Kailan fertile ang isang babae? Paraan kung paano malalaman kung fertile ang babae

undefined

Kapag fertile ang isang babae, mas malaki ang chance na makabuo. Alamin ang senyales kung fertile na si misis. | Photo by Mickael Gresset on Unsplash

Paano malalaman kung fertile ang babae ? Isa ito sa mga tanong ng mga mag-asawa at mag-partner na gusto ng magkaanak. Handa na nga kayong magka-baby ni mister.

Ang tanong: handa na ba ang katawan mo para sa pagbubuntis? Kailan pwedeng mabuntis ang babae? Ito na ang panahon para alamin ang lahat ng tungkol sa big O, o ovulation.

paano-malalaman-kung-fertile-ang-babae

Paano malalaman kung fertile ang babae? | Source: Unsplash

Narito ang lahat ng dapat malaman tungkol sa ovulation, at ang 5 signs na fertile si misis—at handa na ang katawan niyang magbuntis.

Ano ang ovulation?

Ang ovulation ay ang yugto ng menstrual cycle ng isang babae kung saan ang mature egg ay lumalabas galing sa obaryo ng babae papunta sa fallopian tube, kung saan kakatagpuin ito ng sperm na galing sa lalaki. Isang itlog lamang kada buwan ang inilalabas ng obaryo, kaya’t pinakahihintay ito ng mga gustong magbuntis.

Kung ika’y buntis, menopause o naka-birth control pills, hindi ka makakaranas ng ovulation. May mga eksklusibong nagpapadede o breastfeed na hindi rin nag-o-ovulate, pero hindi ito 100% na garantisado, dahil may mga ilang pagkakataon na nagbubuntis pa rin kahit pa nagpapasuso ng bata.

Paano malalaman kung fertile ang babae?

Paano ba malalaman kung fertile ang babae? Mabubuntis ba agad ang babae? Napakaraming haka-haka tungkol sa ovulation. May mga nagsasabing isang araw sa isang buwan ka lang fertile, at may mga nagsasabi namang puwede kang mabuntis kahit anong araw.

Pareho itong hindi totoo, ayon kay Dianne Gakit-Cortes, RN. Ang totoo, mayroong anim na araw na fertile ang babae, sa anim na araw na ito malaki ang tiyansa na mabuntis. Isang araw lang ang mismong araw ng ovulation, pero may 5 araw bago dito ay posible nang mabuntis ang babae.

“Kapag kasi nailabas na ang ‘egg’ mula sa ovary, viable ito sa loob ng 24 oras. Ito ang ‘optimal’ time ng pagbubuntis,” paliwanag ni nurse Dianne. At dahil may mga sperm na nabubuhay ng ilang araw, maaari pang umabot ito sa paglabas ng itlog, kahit nagtalik bago pa ang mismong araw ng ovulation.

Sa kabuuan, may pitong araw na fertility window kung tawagin. Pero pagkatapos ng ovulation, hindi na maaaring mabuntis, hanggang sa susunod na menstrual cycle.

Kailan fertile ang babae? 5 signs na fertile ang babae

Kung nagpaplano magbuntis, o sa kabilang dako ay nagpaplano naman ng pamilya at umiiwas na makabuo, makabubuti na malaman ang signs of ovulation ng sariling katawan. S

a tulong na paliwanag ni nurse Dianne, at mula sa librong How to Get Pregnant ni Sherman J. Silber, MD, narito ang mga inidicators o mga physical signs na makapagsasabi kung ito na ang oras na hinihintay ninyong mag-asawa.

Mga future mommies, hintayin ang mga sumusunod na signs:

paano-malalaman-kung-fertile-ang-babae

Paano malalaman kung fertile ang babae? | Source: Unsplash

1. Mayroin kang white mucus discharge

Maitutulad ito sa egg whites, ayon kay nurse Dianne. Ang cervical mucus na ito na lumalabas mula sa vagina ay nag-iiba ng consistency. Kapag malapit na ang ovulation, hanggang sa maging fertile ang babae, dumadami ang estrogen niya, kaya ang cervical mucus niya ay malinaw at “stretchy”, madulas at mas basa, na parang hilaw na egg white.

Mas nakakalangoy ang sperm papunta sa fertilized egg dahil dito. Kapag hindi fertile, ang mucus discharge na ito ay madikit at malabo, at madalas ay hindi napapansin.

Hintayin ang discharge at kailangan itong hawakan at tingnan, para makita kung nagbago na ang itsura at consistency nito.

2. Malakas ang pang-amoy

Karamihan sa mga nag-o-ovulate na babae ay mas nagiging sensitibo ang sense of smell. Lahat tuloy ay naamoy at kinaiinisan pa nga, tulad ng amoy ng pagkain, banyo pati na amoy ni mister.

Ang sensitibong pang-amoy daw ay mas maigting kapag malapit na ang ovulation hanggang sa mismong araw. Kapag fertile din, may mataas ang atraksyon sa pheromone androstenone ng mga lalaki, kaya nga parang palaging may BO (body odor) si mister para kay misis, kapag ovulating siya.

3. Parang namamaga at mas sensitibo ang boobs at nipples

paano-malalaman-kung-fertile-ang-babae

Paano malalaman kung fertile ang babae? | Source: Unsplash

Karaniwan nararamdaman din ito kapag malapit ka nang magkaroon ng buwanang dalaw. Pero ang hindi alam ng marami, senyales din ito ng ovulation. Ito ‘yong mga araw na parang ang bigat at ang laki ng boobs, at makanti lang ang nipples ay napakasakit na. Pagtanggal ng bra ay para kang nakahinga nang maluwag.

Ayon sa The Linacre Quarterly, Issue 4: Women’s Health Care article na may pamagat na Ovulation, a sign of health, ang umano’y pamamagang ito (tenderness at soreness) ng breasts at nipples ay dahil sa pagdagsa ng hormones sa katawan, bago at pagkatapos mag-ovulate.

4. Pakiwari mo ba ay mataas ang sex drive mo, at feeling sexy ka rin!

Mag pagdagsa din ng hormones kapag fertile period mo, kaya nga may tinatawag na libido boost, o mas maigting na sex drive sa panahong ito. Kapag nararamdaman mo na na parang puro sex ang nasa isip, at matindi ang atraksiyon kay mister, malamang ay fertile ka.

May mga pag-aaral na nagsasabing mas matindi ang sexual attraction ng mga lalaki sa babae kapag nasa fertile period ang babae, kung kailan pati ang boses ay mas sexy pa. Lahat ito ay ayon pa rin kay Pilar Vigil, M.D., Ph.D., FACOG, na siyang may akda ng medical journal article na Ovulation, a sign of health.

May pag-aaral na nagsasabing may anim na araw tumatagal ang “sexual desire phase” na ito. Tumataas ang hormone na LH tatlong araw bago ang mismong araw ng ovulation.

Kaya nga kapag nakipag-sex sa loob ng anim na araw na ito, mas malaki ang posibilidad ng pagbubuntis. Sa madaling salita, parang naka-program sa pagbuo ng bata ang katawan kapag fertile ka. Kaya sundin ang mga senyales, kung gustong magka-baby.

5. May pananakit sa pelvic o lower abdomen

Maraming kababaihan ang nagsasabing ramdam nila ang ovulation. Iba ito sa menstural cramps. Ito ay isang katamtamang pananakit sa lower abdomen, karaniwan sa isang side lang.

Mittelschmerz ang tawag dito ng mga doktor, at tumatagal mula ilang minuto hanggang ilang oras. May kasunod din itong kaunting pagdurugo o blood spotting, at pagkahilo, pero lahat ay panandalian lamang, pero nauulit.

Paano malalaman kung fertile ka kung ikaw ay may irregular periods? 

Kung ikaw naman ay mayroong irregular periods o may kundisyon katulad ng PCOS o Polycystic Ovary Syndrome maaaring medyo mahirapan ka na malaman kung kailan ka ba fertile. Inilista namin rito ang ilang paraan para malaman kung kailan fertile ay isang babae na may irregular periods: 

  • Isa sa mga signs ay ang pagkakaroon ng mucus secretion. Kung ikaw ay may clear sticky discharge ibig sabihin nito ay nasa gitna ka ng iyong cycle at ibig sabihin ay malapit na rin ang iyong ovulation. Ang pagkakaroon ng ganitong discharge ay sanhi ng pagtaas ng estrogen sa iyong katawan
  • I-track ang iyong body temparature, isa rin ito sa mga mainam na paraan para malaman kung nag-o-ovulate ka na. 
  • Gumamit ng Ovulation Predictor Kits na mabibili over-the-counter para matulungan ka rin sa pagtansya sa pagdating ng iyong ovulation. 

Marami pang pagbabago at hudyat—kaya’t maging sensitibo

Bago at pagkatapos ng ovulation, napakaraming pagbabago ang pinagdadaanan ng katawan ng isang babae, lalo na dahil sa hormonal shifts. Marami pang maliliit at halos di napapansin na pagbabago. Tulad ng pagiging moody, paminsan-minsang sakit ng ulo, pati nga pagbabago sa laway (salivary ferning) na hindi makikita kundi pa titingnan sa isang microscope, at ang pagbabago sa mismong cervix.

Napakaraming babae ang hindi napapansin ito, at hindi man lang alam ang mga ito. Kung seryoso at determinadong magbuntis, kailangang mas kilalanin ang sarili at bigyan ng pansin ang mga bagay na ito para maging positibo ang susunod na pregnancy test.

Ovulation kits para sa mas maigting na obserbasyon

Bukod pa sa mga karaniwang senyales ng ovulation, may mga tinatawag na ovulation kits na may lamang mga paraphernalia at simpleng equipment para mamonitor ang pagdating ng pinahihintay na ovulation day.

May mga gumagamit ng OTC ovulation predictor kits, na sumusukat sa lebel ng luteinizing hormone (LH) sa ihi. Mataas ang LH concentration sa loob ng 14 hanggang 27 oras kapag nag-o-ovulate ang babae.

Nariyan din ang panukat ng Basal Body Temperature (BBT), na ginagamit ng ilang buwan bago makita ang resulta. Ayon kay Dr. Vigil sa kaniyang article, ito ang isang pinakaepektibong indicator, pero dapat ay kasama ang ibang ovulation signs.

Mayron ding gumagamit ng menstrual charting, kung saan inililista ang mga araw kung kailang nagsimula at nagtapos ang buwanang dalaw o period ng babae.

May mga naglilista din ng mga potensiyal o hinihinalang sintomas ng ovulation na nakalista sa itaas, kapag nararanasan ang mga ito para makita kung nagsasabay-sabay nga ba ito, kung gaano kadalas, gaano kaigting, at iba pang importanteng factor at impormasyon. Gawin ito buwan buwan, para makita ang pattern at kung kailan ang optimum window ng fertility. Mainam din ito para makita ang anumang sintomas ng abnormal ovulation.

Dagdag pa rito, ayon sa paper ni Dr. Vigil, ang pag-aaral at obserbasyon sa ovulation ay hindi lamang para sa pagbubuntis. Ito din ay para makita at bigyan ng pansin ang reproductive health ng isang babae. Ang ovulation ay senyales ng kalusuguan. Ang pag-alam sa mga “biomarkers” ng ovulation ay tumutulong din sa pag-alam ng health status ng babae.

 

Karagdagang ulat mula kay Marhiel Garrote

WebMD, Healthline, helloclue

Dianne Gakit-Cortes, RN; The Linacre Quarterly, Issue 4: Women’s Health Care: Ovulation, a sign of health ni Pilar Vigil, M.D., Ph.D., FACOG; How to Get Pregnant ni Sherman J. Silber, MD

Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!