5 karaniwang pinag-aawayan ng bagong mag-asawa at paano ito masosolusyonan
Nagsisimulang bumuo ng pamilya? Narito ang mga problemang maari ninyong makaharap na mag-asawa at ang mga paraang maaring gawin upang ma-solusyonan ang mga ito.
Paano maayos ang relasyong mag-asawa? Narito ang mga tips mula sa mga eksperto na dapat mong malaman lalo na kung nagsisimula ka pa lang bumuo ng isang pamilya.
- Mga pangkaraniwang pinag-aawayan ng mga mag-asawa
- tips kung paano maayos ang relasyon
- paraan para magkaroon ng solusyon ang problema ng mag-asawa
Family photo created by pressfoto – www.freepik.com
Paano maayos ang relasyong mag-asawa?
Ang hindi pagkakaunawaan sa isang pagsasama ay normal lang. Ika nga ng matatanda, sangkap ito ng pagkakaroon ng mas matibay na relasyon. Pero kung ito’y pababayaan at hindi agad mapag-uusapan ay maaaring maging banta rin ito sa pagsasama. Dahil maaring magdulot ito ng sama ng loob o mas malalim na problema. Kaya naman narito ang mga karaniwang pinag-aawayan ng bagong mag-asawa. Pati na ang tips kung paano maayos ang relasyong mag-asawa lalo na sa mga nagsisimula pa lang ng isang pamilya.
Mga pangkaraniwang pinag-aawayan ng bagong mag-asawa
1. Pag-aalaga sa inyong anak.
Photo by Vidal Balielo Jr. from Pexels
Malamang bilang isang bagong magulang ay makaka-relate ka rito. Lalo na kung ang pakiramdam mo ay napapagod ka na sa pag-aalaga sa anak mo. Narito na iisipin mo na hindi ka tinutulungan ng iyong asawa. Kung sakaling tumulong man siya’y laging mali ang kaniyang ginagawa. Isa ito sa pangkaraniwang pinag-aawayan ng bagong mag-asawa. Pero dapat ang ganitong uri ng problema ay agad ninyong inuupuan at pinag-uusapan.
Ipaalam sa iyong asawa ang iyong nararamdaman. Ipaintindi sa kaniya na hindi ganoong kadali ang iyong trabaho bilang ina ng tahanan. Kung kinakailangan ng tulong sa pag-aalaga sa inyong anak ay huwag ring mahiyang magsabi sa kaniya. Dapat mo ring lawakan ang iyong pang-unawa, imbis na bulyawan siya sa tuwing mali ang kaniyang ginagawa ay alalayan siya sa paraan na mas mai-encourage siyang alagaan ang inyong anak.
Payo rin ng psychoanalyst na si Dena Domenicali-Rochelle, hindi porket kakaiba ang ginagawang pag-aalaga ng iyong asawa sa iyong anak ay nangangahulugang makakasama na ito sa inyong supling. Hayaan mong maging bonding moment ito ng mag-ama para maging malapit sila sa isa’t isa. Sapagkat sa pagdaan ng araw at panahon ay makakapag-adjust na sila sa bawat isa at magiging komportable na o natural ang pag-aalaga ng iyong asawa sa inyong anak.
2. Mga bangayan o hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng inyong in-laws.
Isa ito sa madalas na nararanasan ng marami sa atin. Ito’y ang bangayan o hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng ating mga in-laws. Hindi naman kasi natin mapipigilan ang mga biyenan natin na makialam lalo pa’t anak nila ang ating nakapangasawa. O kaya naman ang mga hipag o bayaw natin na pakialaman ang mga gamit ng kapatid nila. Pero maaari natin silang unawain o pakinggan bilang respeto. Saka maging bukas sa iyong asawa tungkol sa isyu na ito. Kailangan ninyong magkasundo kung paano ninyo ito kahaharapin. Kung kayo’y nakatira kasama sa iisang bubong ang inyong in-laws ay mabuting bumukod na. Sapagkat magpapatuloy ang problema na ito kung kayo ay magkakasama pa.
BASAHIN:
STUDY: 12 common mistakes na nakakasira sa relasyong mag-asawa
3. Hindi pagtulong ng iyong asawa sa gawaing-bahay.
Ayon kay Dr. Pepper Schwartz, isang relationship expert mula sa University of Washington, pagdating sa mga ganitong usapin lagi mong tandaan na ang dapat mong ayusin ay ang problema at hindi ang iyong partner. Halimbawa maging honest sa kaniya na ayaw mong natatambak ang hugasan. Dahil busy ka at maraming ginagawa baka maaari ka niyang tulungan. Iparamdam sa kaniya na malaking bagay ang pagtulong niya sayong ito. Ito ay para mas ganahan siya at ma-realize niya rin ang hirap na pinagdadaanan mo para sabay-sabay na maisagawa ang mga ito.
4. Kawalan ng oras sa isa’t isa.
Sa pagdating ng baby sa inyong pamilya, asahan na hindi na magiging tulad ng dati ang lahat sa pagitan ninyong mag-asawa. Maaaring mawalan na kayo ng oras sa isa’t isa. Ngunit hindi ito dapat pabayaang mangyari. Kahit na busy na sa pag-aalaga sa iyong anak ay dapat bigyan mo pa rin ng oras si mister. Kung busy naman si mister sa trabaho ay dapat gumawa pa rin kayo ng paraan na magkaroon ng oras sa isa’t isa. Maaari kayong mag-date kahit sa loob ng bahay lang. O kaya naman ay manood ng movie ng magkatabi habang natutulog si baby. Huwag ninyong hahayaang mawalan kayo ng quality time bilang mag-asawa. Dahil kung hindi ay maaari itong pagsimulan ng problema na kung isasawalang-bahala ay maaaring magdulot ng lamat sa inyong pagsasama.
People photo created by tirachardz – www.freepik.com
5. Problema sa usaping pera.
Isa ito sa madalas na pinag-aawayan ng mag-asawa na mas lumalala pa kapag nagkaroon na ng bata o baby sa pamilya. Dahil hindi tulad ng dati ay mayroon ng bagong responsibilidad. Kinakailangan ng maging mas matipid o wais sa pagba-budget para masigurong maibibigay ang pangangailangan ni baby at gastusin sa bahay. Ang isyung ito kung hindi mapag-uusapan ng mag-asawa ng maayos ay maaaring magdulot ng magkakakonektang problema sa pagsasama. Payo ni Dr. Schwartz sa mga bagong mag-asawa humingi ng tulong mula sa financial counselor. Upang magabayan kayo sa tamang pagbubudget ng inyong pera. O kaya naman ay matutong disiplinahin ang inyong sarili. Ipaintindi sa isa’t isa na hindi na kayo binate at dalaga. Higit sa inyong sarili ay may bago na kayong dapat pagtuunan ng pansin. Ito’y ang inyong anak at ang inyong nagsisimulang pamilya.
Ilan lamang ang mga nabanggit sa pangkaraniwang problema na nararanasan ng mag-asawa at ang tips kung paano maayos ang relasyong mag-asawa lalo na ang mga nagsisimula palang bumuo ng isang pamilya.
Source:
Photo: