Lahat ng nagbubuntis na ina ay umaasang malusog ang kanilang ipapanganak na sanggol. Pero minsan hindi maiiwasan na magkaroon ng kondisyon ang bagong panganak na sanggol. Isa na rito ang tinatawag na amniotic band syndrome o ABS. Paano maiiwasan ang amniotic band syndrome, at dapat ba itong ikabahala?
Heto ang mga dapat mong malaman.
Ano ang amniotic band syndrome (ABS)?
Ang ABS ay isang kondisyon na lumalabas habang nagbubuntis pa lamang.
Kapag ang iyong sanggol ay nasa iyong sinapupunan, siya ay nababalutan ng tinatawag na amniotic sac na naglalaman ng amniotic fluid. Ito ay ang ‘nilalanguyan’ ng iyong sanggol.
Ang amniotic sac ay binubuo ng dalawang bahagi, ang nasa bandang labas na kung tawagin ay chorion, at ang bahaging nasa loob na amnion.
Ang ABS ay nangyayari kapag biglang napunit ang amnion, ngunit hindi napunit ang chorion.
Dahil dito, may mga piraso ang amnion na parang sinulid na lumulutang sa loob.
Ang mga piraso ng amnion na ito ay pwedeng pumulupot sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ni baby, at maipit ang pagdaloy ng dugo. Magkakaroon rin ito ng masamang epekto sa iyong sanggol.
Kasama rito ang mga sumusunod:
- Putol na mga daliri at iba pang bahagi ng katawan.
- Bingot o cleft lip o palate.
- Clubfeet o nakatagilid na posisyon ng paa.
- Minsan, ito rin ay nakamamatay. Posibleng pumulupot ito sa umbilical cord at maputulan ng nutrisyon at dugo ang sanggol.
Paano maiiwasan ang amniotic band syndrome?
Hindi naman lahat ng kaso ng ABS ay dapat ikatakot. Ito ay depende sa kung gaano kasikip ang pagkapulupot at kung saan nakapulupot ang band.
Hindi ito nakakasama sa mga ina, ngunit lumalabas ang mga problema kapag ang sanggol ay iniluwal na.
May iba’t-iba ring pangalan ang ABS:
- amnion rupture sequence
- amniotic bands
- congenital constriction rings
- constriction band syndrome
- Streeter bands
- Streeter dysplasia
- limb body wall complex
- amniotic band sequence
- amniotic deformity, adhesions, mutilations (ADAM) complex
- Streeter anomaly
Kasalanan ba ito ng mga ina?
Halos bibihira lang mangyari ang ABS. Kadalasan nasa isang kaso lang bawat 1,200 nag pagpapanganak, or isang kaso sa bawat 15,000.
Ang ABS din ay hindi epekto ng gawain ng isang ina. Kaya’t ang katotohanan ay, walang paraan upang makaiwas sa ABS.
May mga isinagawang pag-aara rin na naghahanap ng posibleng sanhi ng ABS. Ngunit hindi pa nila masabi kung ano nga ba ang mismong nagdudulot nito.
Heto ang ilang posibleng maging sanhi:
- Pagkaopera sa uterus.
- Chorionic Villus Sampling. Ang karayom na ginagamit para sa Chorionic Villus Sampling ay posibleng makabutas sa amnion.
- Mga buntis na gumamit ng Miroprostol, isang pampalaglag.
- Pag-inom at paninigarilyo habang buntis.
Paano ito maiiwasan?
Kung tinatanong mo paano maiiwasan ang amniotic band syndrome, ay walang siguradong paraan upang makaiwas dito. Ngunit mahalaga pa rin na sundin ang mga alituntunin pagdating sa pag-aalaga ng sarili habang buntis.
Paano malalaman ang ABS?
Posibleng makita ang ABS kahit bago pa man ipanganak ang isang sanggol. Pero kadalasan, nalalaman lang ito kapag ipinanganak na ang sanggol.
Bago ipanganak
Ang mga mahuhusay na doktor ay posibleng matagpuan agad ang ABS gamit lamang ang ultrasound. Kadalasan ginagawa ito sa pang 12 na linggo ng sanggol sa sinapupunan.
Minsan, hindi rin agad nahahanap ang ABS. Mas mabuting magpakonsulta sa doktor na mayroong karanasan sa ABS upang maging sigurado.
Pwedeng gumamit ng MRI, ultrasound, physical examination, x-ray, at iba pang pagsusuri upang alamin kung may ABS ang isang sanggol.
Ano ang pwedeng gawin ng mga ina?
Kung mayroong ABS ang iyong anak, ay huwag agad matakot. Mabuting ipakonsulta muna ito sa doktor upang malaman ang pinakamainam na paraan ng paggamot.
Minsan, nabibigyan ng reconstructive surgery ang mga bata, at minsan ay kinakailangan ng physical therapy, tulad ng sa mga batang may clubfoot.
Huwag mag-atubiling magpakonsulta sa doktor at alamin lahat ng mga posibleng paggamot sa ABS.
References: amnioticbandsyndrome.com, University of San Francisco, rarediseases.org, Very Well Family, Seattle Children’s Hospital, 123radiology
Isinalin sa Filipino ni Alwyn Batara
https://sg.theasianparent.com/how-to-prevent-amniotic-band-syndrome
Basahin: 8 maternity practices na maaaring hindi na gawin ngayon