Mainitin ang ulo? Baka maka-relate ka sa mensahe na ito ng isang ina para sa kaniyang anak.
Mensahe ng isang ina na laging mainit ang ulo sa kaniyang anak
Dear anak,
May sasabihin sayo si Mama na napaka-importante.
Sorry.
Iyan ang lagi kong ipinapaalala na sabihin mo sa tuwing makakagawa ka ng pagkakamali. Ultimo sa maliliit na bagay na ginawa mo tulad ng, “Mag-sorry ka dahil natapon mo yung juice!” Mag-sorry ka dahil iniwan mong nakakalat yung mga laruan mo sa sahig!” “Mag-sorry ka dahil pinutol mo yung lipstick ni Mama!”
Image from Unsplash
Pero ako mismo nakakagawa ng pagkakamali at hindi ko iyan masabi sayo. Kaya naman ngayon anak, gusto kong sabihin sayo na sorry.
I’m sorry kung mainitin ang ulo ni Mama.
Sorry kung istrikto at maikli ang pasensya ko sayo. Sorry kung pinapagalitan kita sa maraming tao At sorry kung napipisil ko ang mga kamay mo na minsan halos mamaluktot ka na sa sakit
Naalala ko yung minsan isang hapon na napagalitan kita ng tatlong beses sa loob ng dalawang oras. Nasa loob tayo noon ng isang shopping mall at ikaw, bilang bata ay naglalakad at nagtatalon na tila may imaginary game kang nilalaro. Nang matumba ka at madapa ay agad kitang sinigawan na” Di ba sabi ko sayo maglakad ka ng maayos dahil madadapa ka at masasaktan”. At saka ko hinila yung mga kamay mo para ikaw ay makatayo.
Pagkatapos, nasundan agad iyon ng pagsigaw ko sayo sa loob ng isang furniture store. Tinawag mo ko noon ang sabi mo
“Ma, tingnan mo sumasayaw yung ballerina na nasa jewelry box!”.
Saka mo iyon dinampot at naihulog dahilan para mabali ang legs ng ballerina at magasgasan ang barnis ng jewelry box. Matapos kung mabayaran ang damage na ginawa mo, mariin kung sinabi sayo na harap ng mga empleyado ng furniture shop na
“Di ba sabi ko sayo huwag kang hahawak ng kahit anong bagay na hindi naman sayo.”
Image from Shutterstock
Sumunod naman ay iyong habang kumakain tayo ng dinner sa isang restaurant ng parehong araw na iyon. Umiinom ka ng tubig sa baso mo na nakataas ang iyong hinliliit na parang ikaw ay isang prinsesa. Sabay maya-maya ay sinabi mong “Oopsie, Mama, natapon ko yung tubig.” Alam ko inaasahan mo na papagalitan na naman kita na muli ko ngang ginawa. Ang galit na sabi ko “Di ba sabi ko sayo hawakan mo yung baso gamit ang dalawa mong kamay. Tingnan mo kung anong ginawa mo.”
Wala ko noong pakialam sa mararamdaman mo. Ang gusto ko lang ay maitama ang pagkakamali mo at huwag na itong ulitin. Ngunit sa tuwing ginagawa ko iyon nakikita ko na nawawala yung mga ningning sa mga mata mo at nalulungkot ang mukha mo.
Pag-uwi natin noong araw na iyon sa bahay ay pagod at mainit parin ang ulo ko. Pero ikaw very energetic parin, pag-uwi nga natin sa bahay ang nasabi mo “Home sweet home”. Habang ako naman ay dumeretso agad sa kwarto at nahiga agad.
Nang mga oras na iyon, gusto ko lang mag-break sa kakulitan mo. Sa mga little accidents na ginagawa mo at sa pagsesermon sayo.
Matapos ang ilang minuto ay nahiga ka sa tabi ko. Nakangiti ka sa akin kahit ilang beses kitang napagalitan at napagsabihan. Nang makita ko ang maaliwalas at nakangiting mukha mo na hindi naalis ng mga pagsesermon ko, na-realize ko dapat kong ipagpasalamat na mayroon akong very positive na anak na tulad mo. At na-realize ko din na ang break talaga na kailangan ko, ay ang break sa sarili ko at hindi sayo.
“Sorry anak.”
Ayoko ng maging mama mo na laging mainitin ang ulo, laging galit, laging nakasigaw. Ayokong ang mga pangit na ugali ko na iyon ay makasanayan at makalakihan mo. Hindi dapat ganoon ang isang ina.
Kaya naman mula ngayon lagi kong ipapaalala sa sarili ko na ikaw ay bata lang. Isang apat na taong gulang na normal lang na makagawa ng pagkakamali upang ikaw ay matuto. At upang malaman mo ang limitasyon mo kahit na ba ang ibig sabihin nito ay masusubok din ang limitasyon ko.
Dahil ito ang paraan para malaman mo kung ano ang tama at mali. Ang paraan upang matutunan mo ang magiging resulta ng mga ginagawa mo.
Image from Freepik
Kaming mga magulang ay gusto lang na protektahan kayong mga bata. Ngunit minsan hindi namin naiisip na mas nilalagay namin kayo sa kapahamakan dahil hindi namin kayo hinahayaang matuto.
Ang pag-aalala ko na ito ang dahilan ng pagiging mainitin ng ulo ko. Pero na-realize ko kailangang mag-relax lang ni Mama at mag-chill. At imbis na pagalitan ka sa bawat pagkakamali mo, ang unang dapat na sinasabi ko sayo ay “Okay ka lang ba?”
Kaya sa ngayon ay may mga mahahalagang salita akong sasabihin sayo.
“Sorry anak.”
At minsan kahit gaano pa kainit ang ulo ko, lagi mong tandaan ang mga salitang ito. Ang mga salitang habang-buhay kong ipaparamdam sayo na mula sa aking puso, isip at buong pagkatao.
“Mahal kita.”
Nai-republish na may pahintulot mula sa theAsianParent Singapore.
Isinalin sa mula sa wikang Ingles ni Irish Mae Manlapaz.
Basahin: 3 paraan ng pagdidisiplina na nagreresulta sa mas pasaway na bata
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!