Karamihan sa mga Pilipino ay simple lamang ang pangarap para sa kanilang pamilya: ang makabili ng sariling bahay at lupa. Ito kasi ang isa sa tanging maipapasa natin sa ating mga anak pagdating ng araw. Iba na rin talaga ang may sariling bahay, ‘di ba?
Sa nakaraang dalawang dekada na lamang, napakarami nang pabahay o housing development ang sumusulpot sa kalakhang Maynila pa lamang. Dagdag pa dito ang mga mas malalaking komunidad at itinatayo ng iba’t ibang developer sa labas ng Maynila tulad ng Cavite, Laguna, San Mateo, Tagaytay, Pampanga, Bulacan at iba pang karapit na lugar.
Paano nga ba tutuparin ang pangarap na ito?
Ayon kay Veronica San Jose, Property Consultant and Realty Agent, Pag-Ibig Housing Loan ang isa sa pinakakaraniwan at unang mahihingan ng pinansiyal na tulong sa pagbili ng bahay at lupa sa Pilipinas. Lahat kasi ng empleyado at karamihan sa mga may negosyo ay naghuhulog sa SSS at Pag-Ibig, kaya’t elligible o kwalipikado na kumuha ng housing loan o financing.
Usapang Pag-ibig
Sino ang qualified na mag-apply ng housing loan sa Pag-ibig?
- Aktibong miyembro na kasalukuyang employed at regular (buwan buwan) na naghuhulog ng kontribusyon sa Pag-Ibig
- Self-employed o may sariling negosyo
- Overseas Filipino Worker na aktibong miyembro at regular (buwan buwan) na naghuhulog ng kontribusyon sa Pag-Ibig
- Dating aktibo sa paghuhulog ngunit nahinto
- Bagong miyembro ng Pag-Ibig at nakapaghulog na ng hindi bababa sa 24 na buwan.
- Kung wala pang 24 buwan, maaaring bayaran ang kabuuan ng halaga ng kontribusyon para mabuo ang 24 na buwan.
- WALANG aktibong salary loan sa Pag-Ibig. Kung mayroon man, dapat ay walang delay sa pagbayad.
- Tinitingnan din ang edad ng aplikante o miyembro, at ikukumpara sa bilang ng taon ng installment o paghuhulog. Halimbawa, ang mga miyembrong nasa 20 hanggang 30 taong gulang ay maaaring bigyan ng 30 taon paghuhulog. Kung higit dito ang edad, mapag-uusapan kung ilang taon kayang bayaran o hulugan.
Paliwanag ni San Jose, kapag nais bumili ng bahay at lupa, kailangang bayaran ang reservation fee sa developer. Ito ay karaniwang nasa P20,000 hanggang P50,000. Ito ang seguridad na ang napili mong bahay at lupa ay nakaserba na para sa iyo.
“Pagkatapos nito, magsisimula nang magbayad ng equity or downpayment payable in 12 months o minsan ay 24 months, depende sa developer. Ito yung pre-selling or itatayo pa lang ang bahay,” ika ni San Jose.
Kapag RFO naman o ready for occupancy (nakatayo na ang bahay at pwede nang tirhan), kailangang bayaran naman ang payment ng equity ng cash o hangggang 3 buwan, depende na rin sa policy ng developer.
Dagdag ni San Jose, “Pagkatapos mabayaran ang equity, may binabayaran ding move-in fee, na minsan ay umaabot sa P35,000 o depende na rin sa developer. Ito ay para naman iyon sa kuryente at tubig.”
Pagkatapos makabayad ng move-in fee ay maaaring nang iproseso sa Pag-Ibig o banko, na karaniwang inaabot ng mga 2 hanggang 3 buwan. May kaukulang CI o Credit Investigation din para siguraduhing kayang bayaran ng bumibili ang ilang taong hulog sa property. Pagkatapos ng lahat ng ito, pwede nang lumipat sa bahay.
Ang hiniram sa Pag-Ibig ay buwan-buwan nang babayaran sa Pag-Ibig na maaaring ibawas sa suweldo mo (ng iyong employer) o dirketang ihuhulog sa Pag-Ibig. Itatalaga ng Pag-Ibig kung ilang taon mo itong babayaran. Ang Pag-ibig ang may pinakamababang interest rate, kung ikukumpara sa mga bangko. Ngunit ito ay para lamang sa loan na hanggang P400,000.
Pinansiyal na tulong mula sa bangko
Ang mga bangko sa ating bansa ay may mga planong pinansiyal din para sa mga nais bumili ng bahay at lupa, o ang tinatawag na bank housing loan. Minsan ay puwedeng idagdag ito sa hiniram na sa Pag-ibig. Karaniwang humihiram ang isang indibidwal o mag-asawa sa bangko kung saan sila ay may Savings o Checking Account. Ngunit maaari pa rin namang manghiram sa ibang bangko, lalo’t nakikitang mas maliit ang binibigay na interes ng bangko. Minsan din ay may mga katuwang na bangko na ang developer, kaya’t ito ang irerekominda nila.
Kung may oras pa, pag-aralang mabuti ang mga interest rate at mortgage plan ng bawat bangko. Ayon kay Jay Castillo, Real Estate Investor, finance expert ng Foreclosure Philippines, isang eksperto sa Real Estate Investment, minsan ay mukha ngang mas mura ang home loan rate ng isang bangko at napakababa ng monrtgage nila, ngunit kailangang tingnan ang taunang pagpapalit ng halaga o yearly repricing.
Mayroon rin kasing fixed interest rates na kadalasan ay mas mataas pero hindi na ito magbabago sa paglipas ng taon, kahit pa magkaron ng krisis na pinansiyal ang ekonomiya o ang bangko.
Ito ang mga inaasahang marinig sa mga ahente o bangko kapag ikaw ay nag-aapply ng housing loan:
Prinsipal – Ang halaga ng perang hiniram at hindi pa nababayaran. Ito ay ang halagang wala pang interes.
Interest Rate – porsyento na mas mababa kaysa sa Prime Lending Rate (PLR)
Loan Tenure – pinagkasunduang taon o haba ng panahon ng pagbabayad. Sa Pilipinas, ito ay nasa 10 hanggang 20 na taon.
Alaming mabuti ang magiging kabuwanang hulog sa bangko kung sakaling ikaw ay hihiram. Maraming mga kalkulasyon na mas maiintindihan kung uupo at makikinig mabuti sa paliwanag ng ahente, para hindi ka mabigla kapag oras na ng bayaran.
source: Foreclosure Philippines, PAG-IBIG official website
BASAHIN: Mga benepisyo pagkapanganak mula sa SSS at Philhealth