Paano maging matalino ang iyong baby? Narito ang mga dapat mong gawin!
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga tips kung paano maging matalino ang iyong baby.
- Mga activities na maaring ipagawa sa iyong anak base sa kaniyang edad na makakatulong sa kaniyang brain development.
Paano maging matalino ang iyong baby?
Malamang ito ang tanong na lahat ng mga magulang ay nais na marinig ang sagot. Dahil syempre, sino bang magulang ang ayaw na lumaking matalino at bibo ang kanilang anak?
Ang pagiging matalino ay hindi lang isang kakayahan na dapat ipagmalaki. Dito sa Pilipinas marami sa atin ang naniniwala na ito ay isang katangian na mag-aangat sa isang tao mula sa kahirapan.
Kaya naman para sa magandang kinabukasan. ang bawat magulang ay naghahangad na lumaking matalino ang kanilang mga anak. Lahat ay ating gagawin upang ito ay matupad.
Sa ngayon, marami sa atin ang umaasa sa makabagong teknolohiya para lumaking matalino ang ating anak. Tulad ng pagpapanood sa kanila ng mga educational videos gamit ang smart gadgets tulad ng cellphone, tablet at laptop.
Pero ayon sa mga pag-aaral, ang ganitong klase ng brain tools ay hindi talaga nakakatulong sa brain development ng isang bata. Sa katunayan, ito daw ay isang hadlang para ma-delay o mapabagal ang kakayahan ng isang bata na magsalita. Ito ay ayon sa pag-aaral na nailathala sa Journal of Pediatrics.
Ngunit paliwanag ng mga eksperto na hindi kabilang sa ginawang pag-aaral, hindi basta ang mga video ang dahilan kung bakit nangyayari ito. Ito ay ang ginagawa nating pagsasawalang-bahala sa parent-to-baby contact o pagkakaroon ng interaction sa ating anak na siyang pinakamagandang learning tool para sa kanila.
Pero paano nga magiging matalino ang isang bata? Narito ang mga dapat mong gawin!
-
Makipag-usap at makipaglaro sa iyong baby.
Ayon sa mga eksperto, ang pakikipag-usap sa mga baby, pakikipaglaro sa kanila at pagbibigay atensyon sa kanilang mga interes ay numero unong hakbang na dapat gawin ng mga magulang para sila ay lumaking matalino.
Dahil sa tulong ng kanilang mga interes at sa paggamit nito para mahasa pa ang kanilang curiosity ay nakakatulong sa stimulation ng kanilang pag-iisip.
-
Panatilihin ang interaction sa pagitan mo at ng iyong anak halimbawa tulad ng pagbabasa na kasama siya.
Mahalagang maintindihan na hindi naman sinasabi ng mga eksperto na nakakasama ang pagpapanood ng mga educational videos sa iyong anak. Pero para umano mas maging positibo ang epekto nito ay dapat i-maintain ang interaction sa kanila habang ito ay ginagawa.
Ang mga karanasan na may emosyonal na nilalaman at pakikisalimuha sa tao ay mas may kabuluhan para sa mga sanggol. Gumagana ito na parang glue sa kanilang memorya, na tumutulong sa pag-retain na kanilang mga natututunan.
Ayon sa mga eksperto, isa sa pinakamahusay na paraan o halimbawa nito ay ang pagbabasa kasama ang iyong anak. Habang nagbabasa ay siguraduhing nagi-interact kayong dalawa.
Gawin itong mas interactive na karanasan na maaari pang hasain ang kanilang mga imahinasyon at kuriosidad. Gamitin itong oportunidad para magturo sa kanila ng mga litrato na may iba’tibang kulay at hugis. O di kaya naman ay ng iba’t-ibang klaseng hayop at mga bagay na makikita sa inyong kapaligiran.
May mga ibang nag-aalaga sa mga baby na naniniwala na kapag nilagay nila ang mga baby sa harap ng TV, tahimik lamang itong nakaupo at hindi masyadong magulo, ang baby raw marahil ay masaya at kontento.
Pero sa totoo, ang pag-shutdown sa kanilang paligid o pananahimik ay isang palatandaan na stressed na ang isang sanggol. Kapag ganito ang nangyayari sa sanggol, siya ay walang natutunan at na-dedelay ang kaniyang development.
-
Ipakita sa kaniya ang iyong pag-uuraga at pagmamahal.
Bilang karagdagan sa aktibo mong papel sa paghasa sa learning process ng iyong anak, sinasabi ng mga eksperto na ang pagbibigay ng pagmamahal at pag-aaruga sa inyong baby ay nakakatulong din sa pagtalas ng kanilang mga pag-iisip.
-
Pumili ng tamang laruan para sa iyong anak.
Isa ring paraan para mahasa ang katalinuhan ng iyong anak ay sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang laruan sa kaniya.
Inirerekomenda ng mga eksperto na piliin ang mga simpleng laruan na angkop sa edad ng iyong anak. Ito ay upang hindi ito magdulot ng frustration sa kaniya.
Tulad halimbawa sa mga sanggol na mas nais ang mga laruang gumagalaw o tumutunog. Halimbawa nito ang mga rattle na pwede nilang alugin sa kanilang sarili. Habang lumalaki sila pwede nang ipakilala sa kanila ang mga textural toys na pwede nilang mahawakan o i-squish tulad ng mga stuff toys.
Dagdag pa ng mga eksperto, sa katunayan lahat ng laruan na nakakapag-stimulate ng curiosity ng isang bata ay makakatulong sa kaniyang development. Pati na ang mga laruan na gumagamit ng mga kulay o mga hugis ay isang malaking tulong rin sa learning development nila.
-
Pakinigin ng music ang iyong mga anak.
Ayon sa pag-aaral, ang pakikinig ng music ay mabisang pampatalino sa mga bata. Napatunayan ito ng pag-aaral matapos ikumpara ang score sa IQ subtest at academic achievement ng mga batang madalas na nai-expose sa music tulad ng mga sumasailalim sa music lessons.
Natuklasan nga nilang mas mataas ang score sa IQ subtest at naitalang mas nagkakamit ng academic achievement ang mga batang nag-mumusic lessons o madalas na nai-expose sa music.
At hindi nga lang umano sa mga bata helpful ang music, dahil ayon sa isang Northwestern University study nakakatulong din daw ito sa matatanda sa pamamagitan ng pagbabawas ng epekto ng aging o pagtanda.
-
Siguraduhing nakakapag-exercise at laging active ang iyong anak.
Ang pag-eexercise ay tumutulong para mas mapabilis ang ability ng isang batang matuto.
Base sa isang 2007 human study ng mga German researcher, mas natuto ng 20% ng mga bagong vocabulary words ang mga tao pagkatapos mag-exercise.
Sinuportahan naman ito ng isa pang pag-aaral na nagsabing ang tatlong buwan ng pag-eexercise ay nag-iincrease ng blood flow sa parte ng utak na nagfofocus sa memory at learning ng 30%.
Base naman sa isang pag-aaral mula sa librong Brain Rules for Baby: How to Raise a Smart and Happy Child from Zero to Five ang pagiging active ay mas magandang paraan para sa mga batang matuto kaysa sa panonood lang ng baby videos.
Sa isang oras kada araw nga umano na panonood ng baby videos, ang mga bata ay nakakaintindi lang ng anim hanggang walong salita kumpara sa mga batang hindi nanonood nito.
Dahil ayon naman sa librong The Talent Code ni Dan Coyle, ang paggawa sa mga bagay ay mas tumutulong sa ating utak na mag-evolve kumpara sa pakikinig lang para matuto.
Woman photo created by pch.vector – www.freepik.com
-
Siguraduhing nakakatulong ng maayos at sapat sa oras ang iyong anak.
Isa pang napaka-halagang tip kung paano maging matalino ang bata ay ang pagpapatulog sa kaniya ng maayos at sapat sa oras. Dahil ang kakulangan ng isang oras na tulog ng isang bata ay katumbas ng dalawang taong pagkawala ng kaniyang cognitive maturation at development.
Habang nakakakuha naman ng mas mataas na grades ang mga batang natutulog ng dagdag pang 15 minutes. Ito ay base sa pag-aaral na tinalakay sa librong Nurtureshock na isinulat nina by Po Bronson at Ashley Merryman.
BASAHIN:
STUDY: Mahilig si baby sa magic? Clue daw ito kung magiging matalino siya paglaki
Why it’s Increasingly Important to Grow Nature Smart Preschoolers
Paano maging matalino ang iyong anak? Mga dapat gawin base sa kaniyang edad
Samantala, maliban sa mga nabanggit na tips, narito ang mga activities na maaari mong gawin upang mas masuportahan pa ang brain development ng iyong anak. Ang mga tips na ito ay nakabase sa kanilang edad na rekumendasyon ng mga eksperto.
Birth – 4 months
- Gumawa ng mga nakakatawang expression sa iyong mukha at ipakita ito sa iyong anak.
- Kilitiin ang katawan ng iyong anak para ma-alerto o maging active ito.
- Magpagalaw ng mga bagay sa harapan ng iyong baby upang kanyang makita, tulad na lamang ng pag-close open ng iyong kamay.
- Kumanta ng mga simpleng kanta o ‘di kaya naman ay mga nursery rhymes na may repetitive phrases sa iyong anak.
- Ikuwento o sabihin mo sa iyong baby ang inyong gagawin or ginagawa. Tulad ng “Halika na papaliguan na kita” o kaya naman ay “Kakain na tayo ng paborito mong gulay.”
4 – 6 months
- I-encourage ang iyong baby na i-hug ang kanyang mga stuffed animals o plush toys. Sa tulong ng mga ito ay na-sosoothe o nako-comfort ang iyong anak na makakatulong sa developmental challenges na kaniyang nararanasan.
- Hayaan ang iyong anak na maglaro at makabuo ng kahit anumang bagay gamit ang mga blocks o cups.
- Magpatugtog ng mga musika na mayroon iba’t ibang ritmo sa iyong anak.
- Magpakita sa iyong baby ng mga libro na may makukulay na pictures.
- Hayaan ang iyong anak na humawak ng mga bagay na may iba’t ibang tekstura.
6 – 18 months
- Makipag-usap at laging makipag-interact mg face-to-face sa iyong anak upang lalong lumawak ang kaniyang vocabulary.
- Magturo ng mga pamilyar na tao at mga bagay at ulitin ang kanilang mga pangalan sa iyong anak.
- Kumanta ng mga kanta o nursery rhymes na may repetitive verses at sabayan ito ng mga hand motions.
- Makipaglaro ng tagu-taguan sa iyong anak.
18 – 24 months
- Makipaglaro sa iyong anak ng mga game tulad ng bring me o spot the colors.
- Makipag-usap ng mas madalas sa iyong anak.
- Ipakilala sa kaniya ang mga writing tools tulad ng krayola at papel.
- Hikayatin siyang maging-independent play o pretend play gamit ang kanyang mga paboritong laruan.
Car photo created by azerbaijan_stockers – www.freepik.com
24 – 36 months
- Purihin ang iyong anak sa oras na ma-perfect niya ang isang motor skill tulad nalang ng pagsisipilyo niya ng ngipin.
- Hikayatin at palawakin ang imahinasyon ng inyong anak gamit ang kanyang mga laruan.
- Tulungan ang iyong anak na gawin ang mga real life activities bilang laro tulad na lamang ng magkunwaring may kausap siya sa telepono o kunyaring siya ay nagda-drive ng kotse.
- Sa pagbabasa ay dapat itinuturo mo ang mga salita na iyong binabasa sa iyong anak.
3 – 5 years old
- Makipaglaro ng mga simpleng board games sa iyong anak upang mahasa ang kanyang pag-aaral ng mga rules o skills dito.
- Limitahan ang panonood ng TV o bidyo sa isa hanggang dalawang oras lamang bawat araw at manood kasama ang iyong anak. Gawin ang panonood niya na interaktibo sa pamamagitan ng pakikipag-usap o pagpapaliwanag sa kaniya sa mga nangyayari sa inyong pinapanood.
- Paglaruin ng puzzles ang iyong anak.
- Limitahan ang paggamit ng “no” at hikayatin ang iyong anak na mag-explore.
- Bigyan ng sapat na oras at atensyon ang iyong anak at hikayatin siyang magkuwento sayo ng mga bagay na kaniyang naranasan sa isang buong araw. Sa pamamagitan nito ay hindi lang na-stimulate ang learning ng iyong anak, mas nagiging closer rin kayo sa isa’t isa.