May tamang paraan kung paano mag sorry para mas madaling patawarin ng iyong misis o mister ang nagagawa mong pagkakamali. Ito ay ayon sa isang psychologist.
Bakit hindi agad madaling tanggapin ang paghingi mo ng tawad?
Hindi maiiwasan ang mga hindi pagkakaintindihan o pagkakamali sa isang pagsasama. Normal ito dahil tulad ng tao, walang relasyon ang perpekto. Ngunit kung ang mga pagkakamaling ito at hindi pagkakaunawaan ay hindi agad naayos maaring maging simula ito ng lamat sa pagsasama. Kaya mahalagang payo ng mga eksperto, panatilihing bukas ang komunikasyon sa iyong asawa. At magpatawad sa bawat pagkakamaling nagawa.
Ayon sa wellness coach na si Elizabeth Scott, ang paghingi ng tawad lalo na kung ito ay sincere ay nakakabawas ng guilt sa kasalanang nagawa. Bagamat hindi nito nabubura ang kasalanan o nagawang pagkakamali, paraan naman ito para aminin mo ang nagawa mong kasalanan. At pagkakataon rin upang patunayan na ikaw ay nagsisi at hindi na ito uulitin pa.
Pero ayon sa psychologist na si Ann Gold Buscho, ang paghingi ng sorry o tawad ay hindi sapat. Dahil ang pagsasabi daw nito sa isang taong nagawan mo ng pagkakamali ay hindi nakakatulong sa kaniya. Lalo na kung ito ay hindi sincere na paghingi ng tawad o apology. Imbis nga daw na ayusin nito ang gusot o hindi pagkakaintidihan sa pagsasama ay magdudulot lang daw ito ng damage sa pagdaan ng panahon.
Kaya payo ni Buscho, mahalagang matutunan ng mag-asawa ang tamang paraan kung paano mag sorry, ito ay upang maiwasang magdulot ito ng problema sa kanilang pagsasama.
Ang tamang paraan nga kung paano mag sorry sa iyong asawa upang madali kang mapatawad niya ay ang sumusunod.
Tamang paraan kung paano mag sorry at humingi ng tawad
I-acknowledge ang nagawa mong kasalanan. Ito ay isang palatandaan na nagiging responsable ka sa iyong nagawang pagkakamali.
Isang halimbawa nito sa tuwing umuuwi ka ng gabi o late na ng hindi nakapagsabi sa iyong asawa. I-acknowledge ang nagawa mong mali sa ganitong paraan. “Pasensya na hindi ako agad na nakapagsabi sayo na gagabihin ako. Bigla kasing nagkakayayaan dahil birthday ng boss namin. Pasensya ka na hindi ka tuloy nakakain sa oras kakahintay sa akin.”
Sunod na i-acknowledge ang nararamdaman ng iyong asawa dahil sa nagawa mong kasalanan o pagkakamali.
Gawin ito sa pamamagitan ng pagsasabi sa naging epekto ng iyong nagawang pagkakamali. Tulad ng sumusunod na pahayag:
“Malamang galit ka sa nagawa ko. Dahil naghintay ka ng matagal at nalipasan na ng gutom. Baka nga naisip mong hindi na kita naalala. Tapos nakainom pa ‘ko nang umuwi.”
Ipakita o ipaalam sa iyong asawa na alam mong mali ang iyong nagawa. At ito ay hindi magandang gawin o isang pagkakamali na maaring makaapekto sa inyong relasyon.
Gawin ito sa pamamagitan ng halimbawang pahayag:
“Maling-mali ang ginawa ko. Dapat ipinapaalam ko na agad sayo na gagabihin ako ng uwi dahil asawa kita. Hindi ko binigyan ng halaga yung nararamdaman mo. Lalo na yung oras mo ng paghihintay mo sakin. Dagdag pa ang pag-uwi ko ng nakainom. Dapat bilang mag-asawa ay lagi kong iniiisip ang nararamdamam mo.”
Ipakita na tapat ang paghingi mo ng patawad at ikaw ay nagsisisi sa iyong ginawa.
Huwag mahiyang sabihin sa iyong asawa ang nararamdaman mo. Kung anong magiging epekto sayo kapag hindi ka niya napatawad. Gawin ito sa pamamagitan ng sumusunod na pahayag:
“Sana mapatawad mo ko sa nagawa ko. Hindi ko kayang nagagalit ka sakin at hindi ako pinapansin. Mahalaga sa akin ang pag-aasikaso na ginagawa mo. Hindi kumpleto ang araw ko kapag hindi ka nakakausap. Ayaw kong may sama ka ng loob sa akin. Kaya sana tanggapin mo ang paghingi ko ng tawad sa nagawa kong pagkakamali.”
Mangakong hindi mo na uulitin ang nagawang pagkakamali.
Upang makumbinsi ang iyong asawa na nagsisisi sa nagawang kasalanan, ay ipangakong hindi mo na ito uulitin. Suportahan ito ng mga pahayag na magsisiguro na mapapangatawanan mo ang pangakong iyong sinasabi.
“Sorry talaga sa nagawa ko. Promise ko sayo hindi ko na uulitin. Sa susunod na gabihin ako ng uwi, sasabihin ko agad sayo. Hindi rin ako basta sasama sa mga inuman ng hindi nagpapaalam sayo. Kung sakali man na may handaan o may okasyon sa opisina ipapaalam ko agad sayo bago pa man mangyari iyon. Para makasama ka at makilala mo rin ang mga taong nakakasama ko.”
Bumawi ka sa nagawa mong kasalanan.
Para naman mabawasan ang tampo o galit ng iyong asawa sa nagawa mong kasalanan ay bumawi sa kaniya. Gawin ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng bagay na magpapasaya sa kaniya. O kahit anumang aktibidad na alam mong mag-ienjoy siyang gawin kasama ka.
“Para naman makabawi ako, kumain tayo sa paborito mong restaurant. O kaya naman ito ang ATM ko mag-shopping ka ng mga bagong damit o gamit sa bahay na gusto mo. Pero pwede rin namang ipagluto kita ng putaheng gusto mo para naman makabawi ako sa oras na naghintay ka at nalipasan ng gutom dahil sa akin.”
Gamit ang nabanggit na paraan kung paano mag sorry maipapakita mo sa iyong asawa na sincere ka sa paghingi ng tawad sa kaniya. At nagsisisi ka sa nagawa mong pagkakamali na nakasakit sa damdamin niya.
Source:
Psychology Today, Very Well Mind
Photo: Freepik, Woman photo created by pressfoto – www.freepik.com
Read more:
“Sorry anak nadadamay ka kapag mainit ang ulo ni mama”