaroon ng oral thrush ang ibang sanggol samantalang ang iba ay hindi.
Bagama’t hindi naman seryoso ang infection na ito, maaring hindi ito kumportable para sa mga sanggol at puwedeng magdulot ng hirap sa pagdedede o pagkain.
Sintomas ng oral thrush
Bukod sa hindi naaalis na puti sa kaniyang dila, narito pa ang ilang sintomas ng oral thrush sa sanggol:
- white patches sa taas na bahagi ng gilagid, sa loob ng pisngi at sa dila
- kulay pulang tissue na madaling magdugo
- pagiging balisa at iritable ng sanggol habang o pagkatapos niyang magdede
- panunuyo ng labi o pagcrack ng bahagi ng bibig
Kapag napansin ang mga sintomas na ito, lalo na ang puting residue na hindi natatanggal kahit linisin ang dila ni baby, mas mabuting kumonsulta na sa kaniyang pediatrician.
Minsan ay kusa namang nawawala ang mga sintomas na ito sa loob ng dalawang linggo. Pero para makasiguro ay tanungin na rin ang doktor ni baby.
Kailangan kasing mabigyan ng antifungal medication ang sanggol para gamutin ang oral thrush.
Gayundin, kung may nipple thrush ang nanay, pwede pa rin naman siyang magpadede. Subalit kailangan mo pa ring ipaalam ito sa kaniyang doktor para mabigyan kayo ni baby ng gamot at maiwasang kumalat pa ang impeksyon.
Paano lilinisin ang dila ng sanggol
Para makaiwas sa oral thrush, makakabuti na ugaliin ang paglilinis ng dila ng baby.
Nakakatakot man itong gawin sa umpisa (lalo na sa mga first-time moms), makakasanayan mo rin ito at kapag ginawa mo ng tama, hindi naman masasaktan ang iyong anak.
Ang paglilinis ng dila ng sanggol ay isang napakasimpleng proseso. Walang masyadong gamit na kailangan. Ang kakailanganin mo lang ay malinis at maligamgam na tubig at maliit na gauze o washcloth.
4 steps kung paano linisin ang dila ng baby
- Bago ang lahat, hugasan nang maigi ang iyong mga kamay. Pagkatapos pahigain si baby sa iyong lap o kandungin siya. Siguruhing nasusuportahan mo nang maigi ang kaniyang ulo.
- Kumuha ng isang washcloth o gauze at balutin mo ang iyong daliri nito.
- Ilublob ang gauze o washcloth sa malinis na tubig. Dahan-dahang buksan ang bibig ng bata at ipunas ang tela sa kanyang dila hanggang sa malinis ito. Gawing circular motion ang paglilinis ng dila ni baby at dahan-dahan lang.
- Maaari mo ring imasahe ang kaniyang gilagid at loob ng kanilang pisngi.
Subukang aliwin si baby habang ginagawa mo ito. Kantahan siya o kausapin. Ugaliing gawin ang mga hakbang na ito dalawang beses sa isang araw.
Narito ang isang video na maaaring gamitin na patnubay kung paano linisin ang dila ng baby:
Pagdating ni baby ng 6 na buwan at lumabas na ang kaniyang unang ngipin, maari ka nang gumamit ng malambot na toothbrush (pang-baby) para linisin ang kaniyang ngipin, gilagid at dila.
Maari ring gumamit ng kaunting kid-friendly toothpaste. Pero maari mo pa ring gamitin ang gauze at tela kung mas komportable ka rito.
Kung mayroon kang katanungan tungkol sa paglilinis ng dila ng iyong sanggol at iba pang bagay na may kinalaman sa hygiene at kalusugan ng iyong anak, huwag mahiyang magtanong sa inyong pediatrician.
Karagdagang ulat ni Camille Eusebio
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.