Paano mag loan sa SSS? Narito ang mga requirements na dapat mong ihanda at ang prosesong dapat mong pagdaanan.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga kaalaman patungkol sa pag-loan sa SSS
- Requirements na kakailanganin sa pag-loan sa SSS
- Mga kuwalipikado sa SSS loan
Mga dapat malaman tungkol sa kung paano mag-loan sa SSS
Ang SSS o Social Security System ay isang ahensya ng gobyerno na naglalayong mag-bigay ng social insurance sa mga Pilipino. Bukas ito para sa mga empleyado at manggagawang nagtratrabaho sa mga pribadong kumpanya o organisasyon. Puwede rin maging miyembro nito ang mga propesyonal, self-employed o indibidwal na may source of income o kakayahang magbayad ng buwanang kontribusyon.
Ang pagiging miyembro ng SSS ay may kaakibat na benepisyo. Tulad ng sickness benefit, maternity, disability, retirement, death at funeral benefits. Mayroon ring mga loans na ini-offer ang ahensya para sa mga miyembro nitong nangangailangan. Ang mga ito ay ang sumusunod.
Business photo created by ijeab – www.freepik.com
SSS Salary Loan
Ang SSS Salary Loan ay isang cash loan na ipinagkakaloob ng ahensya sa mga aktibong miyembro nito na employed o self-employed.
Sa ilalim ng SSS Salary Loan ay may dalawang klase ng loan ang maaaring i-avail ng manghihiram na miyembro. Nakadepende ito sa dami ng mga buwan na nakapaghulog siya ng kontribusyon.
Mayroong one-month salary loan na para sa mga miyembrong nakapaghulog ng kontribusyon sa ahensya ng hindi bababa sa 36 buwan. Para naman sa nagnanais na kumuha ng two-month salary loan, kailangang mayroon ng 72 buwang kontribusyon.
Ang halaga ng loan na maaaring hiramin ng SSS member sa pamamagitan ng salary loan ay nakadepende sa average amount ng kaniyang kontribusyon sa nakaraang 12 buwan. Ngunit para sa one-month salary loan ay maaaring makahiram ng hanggang sa P15,000. Habang sa two-month salary loan ay maaring makahiram ng hanggang sa P30,000.
Ang hiniram na halaga ay dapat bayaran sa loob ng 24 buwan o 2 taon na may 10% interes sa kada taon.
Kuwalipikasyon
Ang mga miyembro ng SSS na maaaring makapag-avail ng salary loan ay dapat pasok o makakapasa sa mga susunod na kuwalipikasyon:
- Kasalukuyang nagtatrabaho, may sariling trabaho (self-employed) o voluntary member na aktibong nagbabayad ng kaniyang SSS contribution.
- Hindi pa nabigyan ng SSS final benefits tulad ng permanent disability, retirement at death.
- Ang miyembro’y dapat wala pang 65 na taong gulang.
- Ang miyembro’y dapat walang kaso ng pandaraya na ginawa laban sa SSS.
- Para sa mag-a-avail ng one-month salary loan, ang SSS member ay dapat magkaroon ng 36 months posted contribution. Anim na buwan sa mga ito’y dapat nasa loob ng nakalipas na 12 buwan bago ang pagpa-file ng loan application.
- Para naman sa nagnanais mag-avail ng two-month salary loan, ang SSS member ay dapat magkaroon ng 72 months posted contribution. Two months sa mga ito’y dapat na sa loob ng nakalipas na 12 buwan bago ang pagpa-file ng loan application.
Mga requirements na kailangan
Narito naman ang mga requirement na dapat ihanda ng SSS member na nagnanais maka-avail ng salary loan.
- Nasagutang SSS Member Loan Application Form na maaring ma-download dito.
- SSS Digitized ID o E-6. Kung wala pang SSS Digitized ID ay maaring magbigay ng dalawang ID bilang identification.
Kung ipapasa ng isang authorized representative:
- Nasagutang SSS Member Loan Application Form ng miyembrong nanghihiram.
- Letter of Authority (LOA) na pinirmahan ng parehong miyembro at ng kaniyang authorized representative.
- SSS Digitized ID ng miyemro o anumang dalawa niyang valid IDs na may parehong pirma at larawan.
Kung ipapasa ng employer at kumpanya:
- Nasagutang SSS Member Loan Application Form ng miyembrong nanghihiram.
- Authorized Company Representative o ACR card na nagmula sa SSS.
- Letter of Authority (LOA) mula sa employer at dalawang valid ID’s na may parehong pirma at larawan.
- SSS Digitized ID ng miyemro o anumang dalawa niyang valid IDs na may pareho niyang pirma at larawan.
Paano mag-apply?
Ang miyembro na nagnanais mag-proseso ng salary loan ay dapat magpasa ng kaniyang aplikasyon sa pinaka-malapit na SSS branch sa kaniyang lugar. O kaya naman ay magpasa ng aplikasyon online sa SSS website (sss.gov.ph).
SSS Educational Loan
Education photo created by pressfoto – www.freepik.com
Ang SSS Educational Loan ay ang uri ng loan na ini-offer ng SSS sa mga miyembro at beneficiaries nitong nangangailangan ng dagdag budget sa pag-aaral sa kolehiyo o isang vocational course. Para sa degree course sa kolehiyo ay maaring mag-loan ang miyembro ng SSS para sa kaniya o kaniyang beneficiary ng hanggang sa P20,000 kada semester. Habang para sa mga miyembro o kaniyang benepisyaryo na kukuha ng vocational course ay maari siyang mag-loan ng hanggang sa P10,000 kada semester.
Para maka-avail ng SSS Educational Loan, mahalaga na ang miyembro o benepisyaryo nito ay naka-enroll sa isang CHED accredited school para sa degree courses. Habang ang mga kukuha ng vocational course ay dapat naka-enroll sa isang TESDA accredited school.
Ang mga beneficiary ng SSS miyembro na qualified para sa SSS educational loan ay ang sumusunod:
- Kaniyang mga kapatid, kabilang na ang kaniyang half-brother/sister kung hindi pa siya kasal.
- Asawa at mga anak kung siya ay kasal na.
Kwalipikasyon
Ang mga miyembro ng SSS na maaring makapag-avail ng educational loan ay dapat pasok o makakapasa sa mga susunod na kwalipikasyon:
- Ang miyembro ay dapat may monthly salary na hindi hihigit sa P25,000 kada buwan.
- May huling monthly salary credit na P15,000 o mas mababa pa.
- Nakapagbayad ng monthly contribution ng at least isang buwan sa nakalipas na 3 buwan.
- Walang utang o nakapagbayad ng kaniyang SSS housing loan o salary loan.
Mga requirements na kailangan
- Nasagutang SSS Educational Loan application form na ma-dodownload ang kopya dito.
- SSS ID o 2 valid IDs ng manghihiram na miyembro ng SSS.
- Photocopy ng SSS ID o 2 valid IDs ng miyembro.
- Assessment o billing statement mula sa eskwelahan na pinag-enrolan ng miyembro o kaniyang benepisyaryo.
- Xerox copy ng natatakan na SSS E1 form ng beneficiary ng SSS member. Kailangan kumuha ng beneficiary ng kaniyang sariling SSS number.
- Patunay na hindi hihigit sa P25,000 ang monthly income ng manghihiram na miyembro. Tulad ng mga sumusunod na dokumento:
– Pay Slip (original at xerox), kung may trabaho
– Pay envelope (original at xerox), kung may trabaho
– Certification of Income mula sa Employer, kung may trabaho
– Latest BIR-stamped ITR para sa mga self-employed
– Notarized Affidavit of Income na nakasaad na hindi hihigit sa P25,000 pesos ang monthly income para ng mga self-employed o voluntary members na mag-loloan.
BASAHIN:
Paano ba mag-apply ng loan mula sa mga ahensiya ng gobyerno?
Landbank mayroon ng “study now, pay later” loans para sa SY 2021-2022
Yes, You Can Be a Homeowner: A Who, What and How Guide to the Pag-IBIG Housing Loan
SSS Calamity Loan o Emergency Loan
Image courtesy of Basilio H. Sepe/ Greenpeace
Ang SSS Calamity Loan ay isang special loan na ibinibigay ng ahensya sa miyembro nito tuwing may kalamidad tulad ng bagyo, lindol at hindi inaasahang insidente. Hindi ito available sa lahat ng miyembro sa lahat ng oras. Para malaman kung ang miyembro ay qualified para sa SSS calamity loan, kailangan munang i-check o i-inquire ito sa SSS branch na malapit sa kaniyang lugar. Maaaring makapag-loan ng hanggang sa P20,000 ang isang miyembrong mag-aapply ng SSS calamity loan na kuwalipikado.
Kuwalipikasyon
Ang mga miyembro ng SSS na maaaring makapag-avail ng calamity loan ay dapat pasok o makakapasa sa mga susunod na kwalipikasyon:
- Nakapagbayad ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon. Dapat anim na buwan sa mga ito ay naibayad sa loob ng 12 buwan bago ang application sa SSS calamity loan.
- Ang lugar na tinitirhan ng miyembro ay idineklarang under ng State of Calamity.
- Hindi pa nabigyan ng SSS final benefits tulad ng permanent disability, retirement at death.
- Walang outstanding loan sa SSS Loan Restructuring Program o Calamity Loan Assistance Program.
Mga requirement na kailangan
- Nasagutang Calamity Loan Assistance Application Form na maaring ma-download dito.
- Isang primary ID (UMID, driver’s license, passport, PRC card, or Seaman’s Book) or two secondary IDs (PhilHealth ID, company ID, senior citizen ID, voter’s ID, TIN card, etc.)
Para sa mga OFW SSS members, maaari silang magpadala ng kanilang representative na maaring mag-file ng kanilang application. Ang mga dagdag na dokumento lang na kailangan nilang ihanda ay ang mga sumusunod:
- Authorization letter.
- Printed scanned copies ng kanilang OFW’s valid IDs at original valid IDs ng kanilang authorized representative.
SSS Housing Loan
May mga housing loan din na ibinibigay ang SSS para sa mga kuwalipikadong miyembro nito. May apat na klaseito. Ang mga ito’y ang sumusunod:
- Direct Housing Loan Facility for Workers Organization Members
- Direct Housing Loan Facility for OFW’s
- House Repair/ Improvement Loan
- Assumption of Mortgage
Ang Direct Housing Loan Facility for Workers Organization Members o WOMs ay naglalayong magbigay ng socialized at low-cost housing para sa mga manggagawang nagtratrabaho sa pribadong sektor na rehistrado sa DOLE.
Maaaring magamit ito para pampagawa ng bahay ng miyembro, pambili ng lote, house and lot, condominium unit o townhouse. Habang ang Direct Housing Loan Facility for OFW’s ay naglalayon din magawa ang parehong layunin para naman sa mga OFWs.
Ang House Repair/ Improvement Loan ay magagamit naman ng mga miyembro para expansion o pag-enhance ng kaniyang housing unit; o kaya naman pampagawa ng concrete fence o steel gate. Magagamit din ito para sa pagpa-install ng deep well at motor pump.
Habang ang Assumption of Mortgage Loan naman ay para sa mga SSS member na may good standing na kanilang magagamit upang ma-assume ang updated principal balance ng kanilang existing SSS housing loan.
Kuwalipikasyon
Ang mga miyembro ng SSS na maaaring makapag-avail ng Housing Loan ay dapat pasok o makakapasa sa mga susunod na kuwalipikasyon:
- Nakapagbayad ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon. Dapat anim na buwan sa mga ito ay naibayad sa loob ng 12 buwan bago ang application sa SSS calamity loan.
- Ang miyembro’y dapat hindi higit sa 60 taong gulang.
- Hindi dapat nauna ng na-grant ng SSS Housing Loan.
- Hindi pa nabigyan ng SSS final benefits tulad ng permanent disability, retirement at death.
- Updated sa pagbabayad ng ibang SSS loans.
Ang mga kakailanganing requirements ay nakadepende sa uri ng housing loan na i-avail. Para sa mas dagdag na impormasyon at pag-apply ay dapat personal na bumisita sa pinakamalapit na SSS branch sa inyong lugar.
SSS Business Loan
May business loan rin naman na ini-offer ang SSS para sa may business o negosyo. Ito ay may 3 uri at ito ay ang sumusunod:
- Business Development Loan Facility
- Social Development Loan Facility
- Fixed-Term Credit Facility
Pero para sa mga indibidwal na miyembro, ang business loan na maaari nilang i-avail ay ang business development loan facility.
Ang business development loan facility ay para sa mga miyembro nitong may negosyo o nagsisimulang mag-negosyo. Ito man ay single proprietorship, partnership, corporation, kooperatiba at non-governmental organizations. Habang ang mga Social Development Loan Facility at Fixed-Term Credit Facility ay para naman sa miyembro ng SSS na mga institusyon.
Para sa karagdagang impormasyon sa kwalipikasyon at requirements ay makipag-ugnayan lang sa pinaka-malapit na SSS branch sa inyong lugar.
Source:
Photo:
Photo by Andrea Piacquadio from Pexels