Paano magpalaki ng mabuting anak? Narito ang pitong tips na dapat mong gawin.
Paano magpalaki ng mabuting anak
Lahat tayo ay nagnanais na lumaking mabuti at responsable ang ating anak. Ngunit bago pa man sa eskwelahan na kung saan natututo sila ng iba’t-ibang kaalaman, tayo ang kanilang unang guro. Ang unang taong magtuturo sa kanila ng mga katangian at kaugalian na kanilang makakasanayan at kalalakihan. Ngunit ano nga ba ang dapat nating gawin upang masigurong lalaki ng maayos ang ating anak? Narito ang pitong tips kung paano magpalaki ng mabuting anak na makakatulong sa inyo.
1. Siguraduhing magbigay ng oras o quality family time kasama ang iyong anak.
Bilang isang pamilya tayo dapat ang unang taong pupuntahan o tatakbuhan ng ating anak sa oras na siya ay magkaproblema. At magagawa nating makasanayan niya ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng oras o pag-spend ng quality family time na kasama siya. Ito man ay sa pamamagitan ng simpleng pamamasyal, pagsisimba kada linggo o ang pakikipagkwentuhan sa kaniya. Sa ganitong paraan ay maipapakita natin sa ating mga anak na may pamilya siyang maasahan at maaring sandalan. Isang pamilya na magiging inspirasyon niya. Magiging gabay niya at magandang halimbawa kung paano makikitungo sa iba.
Ayon nga sa isang pag-aaral na isinagawa sa England, malaki ang epekto ng parental engagement sa success ng isang bata paglaki. Mas nagiging inspired sila at academic achiever kapag nakakasama nila ang kanilang magulang sa mga school activities. Tulad ng field trips o hindi kaya naman ay ang simpleng pagbabasa ng libro o kwento ng magkasama.
2. Purihin ang mabubuting katangian ng iyong anak.
Dahil tayo mga magulang ang unang nakakasama ng ating mga anak sa atin sila kumukuha ng kanilang sense of identity. Kung ano ang lagi nating inilalagay sa kanilang isip ay ang bagay na kanilang kalalakihan. Kaya naman imbis na punahin paulit-ulit ang mali nilang katangian ay mag-concentrate sa mabuting katangian na kanilang ipinapakita at purihin ito. Sa ganitong paraan ito ay kanilang uulitin at makasanayan nilang gawin hanggang sila ay tumanda na.
3. Itama ang maling pag-uugali ng iyong anak sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kaniya.
Imbis na deretsong ipamukha sa iyong anak ang mali niyang nagawa ay hayaang siya ang tumukoy nito at kaniyang maitama. Gawin ito sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kaniya sa paraang maiintindihan niya at makaka-relate siya. Tulad nalang kung may nasaktan siyang kapwa niya bata. Imbis na pagalitan ay kausapin siya ng mahinahon upang maipatindi sa kaniya ang mali niyang nagawa. Simulan ito sa pagtatanong sa kung ano ang nangyari at kaniyang ginawa. Saka iyong alamin kung ano ang naging epekto nito sa kaniya. At ano ang nakita niyang epekto nito sa kapwa niya bata. Sundan ito ng tanong na kung sakaling sa kaniya kaya nangyari ang ginawa niya, ano kaya ang mararamdaman niya? Sa ganitong paraan ay ma-rerealize ng iyong anak na siya ay nakasakit at mali ang kaniyang nagawa.
Kung kaniyang ma-realize ang pagkakamali nagawa niya ay purihin siya at hikayating itama ang mali niyang nagawa sa pamamagitan ng paghingi ng tawad. Sa ganitong paraan ay natuto ang iyong anak na magkaroon ng empathy o magpahalaga sa nararamdaman ng kapwa niya.
4. Maging magandang halimbawa sa iyong anak sa pagpapakita ng magandang asal.
Para sa ating mga anak tayo ang kanilang modelo at iniidolo. Lahat ng nakikita nila sa atin ay kanilang ginagaya dahil sa ganitong paraan sila natututo. Mali man ay inaakala nilang ito ang tama. Kaya naman dapat sa lahat ng oras, tayo ay nagpapakita ng magandang halimbawa.
Ayon nga sa developmental and behavioral pediatrician na si Lisa Nalven, ang imitation o ang panggagaya ay napakahalaga sa development ng abilities ng isang bata.
“Imitation is vital to the development of abilities ranging from language to social skills.” Ito ang pahayag ni Nalven na nagmula sa Valley Center for Child Development sa Ridgewood, New Jersey.
Habang ayon naman kay Daniel B. Kessler, ang bawat kilos na ginagawa ng isang bata ay paulit-ulit niya munang ino-obserbahan na ginagawa ng matanda bago niya gawin.
“Some children spend a lot of time observing and processing information before they attempt something.”
Ito ang pahayag ni Daniel B. Kessler, director ng developmental and behavioral pediatrics sa Children’s Health Center ng St. Joseph’s Hospital sa Phoenix, Arizona.
Kaya naman mahalaga na laging magpapakita ng magandang halimbawa sa iyong mga anak. Tulad ng pagtulong at pagbibigay sa kapwa, pagsasabi ng po at opo, paggalang sa mga matatanda, pagdadasal, pagpapasalamat at iba pang kagandang asal na dapat ay taglayin niya.
5. Sa kaniyang batang edad ay turuan at gabayan ang iyong anak sa tamang paraan ng pagharap sa mga problema.
Tulad ng pagtama ng maling kaniyang ginawa ay dapat maturuan mo rin ang iyong anak na magbigay solusyon sa problemang kinahaharap niya. Bilang isang magulang ay masakit sa atin na nakikitang nahihirapan ang ating anak. Ngunit dapat nating isaisip na ito ay paraan upang siya ay matuto. Dapat nating ituring ang kaniyang pagkabata na “training ground” na maghahanda sa kaniya sa mga pagsubok na haharapin niya kapag siya ay matanda na.
Simulan ito sa maliliit na pagsubok na hinaharap ng isang batang tulad niya. Gaya ng paggawa ng kaniyang assignment. Imbis na ikaw ang gumawa para sa kaniya ay gabayan lang siya at hayaang siya ang sumagot at gumawa nito. Dahil kailangan niyang matutong maging independent ng hindi nawawala ang paggabay mo. Ipaintindi sa kaniya na lahat ng bagay ay hindi nakukuha ng madali. Kailangan ng pagtitiis at pasensya upang makamit ang ninanais niya. At higit sa lahat sa paggawa ng tamang desisyon na naka-depende sa ikakabubuti niya at ng mga taong nasa paligid niya.
6. Turuan ang iyong anak na siya ay hindi perpekto at ang pagkakamali ay paraan upang siya ay matuto.
Bilang magulang ay hindi mo dapat i-pressure ang iyong anak. Hayaan mong i-enjoy niya ang kaniyang pagkabata. Ipaintindi sa kaniya na bagamat ang gusto mo ay ang ikabubuti niya, siya parin ang may hawak ng kinabukasan niya. At ang pagkakamali ay bahagi lamang ng learning process na ito.
Sa kaniyang batang edad ay hayaan siyang gumawa ng desisyon para sa sarili niya. Ngunit, gabayan at paliwanagan siya sa maaring maging epekto ito. Sa ganitong paraan ay matututo siyang magkaroon ng kontrol. Habang natututo rin siyang alamin ang mga epekto ng bawat hakbang na kaniyang gagawin. Sa oras naman na siya ay magkamali ay ipaintindi sa kaniya na ayos lang ito. Ngunit sa susunod ay dapat matuto na siyang huwag magpadalos-dalos upang hindi na ito maulit pa.
7. Ipaintindi sa anak na siya ay unique at hindi niya dapat ikumpara ang sarili niya sa iba.
Para maiwasan ng iyong anak ng magkaroon ng sama ng loob at makabuo ng galit sa kaniyang damdamin ay dapat maturuan mo siyang magkaroon ng pagpapahalaga sa kaniyang sarili. Ito ay magagawa sa pamamagitan ng pagpapaintindi sa kaniya na bawat isang tao sa mundo ay kakaiba. At hindi niya dapat ikumpara ang kaniyang sarili sa kahit na sino. May mga bagay na kaya niya na hindi kaya ng iba. At may mga bagay naman na kaya nila na hindi niya kaya. Ngunit ipaliwanag sa kaniya na ito ay normal lang. Sa ganitong paraan ay mas magkakaroon siya ng kumpyansa sa sarili at hindi maiinggit sa kaniyang kapwa.
Ilan lamang ito sa mga paraan kung paano magpalaki ng mabuting anak. Marami kang maaring gawin upang masiguro na lalaking maayos ang iyong anak, Ngunit ang pinaka-mahalaga sa lahat ay ang pagiging mabuting halimbawa at ehempo sa kaniyang mga mata.
Source: INC, Very Well Family, MedikoPH
BASAHIN: 11 mabuting asal na dapat matutunan ng bawat bata simula edad na 2