Impormasyon kung paano maisalba ang nabasang gamit.
Mga dapat at hindi dapat gawin kapag nabasa ang furniture at appliances.
Paano maisalba ang nabasang mga gamit sa nagdaang bagyo at pagbaha? Narito ang mahahalagang paalala at tips na dapat mong malaman.
Image from Mean Mesa
Paano maisalba ang nabasang mga gamit sa pagbaha
Sa nagdaang bagyong Ulysses ay maraming lugar sa Luzon ang nakaranas ng labis na pag-ulan na sinundan ng pagbaha. Dahil hindi ito inaasahang mangyari, maraming kabahayan ang nalubog sa tubig. May mga gamit sa bahay na hindi naisalba at ngayon ay basang-basa at balot ng putik na.
Masakit man kung iisipin ang naging epekto ng nagdaang kalamidad—lalo na sa mga gamit na ating pinag-ipunan at pinaghirapan.
Ang ilan sa mga ito ay maari pa naman nating gamitin. Basta’t alam natin ang tamang paraan kung paano maisalba ang nabasang mga gamit. At ang mga gamit na dapat o puwede pa nating magamit muli.
Appliances
Isang mahalagang paalala mula sa mga eksperto, kung magbabalik sa inyong bahay matapos ang pagbaha ay huwag na munang bubuksan ang linya ng inyong kuryente. Patignan ito sa isang espesyalista o electrician. Ito ay upang maiwasan ang aksidente o pagkaka-kuryente.
Ganito rin ang kanilang mahalagang paalala pagdating sa pagsasalba ng inyong mga appliances na nabasa ng tubig baha. Huwag na munang magsasaksak o gagamit ng anumang electrical appliance na hindi ito natitingnan na isang electrician.
May mga appliances na maari pang gamitin o ipa-repair sa kabila ng damage na natamo nito sa pagkakabasa. Ang mga ito ay ang sumusunod:
- Dishwashers
- Dryers
- Electric water heaters
- Home electronics (televisions, DVD players, at receivers)
- Microwave ovens
- Ranges, ovens at cooktops
- Washing machine
Image from Poy Marqueta
Habang narito naman ang mga appliances na mas mabuting huwag ng gamitin at palitan nalang sa oras na ito ay mabasa ng tubig baha. Maaari kasing maging banta lang sa kalusugan ang muling paggamit nito. O kaya naman ang pagpapagawa rito ay masyado ng mahal o hindi na praktikal na gawin.
- Heating at cooling products tulad ng air conditioner at air purifiers. Dahil mataas ang tiyansa na ma-contaminate ito ng molds at bacteria na maaring makasama sa kalusugan.
- Ang mga gas water heaters ay dapat ng palitan sa oras na ito ay mabasa. Dahil ang mga base components nito ay non-replaceable.
- Mas mainam rin na huwag na gamitin at palitan ang mga refrigerators at freezers na napasukan ng tubig baha. Dahil sa ang mga ito ay maaring na-expose sa tubig na maaring magdulot ng sakit na hindi basta-basta malilinis.
- Mga maliliit na appliances tulad ng hair dryers, toasters, vacuum cleaners, sewing machines at coffee makers. Dahil ang mga ito kung mabasa ay hindi na ma-rerepair.
Furniture
Tulad ng mga appliances may mga furniture rin na maari paring gamitin kahit na ito ay mabasa na ng tubig baha. Tulad ng mga solid wood furniture na puwedeng ma-sanitize at ma-refinish muli. Kailangan lang ay patuyuin ito o ibilad sa init ng araw.
Habang ang mga ordinary furniture na may cushions o fabric na nabasa ng tubig baha ay mas mabuting huwag ng gamitin. Dahil sa ang mga ito ay maaring mag-retain ng mabahong amoy. Ganoon rin ang mga MDF o veneer furniture na maaring ma-demalinate sa oras na mabasa ng tubig.
Paper documents
Para maisalba ang mga dokumentong nabasa ng tubig baha mabuting lumapit o humingi ng tulong sa mga propesyonal na maaring makagawa nito ng tama. Dapat ito ay agad na maisagawa upang hindi tuluyang masira ang mga dokumento.
Kung nagplaplanong ibilad ito ay dapat paghiwala-hiwalayin ang bawat pahina ng dokumento. Ang mga libro namang nabasa ay dapat lagyan ng absorbent insert sa bawat pahina. Saka ito i-air dry o patuyuin.
Mga iba pang dapat tandaan sa pagsasalba ng gamit ng nabasa ng tubig baha
Image from Poy Marqueta
- Agad na itapon ang mga pagkaing nabasa ng tubig baha.
- I-sterilize ang mga canned food containers upang magamit muli. Itapon lang at huwag ng kainin ang mga laman nito na nabasa ng tubig baha.
- Itapon ang mga boteng may tansan na takip tulad ng softdrinks. Dahil maaring pumasok dito ang tubig baha at ma-contaminate ang inumin.
- Para sa mga de latang pagkain, mabuting tanggalin nalang ang label ng mga ito. Saka hugasan ang de lata sa tubig na may sabon o bleach upang malinis. Para ma-sanitize rin ang mga ito mainam na pakuluan ito sa mainit na tubig sa loob ng 10 minuto.
- Hugasan ang mga kitchen utensils, cookware, pots, pans, china glass at iba pa sa mainit na tubig na may sabon. Saka ito banlawan at hayaang matuyo sa drying rack.
- Para sa mga plastic utensils tulad ng plato, baso at cups mabuting itapon na ang mga ito. Dahil sa ito ay maaring ma-contaminate ng mga bacteria na taglay ng tubig baha.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga paraan kung paano maisalba ang nabasang mga gamit ng tubig baha. Muli at mahalagang paalala, bago pumasok sa inyong bahay na nalubog sa baha ay dapat siguraduhin na patay ang linya ng kuryente para maiwasan ang aksidente.
Source: Sears Home Services, Restoration, Consumer Reports, Rythech
Photo: Mean Mesa
BASAHIN: LOOK: Baby na inilagay sa palanggana, ligtas na